By MELANIO LAZO MAURICIO
INSPIRASYON SA BUHAY. “Ang bawat tao’y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at sila’y nararapat sa parusa …” (Roma 13:1-2, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
MARTIAL LAW 1972: WALANG PULITIKO ANG MAY TUNAY NA MALASAKIT SA BAYAN. Maraming mga Pilipino ang marahil ay masyado pang bata upang maalala na noong ika-21 ng Setyembre 1972, 52 taon na ang nakakalipas, inumpisahang ipairal ng noon ay Pangulong Marcos ang martial law sa Pilipinas.
Magkaganunman, bata man o may sapat na edad ang mga Pilipino noong mga panahong iyon, matindi pa din ang debate hanggang sa ngayon kung nakabuti ba ang martial law sa mga Pilipino, o nagdulot lamang ito ng masamang karanasan.
Sa pananaw ng maraming mga nag-iisip na Pilipino, ang mga debateng ito ay ginagawa lamang ng dalawang grupo ng mga nagtutunggaling mga pulitiko. Sa isang banda, nanduduon ang grupo na katig sa Pangulong Marcos.
Sa kabilang banda naman, nanduduon ang grupo ng mga kontra sa Pangulong ama ng kasalukuyang Pangulong Bongbong Marcos.
Sa totoo lang, ang debate ng dalawang grupong ito ng mga pulitiko ay iisa lang ang tinutunguhan lagi. Nakasentro ang mga pagtatalo sa kung sino sa kanila ang dapat mamuno, at mabigyan ng kontrol sa pamahalaan at sa bayan.
Para sa sambayanan, makakabuting huwag nilang siseryosohin ang tila ba pagbabangayan ng mga pulitiko sa bansa. Sa totoo lang, walang pulitiko ang may tunay na malasakit sa bayan, noon at ngayon.
***
PAGPAPATINDI NG PARUSA, HINDI SOLUSYON SA KRIMINALIDAD. Hindi natin masasabi kung alam ba o hindi ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na walang buting idudulot ang panukala niyang dagdag na parusa sa mga jaywalkers.
Pero, ang panukala niyang pagdadagdag ng multa sa mga tumatawid ng daan nang wala sa tamang lugar o pedestrian lane ay tiyak na hindi makakabawas sa jaywalking.
Sa mahaba-haba na ding panahon, napatunayan na ng lahat na hindi talaga natatakot ang mga tao sa mga parusa, mabigat man o maliit, sa mga krimeng kanilang ginawa.
Sa totoo lang, wala sa bigat o gaan ng parusa ang makakapigil sa mga tao na gusto talagang gumawa ng krimen.
May magsabi sana kay Abalos na maituturo lamang ang pagsunod sa batas sa mga tao kung matuturuan muna silang makinig at sumunod sa Salita at mga utos ng Diyos.
Kung magagabayan ang mga tao na makinig at sumunod sa mga utos ng Diyos, matuturuan na din silang makinig at sumunod sa mga utos ng mga autoridad.
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ