Hindi lahat makakatanggap ng pag-ibig ni Jesus

Posted by watchmen
November 28, 2024

By MELANIO LAZO MAURICIO, JR. 

Salamat sa Diyos sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.

Tapat na pagtanggap at pananampalataya sa Diyos sa Kanyang tatlong anyo, at tapat na pakikinig at pagsunod sa Kanyang mga utos, ang ipinakikitang susi sa matagumpay at masaganang buhay ng mga tao saan mang panig ng buong mundo.

Ito ang muling tinanggap na aral ng mga Kadugong dumalo sa AND KNK Kapihang Kadugo Bible Study and Prayer Session noong Sabado.

Minsan pa, napatunayan ng mga bahagi ng Bibliya na tinalakay sa nasabing Kapihang Kadugo, na iisa lang ang gawa na bibigyang-karangalan ng Diyos ng Kanyang tatlong antas ng kaligtasan. Kung gusto ng mga Kadugo na matanggap na nila ang kasaganaan at katagumpayan, iisa lang ang gawa na dapat nilang ganapin.

Mula sa kasaysayan ni Jacob sa Genesis 28:20-22 hanggang sa muling pag-akyat ni Jesus sa langit sa Mga Gawa 1:1-11, at sa iba pang mga bahagi ng Bibliya na tinalakay noong Sabado, iisa lang talaga ang paksa ng Banal na Kasulatan.

Kailangan ng tao na tanggapin at sampalatayaan ng may unawa na si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo, at pagkatapos ay makinig at sumunod ng buong katapatan ang Kanyang mga utos upang dumating sa kanila ang Kanyang pagpapala, paggabay at proteksyon.

Ito ang nakita natin sa Genesis 28:20-22. Sa mga bersikulong ito, itinala na nananalangin si Jacob sa Diyos. Kung pag-aaralang mabuti, may tatlong mahahalagang bahagi ang panalanging ito ni Jacob.

Ang unang bahagi ng panalanging ito ay ang pagkilala ni Jacob kay Yahweh bilang kanyang Diyos. Sabi niya, “Kayo po ang aking magiging Diyos.” Sa pamamagitan nito, kinikilala ni Jacob na ang Diyos ang tanging may kapangyarihang makakapagbigay sa kanya ng kanyang mga hiling.

Ang pagkilalang ito ni Jacob sa Diyos ay isang uri ng pagpapakumbaba. Ipinakikita nito na walang ibang panggagaling ang anumang pagpapala, paggabay at proteksyon sa tao kundi ang Diyos. Kung gusto ng tao na magkaroon ng pagpapala, paggabay at proteksyon, kailangan nilang magpakumbaba sa Diyos at tanggapin at panampalatayaan Siya.

Papuri at pagsamba din ang kahulugan ng pagkilala ni Jacob sa Diyos. Hanggang noong siya ay manalangin sa Genesis 28:20, walang kinikilalang Diyos si Jacob, bagamat ang kanyang lolo, si Abraham, at ang kanyang ama, si Isaac, ay mga tapat na sumasampalataya sa Diyos.

Dahil sa una ay walang kinikilalang Diyos si Jacob, halos wala siyang dala-dalang yaman mula sa kanyang pamilya noong siya naman ang nagtungo sa ibang lupain upang hanapin ang kanyang kapalaran. Ang sarili lang niya halos ang dala niya.

Kung ating aalalahanin, palihim pa ang pag-alis ni Jacob sa sambahayan ng kanyang amang si Isaac. Inutusan siyang umalis ni Isaac at ni Rebekah, ang kanyang ina, dahil sa banta ng kanyang kakambal na si Esau na siya ay papatayin, sa Genesis 27 at Genesis 28.

Magkaganunman, natuto si Jacob na kumilala at magpakumbaba sa Diyos. At doon na nag-umpisa ang paggagawad ng Diyos sa Kanya ng pagpapala, paggabay at proteksyon upang maipagpatuloy niya ang ipinangako ng Diyos sa kanyang lolo na si Abraham, at sa kanyang ama na si Isaac na sila ang dadaluyan ng kaligtasan at pagpapala sa buong sanlibutan.

Ang aral sa bahagi ng kasaysayang ito ni Jacob sa Genesis 28:20-22 ay kailangang maunawaang mabuti at isabuhay din ng mga Kadugo at ng lahat ng iba pang mga mananampalataya sa daigdig.

Ang kahirapan, kaguluhan at kabiguan sa mundo ay maiiwasan kung ang tao ay kikilala, magpapakumbaba, tatanggap, at sasampalataya ng may unawa sa Diyos at susunod sa Kanyang mga utos.

Sa kasaysayan ni Jacob, ipinakikita dito na bahagi si Jacob ng pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham. Pero lihis si Jacob sa mga aral at turo ng Diyos noong una. Kung ating aalalahanin, napag-aralan na natin na nilinlang niya ang kanyang ama, si Isaac, upang makuha ang basbas na igagawad dapat nito kay Esau.

Ito ang dahilan kaya binantaan ni Esau si Jacob. Ninais ni Esau na patayin si Jacob dahil inagaw ni Jacob, sa pamamagitan ng panloloko sa kanilang ama na si Isaac, ang basbas na iginagawad lamang sa mga panganay na anak na lalaki na gaya ni Esau.

Mabuti na lamang at natutong magpakumbaba, manampalataya, manalangin, at sumunod si Jacob sa Diyos, gaya ng ipinakikita ng Genesis 28:20-22. Kung hindi, marahil ay iba ang magiging takbo ng kanyang kasaysayan.

Ang ikalawang bahagi ng panalangin ni Jacob sa Genesis 28:20-22 ay ang kanyang paghingi ng mga biyayang nais niyang ibigay sa kanya ng Diyos. Ang kanyang mga hiniling: Siya ay samahan ni Yahweh, ang Diyos, iingatan sa paglalakbay, pakakainin at dadamitan, at makakabalik sa bahay ng kanyang ama.

Kung ating papansinin, ang paghiling ni Jacob sa Diyos ay isinandal niya o ibinatay niya kumbaga, sa paunang pagkilala sa Diyos. Bagamat tila nauna sa Genesis 28 ang paghiling bago ang pangakong si Yahweh ang magiging Diyos ni Jacob, maliwanag na kinailangang kilalanin muna ni Jacob ang Diyos.

Ganoon ang panalanging kalugod-lugod sa Diyos. Marapat lamang na kikilanin muna Siya, papupurihan at sasambahin, at pasasalamatan sa mga biyayang Kanyang ibinibigay sa araw-araw na buhay.

Pagkatapos ng pagkilala, pagpupuri, pagsamba, at pagpapasalamat sa Diyos, maaari ng humiling ang tao ng kanyang mga kailangan o nais mula sa Diyos. Magkaganunman, kung aaarukin natin ang kalaliman ng panalangin ni Jacob, may isa pa siyang ginawa doon na naging kasiya-siya sa Diyos.

Ito ay ang kanyang pagkilala na siya ay makasalanan, at ang kanyang paghingi ng kapatawaran. Tatandaan po natin na ang panalanging ito ay ginawa ni Jacob matapos siyang umalis ng palihim sa kanilang tahanan dahil sa banta ni Jacob bunga ng kanyang panlilinlang.

Sa pagharap ni Jacob sa Diyos sa kanyang ginawang panalangin, kinikilala niyang siya ay nagkasala dahil sa kanyang ginawa, at humihingi ng kapatawaran mula sa Diyos. Bagamat hindi ito direktang nakasulat sa Genesis 28, ito ang maliwanag na kahulugan ng kanyang pagpapakumbaba at pag-aalay ng panalangin sa Diyos.

At, sa totoo lang, ang pagkilala ng kanyang pagiging makasalanan ay makikita din natin sa kanyang mga ipinangakong gagawin para sa Diyos. Siya ay sasamba na sa Diyos sa lugar kung saan siya ay nagtayo ng batong alaala.

At bilang pagkilala na ang lahat ng tagumpay at kasaganaang kanyang makakamtan ay mula sa Diyos, magbibigay siya ng ika-10 bahagi ng lahat ng kanyang tinanggap na biyaya. Dito nagmumula ang pagbibigay ng mga mananampalataya ng ikapu. Ito ay tungkuling inilagay ng tao sa kanyang sarili, upang kilalanin ang kabutihan ng Diyos.

Maliwanag, ninais ni Jacob na ipakita sa Diyos na kinikilala niya ang Diyos at ang Kanyang kabutihan sa kanya bilang si Jacob. Ang pagbibigay ng ika-10 bahagi ng lahat ng kanyang tinatanggap na pagpapala ay pagkilala, papuri, pagsamba, at pasasalamat sa Diyos sa Kanyang kabutihan.

Kung tutuusin, ganito din ang aral na ibinigay ni Jesus sa mga Judio sa Juan 6:28-40. Ipinagdiinan ni Jesus na kailangan ng mga Judio (at ng lahat ng mananampalataya hanggang sa kasalukuyang panahon) na kilalanin ang Diyos sa lahat ng sandali ng kanilang mga buhay.

Sinabi ni Jesus, sa salin ng Ang Tanging Daan Bibliya ng Juan 6:29, “Sumampalataya kayo sa Akin.” At upang maintindihan ng mga tao kung ano ang dapat sampalatayaan kay Jesus, sinabi Niya, sa Juan 6:35 sa Ang Tanging Daan Bibliya, ang ganito: “Ako Nga ang tinapay ng buhay…”

Mahalaga ang pagtukoy ni Jesus sa Juan 6:35, ATD Bibliya, na Siya ay si “Ako Nga.” Alam na natin, bilang mga Kadugo, na sa Bibliya, si “Ako Nga” ang Diyos na si Yahweh, ang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob, ang Diyos na lumikha ng langit at lupa, at, sa panahong kasalukuyan, ang Diyos ng mga Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo.

Alam na din ng lahat ng mga Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo na niliwanag na ni Jesus, sa Juan 8:24, na Siya, si Jesus, si “Ako Nga.” Alam na nating lahat kung sino si “Ako Nga,” batay sa kasaysayan ni Moises sa Exodo 3:14-15, noong kausapin siya ng Diyos sa anyong nasusunog na halaman.

At maliwanag ang dahilan kung bakit gusto ni Jesus na kilalanin, tanggapin, at sampalatayaan Siya na Siya nga ang Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo.

Sinabi Niya sa Juan 6:35, “Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman… ” Maliwanag ang kahulugan nito: Ang sinumang lalapit at sasampalataya kay Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak at Espiritu Santo, ay tatanggap ng masagana at matagumpay na buhay — buhay na walang pagkagutom o pagka-uhaw.

Pero, hindi doon nagtatapos ang mga pahayag ni Jesus. Sa Juan 6:38-39, sa salin ng Ang Tanging Daan Bibliya, sinabi Ni Jesus na Siya ay bumaba mula sa langit na ang misyon ay iligtas sa kapahamakan at kamatayan ang mga tatanggap at sasampalataya sa Kanya ng may unawa.

Maliwanag sa lahat ng ito na napakadakila ng pag-ibig ni Jesus sa lahat. Ngunit, Siya na din mismo ang nagsabi, hindi lahat ay makakatanggap ng Kanyang pag-ibig. Sa Juan 6:36, sinisisi niya ang mga tao: “Ngunit sinabi ko na sa inyo, nakita na ninyo ako, ngunit hindi pa rin kayo sumasampalataya sa akin.”

Ano ang nakita ng lahat? Ano ang nadinig ng lahat? Ang mga ginawa at inihayag ni Jesus, na nagpapatotoo na Siya ay hindi tao, hindi propeta lamang, kundi Siya ang Diyos na makapangyarihan sa lahat. Nakasulat ang Kanyang pagdating sa daigdig, pero ang mundong balot sa kasalanan at katiwalian ay ayaw maniwala at manampalataya sa Kanya.

Sabi nga ni Jesus, sa Mateo 13:9, “Makinig ang may pandinig,” na ang ibig sabihin, kailangang magsumikap ang mga tao na magkaroon ng dunong, talino at unawa kung sino si Jesus, dahil ‘yun ang susi ng pagtanggap ng lahat ng Kanyang tatlong antas ng kaligtasan.

 

***

REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.

 

***

MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.

MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *