TRO sa paggamit ng plastic sa RP, hiningi sa SC

Posted by watchmen
October 29, 2021
Posted in OPINION

INSPIRASYON SA BUHAY: “Inilagay ng Panginoong Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito’y pagyamanin at pangalagaan.” – Genesis 2:15, Ang Tanging Daan Bibliya.

 

***

PAGKAIN AT PAG-INOM NG PLASTIC, DUMARATING NA SA PILIPINAS, AYON SA MGA GRUPONG PANGKALIKASAN: Nangangamba ang maraming mamamayan, kasama ang kanilang mga samahan, na dumarating na sa Pilipinas ang panahong makakakain at makakainom ang mga Pilipino ng plastic na magiging bahagi ng kanilang mga pagkain at inumin.

Sa isang petisyong iniharap ng iba’t ibang tao at mga grupo sa Korte Suprema, niliwanag ng mga lumagda na sa kasalukuyan, napatunayan na ng mga dalubhasa na kalat na sa ating mga karagatan at buong kapaligiran ng bansa ang mga tinatawag na “microplastics.”

Ayon sa isa sa mga nagsampa ng kaso sa kataas-taasang hukuman, ang Oceana Philippines International, “fears of ingesting plastics are very real, because we now have microplastics not only polluting the ocean but falling from the sky in raindrops…”

Sa wikang Pilipino, ang ibig sabihin ng pahayag ng Oceana Philippines International ay ganito: Ang pangamba na makakakain o makakainom na ang mga Pilipino ng plastic ay makakatohanang banta, dahil sa ngayon, ang mga microplastics ay hindi na lamang sumisira sa mga karagatan kundi bumababa na sa atin sa pamamagitan ng ulan…”

 

***

KORTE SUPREMA, HININGING MAGLABAS NG AGARANG UTOS UPANG ITIGIL ANG PAGGAMIT NG ANUMANG URI NG PLASTIC SA BANSA: Ang microplastics, ayon sa ilang mga Google sites, ay mga plastic na napakalilit at hindi makita ng mga mata ng tao. Kadalasan, ang mga ito ay itinatapon lamang sa kung saan-saan, at humahalo sa mga katubigan na nagtutungo sa mga karagatan.

Sa karagatan, nakakain ito ng mga isda, na nakakain naman ng mga tao. Pag nakain ito ng tao, hindi ito na maaaring alisin pa sa mga laman-loob ng mga nakakain sa kanila, dahilan upang sila ay pagmulan ng mga malulubhang sakit gaya ng kanser.

Sa kasalukuyan, mayroong ahensiya ng pamahalaan na inaatasan ng batas dalawampung taon na ang nakakaraan upang kumilos at labanan ang paglaganap ng microplastics o ng iba pang uri ng mga plastic sa Pilipinas. Ito ay ang National Solid Waste Management Commission (NSWMC).

Ang batas na naglalang sa NSWMC, ang Republic Act 9003 o kilala bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, ay nag-atas sa NSWMC na maglabas ng kaniyang listahan ng mga tinatawag na non-environmentally acceptable products and packaging o NEAPP, katulad na nga ng microplastics, isang taon mula noong 2000.

 

***

MGA PLASTIC NA HUMAHALO SA PAGKAIN AT INUMIN, SANHI NG KANSER AT MALULUBHANG SAKIT NG MGA PILIPINO: Ang problema, ayon sa mga nagsampa ng kaso sa Korte Suprema, hanggang ngayon ay hindi man lamang kumikilos ang NSWMC o ang Department of the Environment and Natural Resources upang tumupad sa utos ng batas.

Kaya naman ang mga nagsampang ito ng kaso ay humihiling sa Korte Suprema na agad maglabas ng temporary restraining order upang pigilan ang sinuman, tao man o kompanya, na gumawa, magbenta, o di kaya ay pagpapakalat ng mga NEAPP o mga produktong gawa sa mga plastic na hindi natutunaw.

Hiningi ng mga petitioners sa Supreme Court na utusan nito ang buong gobyernong kumilos upang tugunin ang lumalalang polusyon ng plastic sa Pilipinas.

Sa ngayon kasi, itinuturing na ang Pilipinas na pangunahing bansa sa paggagawa ng mga produktong plastic.

 

***

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas,  www.facebook.com/attybataswww.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas,  Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network./WDJ

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *