Mga kaso sa RP, trial by publicity na ang umiiral

Posted by siteadmin
June 19, 2025

By Melanio Lazo Mauricio, Jr. 

INSPIRASYON SA BUHAY. “Walang natatagong ‘di malalantad, at walang lihim na ‘di mabubunyag. Makinig ang may pandinig!” (Si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo, sa Marcos 4:22-23, Bibliya).

***

BIBLIYA, MAY TURO KUNG PAPAANO MAGIGING MAAYOS ANG KALUSUGAN. Sabi ng isang balita sa diyaryo, ang inaasahang haba daw ng buhay ng mga tao sa daigdig sa ngayon ay 72 years old. Tapos, nagiging mas mahaba na daw ang buhay ng mga kababaihan kaysa sa mga kalalakihan. Maganda ang mga balitang ito pero, kung iisiping mabuti, hindi na bago ang mga ito.

Una, sinabi sa Bibliya, sa Mga Awit 90:10, na ang buhay ng tao ay maaaring hanggang 70 taon, o kahit na hanggang 80 taon, kung maganda ang kanilang kalusugan. Sa mas mahabang buhay ng mga babae kaysa sa mga lalaki, may paliwanag ang siyensya diyan: Hindi kasi abusado sa katawan ang mga kababaihan, gaya ng bisyo sa alak, sigarilyo at iba pang bisyo, kaya mas malusog talaga sila.

Magkaganunman, ang mas mahalagang maunawaan ng mga tao ay ang sinasabi ng Bibliya. Una ay sa 1 Timoteo 4, na nagsasabing mabuti nga ang mag-ehersisyo ng katawan, pero mas may biyaya ang pag-aaral ng kabanalan mula sa Bibliya. Pangalawa ay sa 1 Corinto 11, na nagsasabing nabibigyan ng lakas at mahabang buhay ang mga inaaala-ala ang katawan at dugo ni Jesus sa kanilang bawat pagkain at pag-inom.

***

MGA KASO SA RP, TRIAL BY PUBLICITY NA ANG UMIIRAL. Ako po ay isang botante sa First District sa lalawigan ng Tarlac. Doon ako nakarehistro, at umuuwi po ako tuwing may halalan upang bumoto. Ito ang dahilan kaya gusto kong makita ang dulo ng gusot na kinasasangkutan ni Atty. Marty Torralba, isang abogado na tumatakbong board member sa aking distrito, ukol sa diumano ay pananampal niya sa election officer sa Camiling, Tarlac.

Ayon sa balita, sinampal ni Torralba ang election officer kasi binaklas nito ang mga posters ng abogado na nakalagay sa mga lugar na hindi itinakdang paglalagyan ng mga posters. Agad namang binanatan ni Comelec Commissioner Rowena “Bing” Guanzon si Torralba, kasabay ng utos na sampahan ng kasong kriminal at disbarment si Torralba.

Kailangang maging mahinahon ang paglutas sa gulong ito. Pairalin ang proseso ng batas, hindi ‘yung banatan sa media. Kailangang palabasin ang katotohanan sa pamamagitan ng mga katibayang katanggap-tanggap sa hukuman. Ang problema lang kasi, sa Pilipinas, uso na ngayon ang trial by publicity — o nililitis ang mga kaso sa mga diyaryo, radyo, telebisyon at, ngayon, sa social media.

***

BAKIT NAGBABANATAN SA MEDIA ANG PAO AT PNP UKOL SA CEBU RAPE VICTIM? Katulad na lamang ng palitan ngayon ng mga pahayag sa media sa pagitan ng Public Attorney’s Office (PAO) at ng Philippine National Police (PNP), sa isyu naman ng dalagitang natagpuang patay at tuklap ang balat sa kaliwang bahagi ng mukha sa Cebu City. Sabi ng PAO, ginahasa ang biktima. Sabi ng PNP, hindi ginahasa ang babae.

Hindi ba pwedeng nagtawagan na lamang muna ang PAO at ang PNP at nag-usap muna sila upang liwanagin ang kani-kanilang mga findings? Pareho naman silang mga ahensya ng gobyerno, kaya’t ang dapat sana nilang parehong pinagsusumikapang gawin ay magtulungan upang palitawin ang katotohanan sa krimen. Sa bakbakan nila sa media sa ngayon, ‘yung katotohanan ay nawawala.

At lumilitaw tuloy, ‘yung biktimang pinatay at tinuklap ang mukha, biktima pa ng pangalawang beses, sa kamay pa mandin ng mga tauhan at opisyales ng pamahalaan na dapat ay nagtatanggol ng karapatan ng kanyang mga naulila. Ano ba ang nangyayari at tila ba nagpapaligsahan pa ang PAO at PNP, kahit na nawawasak ang ebidensya? Kung ako ang Pangulo, parehong talsik ang mga pinuno ng PAO at PNP agad-agad.

***

TAWAG NA PARA SA MGA TANONG, PAYO AT TULONG. Sa mga nais magtanong o humingi ng tulong sa akin, maaari po kayong tumawag o mag-text sa mga numero ko: 0977 805 9058, 0917 984 2468, 0918 5740193, at 0933 825 1308 o mag-email sa batasmauricio@yahoo.com, o magpadala ng inyong mga mensahe sa aking Messenger sa Facebook (Melanio Lazo Mauricio Jr.). Salamat sa Diyos sa Ngalan ni Jesus!

***

REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.

***

MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.

MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *