By MELANIO MAURICIO JR.
INSPIRASYON SA BUHAY. “Kapag dumating ang araw na itanong ng inyong mga anak kung bakit kayo binigyan ni Yahweh ng kautusan at mga tuntunin, ganito ang sabihin ninyo … ‘Ibinigay niya sa amin ang kautusan at mga tuntuning ito upang magtaglay kami ng takot sa kanya. Sa ganoon, sasagana tayo at iingatan niyang tulad ng ginagawa niya sa atin ngayon.’” (Deuteronomio 6:20-21, 24, Bibliya)
***
‘DI PA BA KAYO NAGSASAWA SA MAHIRAP NA BUHAY? Ang tanong sa mga kababayan nating nasa laylayan ng lipunan: Bumuti na po ba ang mga buhay niyo? O, nananatili pa din ang inyong kahirapan at kabiguan? ‘Di ba kayo nagsasawa na sa buhay na wala man lamang pagpapala, paggabay at proteksyon mula sa Diyos?
Simple lang po ang solusyon upang bumuti ang buhay ng isang tao. Sa pananaw ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo (AND KNK), batay sa mga pag-aaral nito, alamin at sundin lamang natin ang sinasabi ng Diyos sa Kanyang Bibliya kung papaano magkakaroon ng pagbuti ng buhay, kung papaanong dadaloy sa isang tao o sa isang pamilya ang kasaganaan, kapayapaan, kalusugan, at kapangyarihan sa lahat ng sandali.
Sa maraming bahagi ng Bibliya, ang mensahe sa pagkakaroon ng kasaganaan at katagumpayan sa buhay ay iisa lamang: Dapat tayong puspusang makinig (o magbasa, mag-aral at mag-memorya ng mga utos ng Diyos sa Bibliya) at tapat na sumunod sa lahat ng mga utos na ito. ‘Pag ito ang ginawa natin, makakaasa tayong magiging mas maayos ang ating mga buhay.
***
HAMON SA MGA NAGHIHIRAP: HANAPIN ANG YAMAN AT TAGUMPAY SA DIYOS. Marami po ang magtatanong: Bakit ko naman kailangang magbasa, mag-aral at tumupad sa mga utos ng Diyos na nasa Bibliya para lamang maging marangya at matagumpay ang aking buhay? Simple din ang sagot: ‘Yun kasi ang sabi ng Diyos. At dahil ‘yan ang sinabi ng Diyos, tiyak na gagawin Niya ito.
Sabi nga ng Bilang 23:19, ang Diyos ay hindi tao na magsisinungaling. Kung ano ang Kanyang sinabi, ‘yun ay Kanyang tutuparin, kung ano ang Kanyang ipinangako, ‘yun ay Kanyang tutuparin. Batay dito, pupwede nating panghawakan ang Salita ng Diyos. Pwede tayong magtiwala na ‘pag ginawa natin ang sinasabi ng Diyos sa Bibliya, pahihintulutan Niya tayong maging marangya at matagumpay sa ating mga buhay.
Kaya naman ako ay may hamon sa mga nagbabasa ng “Kakampi mo ang Batas” ngayong araw na ito. Subukan nating magbasa ng Bibliya sa araw-araw, sa loob ng kahit na 30 araw lamang. Tapos, kasabay ng pagbabasang ito, pagsumikapan nating totohanang tuparin ang mga nababasa natin. Kung walang mangyayaring mabuti sa buhay niyo habang tumatakbo ang 30 araw na ito, doon niyo sabihing walang kwenta pala ang pagbabasa ng Bibliya.
***
MGA BAHAGI NG BIBLIYA NA MAY DALANG YAMAN AT TAGUMPAY. Ano ang pupwedeng basahin at tuparing mga bahagi ng Bibliya upang maumpisahan ang pagdaloy ng karangyaan at katagumpayan sa ating mga buhay? Sa amin pong mga kasapi ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo (AND KNK), may mga rekomendasyon po kami ukol sa dapat basahin at tuparing mga bersikulo ng mga nagnanais magkaroon ng pagbabago sa mga kahirapan ng kanilang mga buhay.
Ang mga bersikulong ito ay ang mga sumusunod: Jeremias 29:11, Bilang 23:19, Deuteronomio 28:1-14; Josue 1:8; Kawikaan 3:1-2; Mateo 6:33; Roma 1:16; at Hebrew 4:12. Sa aming karanasan sa AND KNK, makapangyarihan po ang mga bersikulong ito. Inihahayag po dito kung ano ang magandang plano ng Diyos para sa tao na pupwedeng panghawakan, pati na ang mga biyayang ibibigay sa mga tapat na nakikinig at sumusunod sa Salita ng Diyos.
Kung maaari, ang mga bersikulong ito ay itanim sa ating mga isip at mga puso. Lagi natin silang aalalahanin, at ihahayag ng ating mga labi, at gawing batayan ng ating mga ginagawa sa lahat ng sandali. Sa totoo lang, dalawa lang naman ang ipinagagawa sa atin ng mga bersikulong ito: Makinig (o mag-aral o mag-memorya) at sumunod (o gumana o tumupad) sa mga nakasulat sa mga bersikulong isinulat natin dito hanggang maging bahagi na sila ng ating mga buhay.
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ