By MELANIO LAZO MAURICIO, JR.
Salamat sa Diyos sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.
Isa sa mga tanong na tila walang maliwanag na kasagutan kahit papaano pa itong pagbali-baligtarin ay ito: Ano ang nauna, ang itlog o ang manok? Nagbunga ang ganitong tanong ng maraming talakayan at, sa maraming pagkakataon, away sa mga tao na nakukuhang magtalo sa sagot.
Pero, sa mga mananampalatayang ibinabatay ang kanilang paniniwala sa Diyos sa Bibliya, maliwanag ang tunay at makatotohanang sagot. Ang manok syempre ang nauna, dahil ito ang sinasabi ng Aklat ng Genesis 1:24-25.
Sa mga Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo na dumalo sa kanilang regular na AND KNK Kapihang Kadugo Bible Study and Prayer Session noong Sabado, ito ang katotohanang bumulaga sa kanilang lahat. Batay sa Bibliya ang pananampalataya, wala ng iba.
Kasi naman, maliwanag ang tanong sa mga bersikulong binasa noong Sabado: Ano ang dapat mauna, ang pagtanggap at pananampalataya kay Jesus ng may unawa, o ang paggawa ng mabuti, upang ang isang tao ay maituring na tunay na Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo?
Ito ang aral sa nasabing mga bersikulo: Efeso 4:17-25 at Galacia 2:11-16. Ayon sa mga ito, dapat unahin ng mga tao ang pagtanggap at panampalataya kay Jesus. Dapat nilang unawain kung sino o ano ang tatanggapin at pananampalatayaan upang sila ay maging tunay na Kadugo.
Basahin po natin ang mga ito. Sa Galacia 2:11-16, nakatala ang kasaysayan ng direktang pagsumbat ni Pablo kay Pedro at sa iba pang mga mananampalatayang Kristiyano. Pinuna ng harap-harapan ni Pablo sina Pedro dahil hindi pananampalataya kay Jesus ang inuuna nila.
Sinumbatan ni Pablo sina Pedro na, hindi na si Jesus ang inia-aral ng mga Kristiyano noong mga panahong ‘yun, kundi ang mga kaugaliang Judio. Ayon kay Pablo, hindi ito ayon sa Magandang Balita ang ganung mga aral. Taliwas na ito sa mga turo ni Jesus, at mali iyon.
Sa Efeso 4:17-25 naman, ganito ang sinasabi ni Pablo: “Sa pangalan ng Panginoon, binabalaan ko kayo: Huwag na kayong mamuhay tulad ng mga hindi sumasampalataya. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, at wala silang pang-unawa.”
Maliwanag sa mga bersikulong ito ang ilang mahahalagang aral. Una, ang tao ay ituturing na tunay na Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo kung siya ay tumanggap at sumampalataya ng may unawa. Kung iisipin natin, ito ang una sa “aral ng tatlo-tatlo” ng mga Kadugo.
Upang maging tunay na Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo ang isang tao, kailangang mauna niyang ipahayag, sa kanyang mga labi at dila, na tinatanggap niya si Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, at Siya, si Jesus, ang Ama, Anak at Espiritu Santo.
Ang ikalawang aral mula sa Galacia 2 at Efeso 4 ay tulad din ng ikalawang hakbang sa “aral ng tatlo-tatlo” ng mga Kadugo. Sa pamamagitan ng isip, puso, kaluluwa at Espiritu, at buong pagkatao ng isang Kadugo, dapat niyang inuunawa na si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak at Espiritu Santo.
Sa totoo lang, hindi naman mahirap unawain para sa mga Kadugo na si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak at Espiritu Santo. May aral kasi sa Simbahang AND KNK ukol sa walong mga patotoo na si Jesus nga ang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak at Espiritu Santo.
Ang ikatlong aral mula sa Galacia 2 at Efeso 4 ay simple din. At akma din ito sa ikatlong aral sa “aral ng tatlo-tatlo” ng mga Kadugo: Isabuhay ang mga turo ng Diyos sa Kanyang anyong Ama, Anak at Espiritu Santo, na matatagpuan sa Bibliya.
Sa mga bersikulo ng Galacia 2 at Efeso 4, kaugnay ng “aral ng tatlo-tatlo” ng mga Kadugo, lalabas ang sagot sa tanong: Ano ang dapat mauna: Ang pananampalataya kay Jesus o ang paggawa ng mabuti? Nagiging Kadugo ba ang isang tao dahil sa paggawa niya ng mabuti, kahit hindi pa siya Kadugo?
Kumbaga, ano ang dapat mauna: Ang itlog o ang manok? Sa aral sa Kapihang Kadugo noong Sabado, dapat mauna ang pagtanggap at pananampalataya kay Jesus ng may kabuuang unawa, upang ituring ang isang tao na anak at kadugo nga siya ng Diyos.
Hindi magiging Kadugo ang tao kung hindi muna siya tumatanggap at sumasampalataya ng may unawa kay Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak at Espiritu Santo. At importante lang na maidagdag natin agad, ang pagtanggap at pananampalataya ng may unawa ang tunay na susi ng tatlong antas ng kaligtasan na mula sa Diyos.
Kung hindi nauunawaan ng isang Kadugo ang mga patotoo ng Bibliya kung bakit sinasabi ng Simbahang AND KNK na si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak at Espiritu Santo, hindi siya kailanman makakatanggap ng tunay na pagliligtas mula sa Diyos. Mananatili ang sumpa ng kamangmangan sa kanyang buhay.
Ganoon kasi ang katayuan ng maraming mga Kristiyano o ng ibang mga mananampalataya mula sa ibang simbahan. Ang tatagal na nilang mga Kristiyano, ang tatagal na nilang nagsasabi na nanampalataya sila sa Diyos, pero mahirap pa din ang kanilang mga buhay, wala pa din silang tatlong antas ng kaligtasan.
Kasi naman, sinasabi nilang tumanggap at sumampalataya sila pero hindi naman nila alam kung sino ang kanilang pinapanampalatayaan. Walang kabuluhang ang ganitong pananampalataya. Hindi ito kalugod-lugod ito sa Diyos.
Ganundin, sinasabi ng ibang mga Kristiyano, tinanggap at sinampalatayaan nila si Jesus. Pero ang problema, hindi naman nila maipaliwanag kung sino si Jesus, at kung ano ang kanilang tinanggap at pinanampalatayaan kay Jesus. Hindi masisiyahan ang Diyos sa estilong ito.
At, mayroon din namang nagsasabing tinanggap at sinampalatayaan nila si Jesus bilang kanilang “Panginoon at Tagapagligtas,” pero hindi naman nila naiintindihan bakit nila sinasabing “Panginoon” si Jesus. Hindi din nila nauunawan kung bakit “Tagapagligtas” si Jesus.
Kaya naman kung atin silang pagmamasdan, makikita po natin ang nagdudumilat na katotohanan. Dahil ang mga tao ay walang unawa sa kanilang pagtanggap at pananampalataya kay Jesus, hindi bumubuti ang kanilang buhay. Api pa rin sila, talunan pa din sila sa maraming antas ng buhay.
Ano ang aral ng Galacia 2 at Efeso 4 tungkol dito? Magsikap tayong mga Kadugo na unaawin kung sino si Jesus, kung bakit sinasabi ng ating Simbahang AND KNK na Siya, si Jesus, ang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak at Espiritu Santo. Kung may unawa na tayo, doon pa lamang tayo makakagawa ng mga bagay na kalugod-lugod sa Diyos.
Salamat sa Diyos sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ