Lifestyle checks, SALN dapat ituloy

Posted by watchmen
October 9, 2020
Posted in OPINION

“Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David?… Si David na rin ang tumawag sa kanya ng Panginoon; paano siya magiging anak ni David?” – Si Jesus, sa Marcos 12:35-37, Ang Tanging Daan Bibliya 

Ang mga alituntunin sa lifestyle check ng mga opisyales at kawani ng gobyerno at sa pagsusumite nila ng mga SALN (Statement of Assets, Liability, and Networth) taon-taon, ay mga hakbang na tumitiyak upang mahinto ang korapsiyon at katiwalian sa gobyerno, kaya ‘di dapat alisin ang mga ito.

Sa online program na “21 Minutos” noong Setyembre 24, 2020, hinimok ng mga panelists doon si Ombudsman Samuel Martires na huwag niyang aalisin ang mga alituntuning ito dahil ang mga ito lamang ang mabisang paraan sa ngayon upang tiyakin ang serbisyong may karangalan at katapatan sa mga taong gobyerno.

Pinuna ng hosts na sina Davao Methodist Bishop Rudy Juan, Pastor Jojo Gonzales, Atty. Faith Paquiz at Atty. Noy Macatangay ng Capitol Christian Leadership, at Atty. Batas Mauricio ng AND KNK, na patuloy pa rin ang korapsiyon sa gobyerno sa kabila ng puspusang mga pagkilos ng Pangulong Duterte laban sa katiwalian, kaya naman kailangang ituloy ang lifestyle checks at pagsusumite ng SALN.

***

AND KNK: KATAWAGANG “ANAK NI DAVID,” TINANGGIHAN AT PINABULAANAN NI JESUS: SSDSNNJ Amen. Kung bubulay-bulaying mabuti, makikita ng lahat ang isang hindi maitatangging katotohanan sa mga pagpapahayag ni Jesus noong naririto pa Siya sa daigdig na ito. Sa Kaniyang mga pagpapahayag, hindi diretsong sinasabi ni Jesus kung ano ang talagang Kaniyang mensahe.

Marami sa pagpapahayag ni Jesus, lalo na tungkol sa Diyos sa Kaniyang anyong Ama, at kung sino Siya, si Jesus, ang tila ba itinatago Niya sa mga talinghaga. Isang halimbawa na lamang ang Kaniyang mga pahayag na tinatalakay natin noong September 22, 2020 dito sa Kalatas Mula sa Mahal na LD tungkol sa pagtawag sa Kaniya na “Anak ni David.”

Ang tinutukoy natin ay ang Marcos 12:35-37 ng Bibliya, kung saan ang buod ng sinabi Ni Jesus dito ay simple lang: kung tunay na Siya ay Anak ni David, bakit tinatawag Siya ni David na Panginoon? In other words, bakit ang tawag ni David kay Jesus ay “Panginoon” samantalang tinatawag si Jesus na “Anak ni David?”

***

GUSTO NI JESUS NA KILALANIN SIYA BILANG DIYOS, HINDI TAO: Ulitin po natin ang kabuuan ng Marcos 12:35-37: “Habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sinabi niya, ‘Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David? Hindi ba’t si David na rin ang nagpahayag ng ganito nang siya’y gabayan ng Espiritu Santo, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, ‘Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’ Si David na rin ang tumawag sa kanya ng Panginoon; paano siya magiging anak ni David?”

Maliwanag na nais ituwid ni Jesus ang anumang maling impresyon na ibinibigay ng pagtawag sa Kaniya bilang “Anak ng David” sa Kaniyang paliwanag sa Marcos 12:35-37. Kailangan Niyang ipaliwanag na hindi pupuwedeng “Anak ni David” ang Kristo, dahil kung totoo nga namang Anak si Jesus ni David, lilitaw na si Jesus ay kagaya ni David na tao lamang, na hindi naman makatotohanan.

Ang ibig sabihin, gusto ni Jesus na maging maliwanag sa Kaniyang mga tagapakinig noon na hindi Siya tunay na “Anak Ni David,” at dahil diyan, hindi Siya tao. Nais ipaliwanag ni Jesus na ang pagtawag sa Kaniya bilang “Anak Ni David” to ay isang uri ng katawagan lamang ng mga naunang propeta sa Kaniya, pero hindi ito nangangahulugan na Siya, si Jesus, ay gaya nga ni David na tao lamang.

***

JESUS, TINANGGIHANG SIYA AY “ANAK NI DAVID:” Ang nais ni Jesus, Siya ay kilalanin sa Kaniyang tunay na katayuan—Siya ang Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo. ‘Yun ang dahilan kaya sa Marcos 12:35-37, lumilitaw na ipinawalang-saysay ni Jesus ang pagtukoy sa Kaniya na isa Siyang anak ng tao lamang, na siyang ibig sabihin ng tawag na “Anak ni David.”

Ang gusto ni Jesus, kilalanin Siya kung sino talaga Siya—na Siya ang Diyos at Tagapagligtas, na Siyang Ama, Anak, at Espiritu Santo.

Marami pa pong pagpapaliwanag ito sa mga susunod, sa pahintulot ng Diyos. Abangan po natin ang lahat ng ito, dahil ito ang magpapalaya sa ating lahat mula sa pagkabulag ng mga naunang mangangaral, at maging ng mga mangangaral na hindi pinagkalooban ng unawa sa tunay na hiwaga ng kaharian ng langit. Salamat sa Diyos sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.

***

MAKINIG, MANOOD: “Ang Tanging Daan,” Lunes hanggang Linggo, mula alas-5 ng hapon (oras sa Pilipinas), Bukidnon Radyo Power FM (Valencia City at Lake Seibu, South Cotabato), 95.5 J FM (Dangkagan, Bukidnon), DXMJ 90.3 Sunshine FM (Sumilao, Bukidnon), at sa website ng AND KNK (www.andknk.ph), YouTube (Ang Tanging Daan AND KNK), Facebook pages na www.facebook.com/angtangingdaan, www.facebook.com/attybatas, at sa CATV Cable Channels, Coron, Palawan, at Calamianes Cable TV, sa Calamianes Islands./WDJ

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *