
By MELANIO LAZO MAURICIO, JR.
INSPIRASYON SA BUHAY. “Alam ba ninyo kung papaanong pinapakilos ng Diyos ang mga ulap at pinakikislap ang kidlat? Alam ba ninyo kung papaanong nakabitin ang mga ulap at nagpapakita ng kanyang kamangha-manghang kapangyarihan at talino?” (Job 37:15-16, Bibliya).
***
ULAN, BAHA AT HANGIN, PARUSA AT PAGPAPALA NG DIYOS. Naalaala ba ninyo ito?
Marami ang reaksyon sa mga kolum natin sa ulan, baha at hangin bilang mga parusa ng Diyos sa mga hindi na nakikinig sa Kanya o, kung nakikinig man, ay ‘di na sumusunod sa Kanyang mga utos.
Karamihan sa mga reaksyong ito ay kumakastigo sa ating pananaw na kaparusahan mula sa Diyos, ang mga kalamidad na ito na nagdadala ng kapinsalaan at kamatayan, dahil sa kasalanan ng tao.
Sinasabi sa atin ng ating mga mambabasa na maawain, mapagmahal at mapagpatawad ang Diyos.
At tama sila. Maawain, mapagmahal at mapagpatawad nga ang Diyos.
Pero nais ko agad liwanagin na hindi naman ako ang may sabi na ang mga ulan, baha at hangin na naganap na at magaganap pa sa hinaharap ay parusa ng Diyos.
Ang Bibliya mismo ang may sabi nito.
Sa Mateo 7:24-27, sinabi ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, na “tuluyang pagkawasak” ang naghihintay sa mga nakikinig pero ‘di sumusunod sa Kanya, o maging sa mga nakikinig man pero ‘di din sumusunod sa Kanyang mga utos.
***
ULAN, BAHA AT HANGIN: LAHAT MULA SA DIYOS. Pero may isa pang bahagi ng Bibliya na nagbibigay-liwanag na ginagamit nga ng Diyos ang ulan upang hatawin ng parusa ang tao, o ipakita ang Kanyang pag-ibig sa sanlibutan.
Ang bahaging ito ay ang Job 37:13, at muntik na akong mahulog sa aking inuupuan noong marinig ko ito sapagkat nakita kong ito ang sagot sa mga kritisismong inaabot ko ukol sa mga isinulat ko sa ulan, baha at hangin.
Ganito ang sinasabi ng Job 37:13: “Ipinadadala ng Diyos ang mga ulan upang parusahan ang mga tao, o diligin ang daigdig at ipakita ang Kanyang pag-ibig.”
Tunay ngang kamangha-mangha ito!
Matapos kong madinig ang bersikulong ito, wala nang natira pang kwestyon sa aking isip na maaari ngang gamitin ng Diyos ang ulan bilang parusa o pagpapala.
***
MGA KAMANGHA-MANGHANG GAWA NG DIYOS. Sa kapakinabangan ng lahat, naririto naman po ang iba pang bahagi ng Job 37: “Sa bagay na ito lumukso ang aking puso. Makinig! Makinig sa atungal ng kanyang tinig, sa malakas na ungol mula sa kanyang bunganga.”
“Pinakakawalan niya ang kanyang kidlat sa ilalim ng kalangitan, at ipinapadala niya ito sa buong mundo. Matapos iyon, sumusunod naman ang tunog ng kanyang sigaw; kumukulog siya sa kanyang makapangyarihang tinig. Kung ang tinig niya ay umaalingawngaw, wala na siyang pagpipigil man lamang …”
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ