By MELANIO LAZO MAURICIO JR.
INSPIRASYON SA BUHAY. “Kung ‘di na kayo makikinig sa tinig ng Diyos at ‘di na kayo susunod sa utos ng Diyos … padadalhan Niya kayo … ng nakakasunog na tag-init. Ang langit sa inyong ulunan ay magbabaga at ang lupang inyong tinutungtungan ay magiging sintigas ng bakal … ” (Deuteronomio 28:15, 22-23, Bibliya)
***
PBBM, KAILANGANG MAGSULONG NG TUNAY NA SOLUSYON SA WATER CRISIS. Sa ilang araw na nakakalipas, naibabalita ang Pangulong Bongbong Marcos na nababahala sa isang water crisis sa bansa dulot ng El Niño at ng malawakang global warming at climate change.
Nananawagan ang Pangulong Marcos ng pakikipagtulungan ng lahat ng Pilipino sa Luzon, Visayas at Mindanao upang magtipid ng tubig at tiyakin na walang tubig na masasayang lamang.
Sa pananaw ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo, maganda po ang mga panukala ng Pangulong Marcos upang matugunan ang papalapit na water crisis, o kawalan o kakulangan ng maiinom na tubig ng sambayanan.
Magkaganunman, kailangang maunawaan ng lahat, pati na ng Malacañang, ang katotohanang ang water crisis na dala ng global warming at climate change ay ibinabala na sa Bibliya, kahit na sa Lumang Tipan pa lamang nito.
Sa Deuteronomio 28:23-24, sinasabi doon na ipagkakait sa daigdig ang ulan at magiging napaka-init ng temperatura sa lahat ng dako. Sa halip na ulan o tubig, ang ipapadala ng Diyos ay alikabok mula sa langit.
May dahilan ang mga sumpang ito ng Diyos sa daigdig. Magaganap ang mga sumpa ng kawalan ng ulan, mainit na kapaligiran at pag-ulan ng alikabok dahil sa pag-ayaw na ng tao na makinig at sumunod ng buong tapat sa mga utos ng Diyos.
Ang tunay na solusyon, kung ganoon, sa water crisis sa Pilipinas ay ang totohanang pag-aaral, pakikinig at pagsunod sa mga utos ng Diyos. Ito ang dapat hanapin ng Pangulong Bongbong Marcos dahil naririto ang tunay na kalutasan.
Kung isusulong ng Pangulong Bongbong at gagawin ito ng mga Pilipino, doon pa lamang kikilos ang Diyos upang pigilan ang water crisis sa Pilipinas, at global warming at climate change sa buong mundo.
***
HERBAL MEDICINES: LAGANAP NA SA PILIPINAS, PERO APRUBADO BA NG DOH, FDA? Sa mga nakikinig sa mga himpilan ng radyo sa AM band saan mang panig ng buong Pilipinas, tiyak na napapansin na nila na napakaraming mga advertisements sa nasabing mga radio stations ang tungkol sa mga herbal medicines.
Ang mas nakakamangha pa, ang mga advertisements tungkol sa mga herbal medicines ay lantarang ini-endorso pa ng mga announcers, broadcasters at iba pang mga hosts o co-hosts ng iba’t ibang mga programa sa mga radio stations sa buong Pilipinas.
Iisa lamang ang inihahayag ng mga radio stations at mga broadcasters na ito: Napakahusay ng mga herbal medicines sa paggamot o pagbibigay-kagalingan ng kahit na ng mga malulubhang sakit, gaya ng cancer, katarata, ulcer, diabetes, at maraming pang iba.
Kaya naman, tumatabo ng limpak-limpak at todong kita ang mga gumagawa ng herbal medicines.
Ayon sa isang broadcaster mula sa Cagayan de Oro City, halos pag-aari na ng mga kompanyang ito na gumagawa ng herbal medicines ang mga himpilan ng radyo.
Okay naman sana ito dahil may mga pananaw na mas mabuti ang mga herbal medicines kaysa sa mga gamot na inirereseta ng mga doktor.
Ang problema lamang, maliwanag na walang clearance mula sa Department of Health at sa Food and Drug Administration ang paggamit ng mga herbal medicines ng ating mga kababayan.
Malaking problema ito, lalo at may mga nagsasabi din naman na nakakasira ng bato ang mga herbal medicines dahil may mga kemikal din na inihahalo sa mga ito na hindi dumaan sa pagsusuri ng DOH at FDA.
Bakit tahimik ang DOH at FDA sa isyu ng herbal medicines? Bakit kaya pinahihintulutan ng DOH at FDA ang paggamit ng herbal medicines gayong hindi pa dumadaan ang mga ito sa mga pagsusuri?
At bakit lahat na halos ng mga radio stations at mga broadcasters, sikat o hindi, ay tila nahuhumaling na ng todo sa herbal medicines?
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ