INSPIRASYON SA BUHAY: “… ‘Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag ang mga sanga nito ay umuusbong at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng ito, malalaman ninyong malapit na siyang dumating, halos naririto na’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santos, sa Mateo 24:32-33, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
HOSTAGE SA GREENHILLS CITY, BUNGA NG KABALIWAN NG ISIP: Pasensiya na kayo kung parang sirang plaka na ako sa sinasabi ko tungkol sa mga mararahas na kaganapan sa ating kapaligiran, sa Pilipinas man o sa buong mundo, gaya ng insidenteng naganap nitong Lunes, Marso 02, 2020, sa Greenhills, San Juan City, kung saan hinostage ng isang dating security guard ng isang mall ang halos 30 empleyado doon.
Muli, uulitin ko: ang paggawa ng masama sa kapwa ay dulot ng litong kaisipan o di kaya ay pagkabaliw. Wala kasing tao na matino ang isip ang gagawa ng masama sa kaniyang kapwa. ‘Yun lamang wala sa katinuan o ‘di kaya ay ‘yung mga tinatawag na maluwag ang turnilyo sa ulo ang may kakayahang gumawa ng krimen.
Bakit naman may mga tao na nalilito sa isip o nababaliw, o nawawal sa katinuan o lumuwag ang turnilyo sa utak? Dahil sa droga, alak, o iba pang bisyo? Maaari po, pero bakit ba nalululong sa droga, alak, o iba pang bisyo ang tao? Kasi, hindi na siya nakikinig sa Salita ng Diyos sa Bibliya, at hindi na siya sumusunod sa Kaniyang mga utos. Simple.
***
DEAR ATTY. BATAS: “Pasensiya na po kayo pero gusto lang naming maliwanagan: okay ba sa batas ang resolusyon ng Senado na humihingi ito ng opinyon sa Korte Suprema kung legal ba o hindi ang pagkakabalewala sa Visiting Forces Agreement (VFA) ng Pangulong Duterte kahit na walang pagsang-ayon ang mga senador? Salamat po. Lourdes ng Barkadang Tagos sa Puso, Malabon City.”
Lourdes ng Barkadang Tagos sa Puso ng Malabon City, salamat po sa tanong na ito. Sa pag-aaral ng BATAS (o Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at ng LIGHT (o Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth), wala pong karapatan ang Korte Suprema na magbigay ng opinyon o payo kaninuman, ke ang mga ito ay opisyal ng gobyerno o mga pribadong tao.
Ang Korte Suprema ay maaari lamang na magbigay ng pasya, kung mayroong aktuwal na kasong isasampa sa kaniya. Kailangang may naghahabla, at may inihahabla. Kung payo o opinyon lamang ang hihingin sa kaniya, hindi dapat itong pansinin ng mga mahistrado, dahil wala sa kapangyarihan nito sa ilalim ng Saligang Batas ang magbigay ng opinyon o payo lamang.
***
MGA PALATANDAAN NA MALAPIT NA ANG WAKAS NG MUNDO: Ano ang mga palatandaan na ang mundo ay magwawakas na? Sa pag-aaral ng Bibliya ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), maliwanag pong may mga pangyayaring magaganap na siyang magiging tanda ng pagdating ng wakas ng daigdig, at ng muling Pagbabalik ni Jesus. Mababasa po ang ilan sa mga tandang ito sa Mateo 24.
Ganito po ang mga tanda: marami ang lilitaw sa daigdig na magsasabing sila na ang bagong Kristo. Ganundin, magkakaroon ng labanan sa iba’t ibang panig ng mundo, maglalaban ang mga bansa sa bansa, at mga kaharian sa kaharian. Lilindulin ang maraming lugar, at makakaranas ng taggutom ang maraming tao. Uusigin at pahihirapan ang mga naniniwala kay Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, at dahil diyan, marami ang mawawalan ng pananampalataya sa kaniya.
Ang huli sa mga tandang ito ay ang “kasuklam-suklam na kalapastanganan na tinutukoy ng Propetang Daniel.” Pag naganap na ang lahat ng ito, ayon kay Jesus, ang wakas ng lahat ay malapit ng maganap, at nasa pintuan na halos. Ang tanong lamang dito, nakahanda na ba ang mga tao sa araw na iyon? Maaaring may magtanong: paaano ba paghahandaan itong araw na ito? Ulitin po ang panalangin sa ibaba nito.
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: Panalangin upang maiwasan ang Araw ng Matinding Kapighatian: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang ibigay sa akin ang kaligtasan mula sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at isulat mo ang aking pangalan sa iyong Aklat ng Buhay. Isinusuko ko sa iyo ang lahat sa aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyo ng mas matinding talakayan kung sino ang tunay na Diyos ayon sa pananaw ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 825 1308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ