By MELANIO LAZO MAURICIO, JR.
INSPIRASYON SA BUHAY. “Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato.” (Si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, sa Mateo 7:24-25, Bibliya).
***
PAKIUSAP SA GOBYERNO: PAKI-SOLUSYUNAN ANG PAGBAHA. Sa kanyang Facebook post noong isang araw, nagpahayag ng pagkadismaya si Bb. Susan Ople, anak ng dating Senador Blas F. Ople at siya ngayong pinuno ng Blas F. Ople Policy Center and Training Institute, sa kawalan ng solusyon sa mga pagbaha sa kanilang bayan ng Hagonoy, sa lalawigan ng Bulacan.
Ganito po ang kanyang post: “Noon, tuwing may bagyo, bumabaha. Ngayon, high tide lang, bumabaha na sa bayan ng Hagonoy. Hanggang kailan magdudusa ang aming bayan? Pakiusap po sa mga kinauukulan, pakihanap ng solusyon ang pagbaha ng tubig, hindi lamang sa Hagonoy, kung hindi sa kabuuan ng dakilang lalawigan ng Bulacan …”
Nakikiisa ako sa nararanasan ni Bb. Ople at ng bayan ng Hagonoy.
Pero tunay ngang hindi lamang mga taga-gobyerno ang dapat maghanap ng solusyon sa pagbaha, kundi pati na ng pribadong sektor, at ng lahat ng mamamayan, mahirap man o mayaman.
Lahat kasi ay apektado ng baha, at walang mayaman o mahirap, bata man o matanda, lalaki man o babae, sa pagragasa ng tubig sa iba’t ibang dako ng bansa.
***
GOBYERNO, WALANG SOLUSYON SA BAHA? Kaya lang tila walang solusyong aasahan tayo sa pamahalaan.
‘Di nga ba, alam na alam na ng mga taga-gobyerno na babaha at babaha tuwing umuulan o tuwing high tide.
Lumalaki talaga ang tubig at napeperwisyo nang husto ang lahat ng tao.
At ang mga kabataan, sa tingin ko, ang nagtatamo ng malaking pinsala dito.
Sa tuwing umuulan at bumabaha kasi, hindi nakakapasok ang mga mag-aaral sa kanilang mga paaralan, at hindi sila nakakapag-aral nang maayos, kahit pa sabihing may mga make-up classes sila sa ibang mga araw.
At dahil maraming dumi ang ikinakalat ng mataas na tubig, kasama na ang mga ihi ng daga, marami ang nagkakasakit at namamatay dahil sa leptospirosis.
Maliwanag na nasasayang lamang ang malaking pondong ginagastos ng gobyerno taon-taon para sa baha.
Kung magkaminsan nga, nakababalita pa ang sambayanan na malaking bahagi ng mga pondong ito ang nawawala pa dahil sa korapsyon, at pinakikinabangan ng mga tiwali.
***
ANGGULONG ESPIRITWAL SA PAGBAHA, DAPAT KILALANIN. Sa kapahintulutan ni Bb. Ople, kung ganoon, hihingin ko sa kanya at sa kanyang grupo na subukang isama nila sa mga panukala nila upang labanan ang pagbaha ang pagbibigay-pansin sa tinatawag kong “anggulong espirituwal” ng mga ulan, baha at malakas na hangin.
Nakasulat kasi sa Bibliya na ibinabala ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, ang pagdating ng kapinsalaan at kamatayan sa tiyak na pananalasa ng mga ulan, baha at hangin.
Nakasulat din sa Lumang Tipan ng Bibliya ang pagbagsak at pagkasira ng kalikasan, dulot ng pag-iinit ng temperatura at ng klima ng daigdig.
Magkaganunman, nakasulat din sa Bibliya ang solusyong espiritwal sa kapinsalaan at kamatayang dulot ng mga kalamidad na ito: Kailangang makinig o mag-aral, at totohanang sumunod, ang mga tao sa mga utos ng Diyos na nasa Bibliya, upang mapagtagumpayan nila ang dalang pinsala at kamatayan ng mga ulan, baha at hangin.
‘Pag ito ang ginawa ng mga Pilipino, baka sakaling magdulot ito ng buti sa kanila.
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ