By MELANIO LAZO MAURICIO, JR.
INSPIRASYON SA BUHAY. “Hindi ko ikinahihiya ang Mabuting Balita sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya …” (Roma 1:16, Bibliya).
***
NATASHA GOULBORN FOUNDATION, MABUTI ANG LAYUNIN SA MGA KABATAAN. Sang-ayon ako sa layunin ng isang grupong ang pangalan ay Natasha Goulborn Foundation + Mindstrong na turuan ang mga kabataang Pilipino ng mga paraan upang maging matatag ang kanilang mga kaisipan at, tuloy, makaiwas sa pagkabaliw at litong pag-iisip, at sa pagpapakamatay dahil lamang sa mga problema nila sa buhay.
Tunay nga, may pangangailangang magabayan ang mga kabataang Pilipino.
Ayon sa mga ulat, higit sa isang milyon sa kanila ang nakakaranas ng depresyon o ng pagkakaroon ng kaisipang nagbibigay ng matinding lungkot at pighati na kadalasan ay nauuwi sa pagpapatiwakal o pananakit sa kanilang sarili o sa mga malalapit sa kanila, lalo na kung hindi na nila makayanan ang bigat ng kanilang mga suliranin.
Tama ito, pero maliban sa pagtulong sa mga kabataan upang maibsan ang kanilang mga problema, kailangang suriin ding mabuti ng Natasha Goulborn Foundation + Mindstrong ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng depresyon, pagkabaliw at kalituhan sa isip ang mga batang Pilipino.
Batay sa kalalabasan ng pagsusuri, marapat ding magsulong ito ng akmang solusyon na tatapos sa problema at magpapatatag sa mga kabataan.
***
KABALIWAN NG ISIP NG TAO, BUNGA NG KAWALAN NG TAKOT SA DIYOS. Aking ipinapanukala ang pag-aaral ng koneksyon, kung mayroon man, sa pagitan ng depresyon, pagkabaliw at pagkalito ng isip, ‘di na lamang ng mga kabataan, kundi pati na ng kanilang mga magulang at iba pang matatanda ng mamamayan, at ng maliwanag na kawalan na ng marami sa atin ng pagkilala, takot at pagmamahal sa Diyos.
Nakasulat kasi sa Bibliya ang isang mabigat na pahayag: Ang kabaliwan, pagkalito o pagkawala ng isip at katinuan ay isang sumpang nagmumula sa Diyos.
Sabi sa Deuteronomio 28:28, “Padadalhan kayo ng Diyos ng kabaliwan, ng pagkalito at pagkawala ng katinuan …”
Kung pag-aaralang mabuti ang bersikulong ito, tiyak na takot ang lulukob sa mag-aaral kasi ang Diyos mismo ang sinasabing gumagawa ng paraan upang mabaliw o masiraan ng ulo ang tao.
Ano naman kaya ang dahilan ng Diyos at Siya mismo ang kikilos upang mabaliw at masiraan ng ulo ang tao?
Ayon din sa Deuteronomio 28 sa kanyang bersikulo 15, gagawin ito ng Diyos sa tao dahil hindi na siya nakikinig sa Kanyang tinig at hindi na sumusunod sa Kanyang mga utos.
Mabigat ang pahayag na ito ng Bibliya, kasi ang sabi, hindi titigil ang mga sumpa ng Diyos sa pagkabaliw at pagkalito ng isip ng mga tao hanggang hindi sila namamatay.
***
AND KNK: MAKINIG AT SUMUNOD SA BIBLIYA. Sa amin sa Simbahang Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo (AND KNK), kinikilala namin na ang puspusang pag-aaral ng Bibliya at ang matapat na pagsunod sa mga utos ng Diyos na nakasulat sa Bibliya ang natatanging paraan upang labanan ang kabaliwan, kalituhan, pagkasira ng isip, at pagkakaroon ng depresyon.
Sa totoo lang, ang pakikinig at pagsunod sa mga Salita ng Diyos ay nagdudulot din ng kasaganaan at katagumpayan.
Ang ganitong pananaw namin sa AND KNK ay nakasandal sa aming marubdob na paniniwala na ang isang tao na isinasandal ang lahat sa kanyang buhay sa Diyos at sa Kanyang Salita ay nagkakaroon ng talino, kapangyarihan, karangyaan, at katagumpayan sa buhay.
Nagkakaroon kasi ang ganitong tao ng unawa kung ano ang mabuti at masama, at kung ano ang magdudulot sa kanya ng kapahamakan (na dapat na niyang iwasan agad), o ng kabutihan (na dapat niyang isulong).
Dahil dito, naiiwasan ng isang tao ang kalungkutan sa isip.
Naiiwasan din niya ang mabigat na dalahin sa kanyang konsyensya at sa kanyang dibdib.
Nagiging magaan ang kanyang pakiramdam, nagiging maayos ang daloy ng kanyang dugo sa kanyang mga ugat, nagiging payapa ang kanyang mga laman at iba pang mga bahagi ng kanyang katawan.
Ang dulot nito ay kalusugang magdadagdag ng mga araw sa kanyang buhay at kalakasang kumayod upang kumita ng husto.
Ayaw niyo ba ‘yun?
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ