By MELANIO LAZO MAURICIO
INSPIRASYON SA BUHAY. “… Sinabi ni Jesus… ‘Sapagkat sa mga araw na iyon, ang mga tao’y magdaranas ng matinding kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa kahit kailan …’” (Mateo 24:21, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
BAKIT NAPAKAGULO NA SA BUONG BANSA? Kung pagmamasdan natin ang kapaligiran ng bansang Pilipinas, puro kaguluhan ang tiyak na makikita ng buong sandaigdigan.
Nagkakagulo sa hanay ng mga nasa administrasyon at ng nasa oposisyon. Nakakagulo ang mga mananampalataya na ang pakiramdam ay inaapi sila.
Nagkakagulo din sa larangan ng pulitika ang maraming pulitiko. Kanya-kanya na sila ng pangangampanya, kahit na sa 2025 pa ang eleksyon.
Ang ugat at dulo ng lahat ng ito ay iisa lamang. Personal na interest. Personal na kapakinabangan.
Ang lahat ay nagnanais magkaroon ng sandamukal na yaman. Ang lahat ay gustong maging makapangyarihan.
Ganid sa salapi ang lahat, kahit na ito ay ninakaw lamang sa kaban ng bayan. Gahaman sa pwesto, kahit na ito ay nagdaan lamang sa dayaan.
Saan patungo ang Pilipinas? Sa pananaw ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo, patungo ang mga Pilipino sa tiyak na kapahamakan.
Iisa lamang ang tanging daan ng pagbabago at tunay na kaligtasan sa ngayon. Ang Diyos lamang ang tanging daan sa kasaganaan at kapayapaan.
Ang problema, 99 porsiyento ng mga Pilipino, wala na ang Diyos sa puso.
***
MGA IMBESTIGASYON SA KAMARA AT SENADO, WALA NAMANG BUTING DULOT. Marami ang magtataas ng kilay kung may magsasabi na pagsasayang lang ng oras ang mga imbestigasyon laban kay Alice Guo, ang napatalsik na alkalde ng Bamban, Tarlac, dahil sa POGO scandal.
Pero kailangang sabihin: Sayang lang talaga ang mga imbestigasyon ng Kamara at ng Senado laban kay Alice.
Wala din kasing tiyak na mangyayari diyan, gaya ng lahat ng iba pang nagawang mga imbestigasyon ng ating mga mambabatas.
Pampapogi lang ‘yan, walang pambayan at wala namang buting naidulot na ang mga nakaraan nilang imbestigasyon.
Ganundin, baka totoo ang sinasabi ng iba na instrumento lang ng diyablo ‘yang mga imbestigasyon na ‘yan.
Kasi naman, ang isinisiksik ng mga ito sa isip at puso ng mga Pilipino ay mga katiwalian at kasamaan, laban sa pamahalaan at sa bayan.
May ibang dapat pag-aksayahan ng panahon ang mga mambabatas, kung gusto nilang totohanang umunlad ang mga Pilipino.
Ito ay ang kanilang pagkilos upang mabigyan ng tapat na mga aral ang mga Pilipino sa espiritwalidad at kabanalan, anuman ang kanilang relihiyon.
Dapat magsikap ang mga kongresista at mga senador natin na turuan ng puspusan ang mga Kristiyano sa mga nakasulat sa Bibliya.
Ganundin, dapat din silang kumilos upang ang mga nasa ibang pananampalataya ay maturuan ng kabanalan ayon sa kanilang samahan.
***
HANDA NA BA KAYO, BAYAN, SA WAKAS NG BUONG KALAWAKAN? Handa na ba kayo, bayan?
Ito ang isa sa mga panimulang pagbati na laging sinasabi ng isang dating sikat na lady broadcaster sa Metro Manila sa kanyang mga programa sa radyo at telebisyon.
Ang layunin ng kanyang tanong na ito ay bigyang-interest ang mga nakikinig sa kanya na makinig ng mabuti dahil marami siyang ibabalita.
Pero, sa mga taong puspusang nag-aaral ng Bibliya, ang tiyak nilang maiisip sa ganitong tanong ay ang kahandaan ng mga tao sa paparating na wakas ng kalawakan.
Kumbaga, ang tunay na tanong ay ito: Handa na ba kayo, bayan, ngayong nakikita na ang mga tanda ng pagtatapos ng buong kalangitan dahil ito ay susunugin na?
Marami ang patuloy na hindi naniniwala, na ibinabala ng Bibliya ang tungkol sa pagkakasunog ng lahat sa muling pagbabalik ni Jesus.
Pero kung nagsasabi ang mga tao na naniniwala din sila sa Diyos, dapat ay maniwala din sila sa kanyang Bibliya at sa ibinabanta nitong kawakasan.
Balintuna kasi ang pagsasabing naniniwala sila sa Diyos pero hindi naman sila naniniwala at dahil diyan ay hindi sila nagbabasa ng Bibliya.
Ngayon naman, kung sinasabi nilang pinapaniwalaan nila ang Bibliya, ‘di ba dapat ding paniwalaan nila ang nag-aapoy na wakas ng buong kalangitan, kasi nakasulat nga ito sa Bibliya?
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ