Isip ng tao, kayang hatakin ang yaman at tagumpay

Posted by siteadmin
February 6, 2025

By MELANIO MAURICIO JR.

INSPIRASYON SA BUHAY. “Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan …” (Roma 8:6, Bibliya).

***

MAY KAPANGYARIHAN ANG ISIP NA MAGPAYAMAN SA TAO. Isang umaga, napanood ko sa isang himpilan ng telebisyon sa aming hotel sa may Times Square NYC ang isang programa na nagsasabing sobrang napakamakapangyarihan pala ng isip ng sinumang tao dahil may kapangyarihan itong hatakin sa kanya ang nais niyang yaman, tagumpay, talino, at kapangyarihan.

At ang mas mahalaga, tinalakay sa programa na pwede palang turuan ang isip upang ito ay maging makapangyarihan — anuman ang edad, bata man o matanda, babae o lalaki, mayaman o mahirap.

Ang isa nga sa mga agarang biyaya ng pagtuturo sa isip, ayon sa programa, ay ang unti-unting paggaling ng anumang sakit sa katawan o sa isip, at ang pagpasok ng kakaibang lakas at kalusugan.

Noong una, akala ko ay may ibinibenta lamang na produkto ang nasabing programa, na dapat bilhin upang maging makapangyarihan ang isip ng isang tao.

Pero, natapos at natapos ang talakayan doon, walang produktong isinusulong ang mga dalubhasang nagsalita.

Talaga lamang na serbisyo-publiko ang nakita kong layon sa kanilang mga pagpapaliwanag.

***

ISIP NG TAO, KAYANG HATAKIN ANG YAMAN AT TAGUMPAY. Sa totoo lang, sa amin sa Simbahang Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo (AND KNK o ang Simbahang itinatag ng Diyos sa Pilipinas upang ganapin ang Kanyang mga layunin at mga gawain sa huling kapanahunan), natatalakay na ang ganitong kapangyarihan ng isip upang tawagin, kumbaga, ang masagana at matagumpay na buhay para sa isang tao.

Itinuturo sa AND KNK ang katotohanang napakahalaga talaga ng isip ng tao upang maging maayos, mapayapa, marangya, at makapangyarihan ang buhay ninuman.

Itong katuruang ito kasi ang itinatampok ng Roma 12:2 ng Bibliya.

Ayon sa bersikulong ito, “Huwag na kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong isip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod, at ganap na kalooban ng Diyos.”

***

PWEDENG BAGUHIN ANG ISIP NA TALUNAN, GAWIN ITONG ISIP-MAKAPANGYARIHAN. Papaano ba nating “hahayaan ang Diyos na baguhin” ang ating isip?

Sa Colosas 3:2, sinasabi doon na ang laging dapat iisipin ay ang “mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa …” Ibig sabihin, pipilitin ng tao na mag-isip tungkol sa Diyos — kung ano ang Kanyang mga utos, at kung ano ang Kanyang mga nais tuparin ng mga nananampalataya sa Kanya.

Ano ba ang mga bagay na panlangit?

May halimbawa po ito sa Filipos 4:8: “Bilang pagtatapos, mga kapatid, lagi ninyong isa-isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: Mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang…” ‘Pag ganito ang mga iniisip natin, sasaatin ang Diyos, at gagawin Niya tayong Kanyang mga tagapagmana ng lahat ng yaman sa mundo (Filipos 4:9, Roma 8:17).

Dahil dito, mawawala ang pagiging talunan ninuman dahil bubuti, sasagana at magiging makapangyarihan ang kanyang buhay kung makikinig at susunod lamang siya sa mga utos ng Diyos (Deuteronomio 28:1-14).

Paano makikinig sa mga utos ng Diyos?

Magbasa ng Kanyang Bibliya araw-araw, mag-aral at isa-isip ang mga nakasulat doon araw at gabi, at tuparin nating lahat ang mga nababasa natin doon sa lahat ng sandali (Josue 1:8).

Subukan po natin ito, ngayon na, para mabago na ang ating mga buhay!

***

REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.

***

MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.

MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *