‘SCRATCH OF LUCK’: Retiradong OFW, Nanalo ng ₱500k, Balak Magbahagi sa Pamilya

Posted by watchmen
April 24, 2025
Posted in BUSINESS

Isang simpleng pagbisita sa Lotto outlet ang naging daan para sa isang retiradong overseas Filipino worker (OFW) na manalo ng ₱500,000 jackpot sa Go for Gold 50s scratch card.

Si Benjamin Gacutan, 70, na dating nagtatrabaho sa Ryadh Saudi Arabia, ay nagsabing wala siyang balak bumili ng scratch card nang pumasok siya sa Lotto outlet sa SM Fairview. “Wala along plano na bumili ng scratch card dito, pero dinala lang ako ng mga paa ko sa outlet na ito. Scratch lang ako ng scratch tulad dati,” aniya. Sa hindi inaasahang pagkakataon, kinuha niya ang jackpot prize na halos hindi rin mapaniwalaan ng teller.

Matagal nang naglalaro ng scratch cards si Gacutan at dati na ring nanalo ng maliliit na halaga, pero hindi niya inakala na isang araw ang makakakuha siya ng jackpot. “Akala ko ₱50 lang. Hindi ako makapaniwala nang makita kong ₱500,000 pala,” kuwento niya.

Hindi na siya nag-aksaya ng oras at agad na nagtungo sa PCSO office kasama ang kanyang kapatid upang i-claim ang premyo.

Bagama’t malaking tulong ang panalo sa kanyang kalusugan at mga gastusin sa gamot, sinabi na Gacutan na ang pinakamasarap na bahagi ng biyayang ito ay ang makapagbahagi sa kanyang pamilya.

“Ako yung breadwinner sa pamilya, kaya ang pinakamagandang pakiramdam ang ang makapag-share sa kanila ng biyaya,” aniya.

Plano rin niyang suportahan ang kanyang pinsan na isang pari sa pagpapatayo ng simbahan — isang matagal na nilang pinapangarap.

Sa kabila ng kanyang suwerte, nagpaalala si Gacutan na ang mga larong tulad ng scratch cards ay dapat ituring lamang na libangan. “Masaya manalo, pero wag iasa ang buhay sa swerte. Gamitin lang yung extra money, hindi yung budget sa pangaraw-araw,” paalala niya.

Ang kuwento ni Gacutan ay hindi lamang tungkol sa suwerte, ito ay patungkol sa pagbabahagi, pasasalamat, at paghanap ng saya sa pagtulong, kahit sa panahon ng pagreretiro.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *