Mga magulang na bugaw, mga pulis na manyak

Posted by siteadmin
June 26, 2025

By MELANIO LAZO MAURICIO, JR. 

INSPIRASYON SA BUHAY. “Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay tatalikuran ng ilan ang pananampalataya. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo. Ang mga katuruang ito’y pinalalaganap ng mga taong sinungaling at may mga manhid na budhi …” (1 Timoteo 4:1-2, Bibliya).

***

BAKIT ‘DI KINASUHAN ‘YUNG MGA MAGULANG NG BATANG IBINUGAW SA ANTIPOLO? Tama na sinampahan ng mga pulis ng kaso ‘yung lalaking sinasabing “nagbubugaw” ng mga menor de edad na mga babae sa Antipolo City, pero bakit ‘di kasama sa kaso ‘yung mga magulang ng mga dalagitang ito?

Tiyak ko na may pahintulot o matinding kapabayaan ang mga ama at ina ng mga batang ito sa kanilang pagbebenta ng katawan para kumita ng pera.

‘Di ba? Papaano makakatambay ang mga babaeng ito sa bahay ng bugaw sa Antipolo City kung hindi sila binigyang-permiso ng kani-kanilang mga magulang upang tumambay doon?

Alam ng mga magulang kung ano ang nangyayari sa kanilang mga anak sa bahay ng bugaw, at tiyak kong pumaparti pa sila sa perang ibinabayad sa mga anak nila ng kanilang mga customer.

Ang tanong ko lang dito ay simple: Papaanong nasisikmura ng mga magulang ng mga dalagitang taga-Antipolo City ang pagbebenta ng katawan ng kanilang mga anak para kumita?

Anong klaseng magulang ba ang mga ito? At papaanong nagkakaroon ng ganitong pagkilos sa isang lugar, gaya ng Antipolo City, na tila ‘di man lamang pinakikialaman ng mayor at ng iba pang opisyales doon?

***

SINO ANG MAY KASALANAN SA KAMANYAKAN NG MGA PULIS NGAYON? May interesanteng punto na naglalabasan ngayon sa social media ukol sa mga pulis na nabubunyag na nanghahalay ng mga inaaresto nilang mga babae, o ng mga babaeng kamag-anak ng mga taong hinuhuli nila dahil sa krimen.

Ang punto nila: ‘Di ba kaya matapang na sa pagmamanyak ang mga pulis kasi alam nilang may kumukunsinti sa kanila?

May isa pang punto: ‘Di ba kaya wala ng takot ang mga pulis na gumawa ng kahalayan ngayon dahil alam nila na wala namang magrereklamo laban sa kanila, o kung may magreklamo man, wala ding mangyayari, kasi madali ding ma-areglo ang mga nagrereklamo o ‘di kaya ay pagtatakpan naman sila ng kanilang mga nakakataas na opisyales?

Ewan ko ba.

Napakagulo na at napakasama na talaga ng Pilipinas sa ngayon.

Pati na nga ‘yung sinasabing pagpatay sa dalawang anak ng isang pastor ng isang simbahan sa Mindanao ay nakakagimbal na din.

Ano kaya ang dahilan sa pagpatay na ito?

At bakit mga anak ng pastor ang pinatay?

Papaanong nakayanan ng salarin na pumatay ng mga batang wala pa namang malay?

***

DELINGKUWENTE NA ANG PILIPINAS NGAYON. Napaka-delingkuwente na nga ng bansa sa ngayon. Napakadelikado na sa iba’t ibang sulok ng ating bayan.

Isipin mo, pati mga ‘yung abogadong tumulong lamang sa mga biktima ng isang krimen ay pinatay din.

May pag-asa pa bang mabago ang pagdausdos ng bansa sa kasamaan?

Papaano natin babaguhin ang lahat ng ito?

Sa mga nagsusuri, may nakasulat na babala ukol sa ganitong paglala ng kasamaan sa buong mundo, kasama na syempre ang Pilipinas.

Sabi sa nakasulat, habang papalapit na ang wakas ng panahon kung saan ang daigdig na ito ay kasamang susunugin ‘pag sinunog na ng langit, ang araw, ang buwan at ang mga bituin, magiging napakasama na ng marami.

May ugat ang pagiging mas masama ng tao, ayon pa din sa nasusulat.

Ang ugat ay mula sa katotohanang ang maraming tao ay ‘di na makikinig sa aral ng Diyos, iiwanan na ang pananampalataya, at susunod na sila sa mga turo ng diyablo.

Malinaw na marami na sa atin ang sumusunod na sa mga aral ng diyablo.

***

REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.

***

MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.

MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *