Pagiging makasarili ang ugat ng problema sa trapiko

Posted by siteadmin
May 29, 2025

By MELANIO LAZO MAURICIO, JR. 

INSPIRASYON SA BUHAY. “Kung makikinig kayo sa tinig ng Diyos at susunod sa Kanyang mga utos … mapapasainyo ang lahat ng mga pagpapalang ito.” (Deuteronomio 28:1-2, Bibliya)

***

TANGING ANG DIYOS LAMANG ANG SAGOT SA MABIGAT NA TRAPIKO. Grabe, nakakalungkot naman ang mga balitang may mga kababayan tayong may sakit ang namamatay na lamang dahil hindi na sila nadala sa ospital ng mga ambulansyang kanilang sinakyan sapagkat naipit ang mga ito sa hindi kumikilos na daloy ng trapiko sa mga lansangan ng Metro Manila.

Sa totoo lang, ipinapakita ng masaklap na kapalarang ito ng mga kaawa-awang mga maysakit na ‘di na nakaabot man lamang sa mga ospital ang mas kalunos-lunos na suliranin ng maraming Pilipino sa ngayon, at ito ay ang paglayo ng marami sa atin sa mga karunungang pang-espiritwal na ang layunin ay magbigay sa atin ng makapangyarihang buhay.

Ano ang mga karunungang ito na dapat ay nakakatulong sana sa atin?

Una, ang pagkakaroon natin ng pagmamahal sa Diyos ng higit sa lahat.

Pangalawa, ang pag-uukol natin sa ating mga kapwa ng pag-ibig na gaya ng pagmamahal natin sa ating mga sarili.

Kung mahal lamang natin ang Diyos, at kung mahal lamang natin ang ating mga kapwa, malulutas sana natin ang kahit na anong problema, gaano man kabigat ang mga ito, gaya ng problema sa trapiko, at wala sanang may sakit ang namamatay sa mga lansangan.

***

PAGIGING MAKASARILI ANG UGAT NG PROBLEMA SA TRAPIKO. Kung mahal kasi natin ang Diyos ng higit sa lahat, pakikinggan natin at susundin ang Kanyang mga utos, lalo na ang pagbibigay natin ng pag-ibig sa ibang tao, gaya ng pag-ibig natin para sa ating mga sarili.

Pero dahil nga wala tayong pagmamahal sa Diyos, wala din tayong pagmamahal sa ating mga kapwa.

Tanging ang mga sarili lamang natin ang iniibig natin.

Tanging ang kapakanan at interest lamang natin ang ipinagpipilitan natin, ‘di na baleng masagasaan natin ang kapakanan at interest ng iba.

Ang mahalaga na lamang sa marami sa atin ay maunang masiyahan ang ating mga sarili kahit na maliwanag namang may ibang dapat nauuna.

Ito ang dahilan kaya nagsisikip at nakahinto madalas ang daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Marami sa ating mga motorista kasi ang walang disiplina at nag-aasal hayop pa sa mga lansangan ng kalunsuran — lusot sa kaliwa, lusot sa kanan at kina-cut pa ang ibang mga sasakyang nagtitiyagang pumila ng mahabang oras.

Alam ko ang sitwasyong ito kasi nasa kalsada din ako araw-araw at nakikita ko ang mga ito.

***

SA DIYOS MAGMUMULA ANG MABIYAYANG PAGBABAGO. Dahil sa kawalan ng disiplina at dahil sa kahayupan ng mga motoristang Pilipino, walang magagawa ang pangulo kahit bigyan pa natin siya ng emergency powers para lutasin ang problema sa trapiko.

Ang mas mabuti pa nga siguro, iluklok natin ang isang rebolusyonaryong gobyerno na si Duterte ang namumuno, at bigyan natin siya ng kapangyarihang pumatay ng mga walang disiplina.

Tiyak, titino ang mga Pilipino ‘pag ganyan.

Pero, ang pagtinong ‘yan ay ‘di din magtatagal.

Nakita naman natin ang nangyayari sa problema sa ilegal na droga at sa korapsyon.

‘Di ba, sumusuko na nga si Duterte laban sa mga ito?

Kaya naman ako ay mananawagan sa mga mananampalataya na tunay ang pananampalataya: Kumilos na tayo, sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya at totohanang pagsunod sa mga utos ng Diyos.

Ang tunay na mabiyayang pagbabago ay hindi manggagaling sa sinuman, kahit na siya pa ang lider ng bansa.

Magkakaroon lamang ng magandang pagbabago kung pahihintulutan ito ng Diyos.

At pahihintulutan lamang ito ng Diyos kung tayong mga tunay na nanampalataya sa Kanya ang magpapasimula ng pagbabago, batay sa mga utos Niya sa Bibliya.

Subukan po natin bago maging huli ang lahat!

***

REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.

***

MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.

MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *