Liza Araneta Marcos, traffic czar

Posted by watchmen
August 8, 2024

 

By Melanio Lazo Mauricio, Jr.

 

INSPIRASYON SA BUHAY. “… Sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon …” (si Josue, sa Aklat ni Josue 24:15, Ang Tanging Daan Bibliya)

 

***

LIZA ARANETA MARCOS, DAPAT ITALAGA BILANG TRAFFIC CZAR. Kailangan ng makialam ng First Lady Atty. Liza Louise Araneta Marcos upang tugunan ang ilang matitinding problema ng bansa, gaya ng heavy traffic.

Halos isang buong linggo na ngayon, grabe na masyado ang mahinang pagdaloy ng mga sasakyang bumibyahe sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila.

Maliwanag, walang magawa ang MMDA, o ang Metro Manila Development Authority. Ganundin, tila inutil din ang PNP Highway Patrol Group.

 

***

‘PAG SI LIZA ANG TRAFFIC CZAR, TIYAK MAGKUKUMAHOG ANG BUONG GOBYERNO NA TUTULONG. Higit sa lahat, tila walang opisyal ng gobyerno ang nag-iisip kung papaano maiibsan ang problema sa heavy traffic sa ngayon.

Dito kailangang pumasok si Liza Marcos. Sa pananaw ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo (AND KNK), siya, si Liza, ang makakahanap ng lunas sa heavy traffic.

Tiyak, ‘pag siya ang itatatag na traffic czar, magkukumahog ang lahat ng opisyales ng pamahalaan sa paghahanap ng kalutasan.

 

***

“ENJOY AND BE GLAD OF GOD’S BLESSINGS.” Buong kagalakang ipinagpasalamat ng aking pamilya — ako, ang aking butihing maybahay, si Judge Angelina Mauricio, at ang aming anak, si Atty. Maria Luisa Domingo Mauricio — ang aming sama-samang pagdalo sa pang-Martes na talakayan sa CCL, o Capitol Christian Leadership, noong ika-30 ng Hulyo 2024.

Ang aking maybahay, si Judge Angelina, ang panauhing tagapagsalita ng CCL noong araw na ‘yun. Lumiban naman sa kanyang trabaho si Atty. Luisa sa Office of the Solicitor General, upang magkakasama kaming makadalo sa nasabing okasyon.

Sabi ni Atty. Luisa, gusto niyang madinig ang ihahayag ng kanyang mama sa CCL regular Tuesday forum, na ginaganap tuwing alas-7:00 ng umaga sa University Hotel, sa loob ng UP-Diliman Campus, Quezon City.

Habang kami ay dumadalo sa CCL forum at nagsasalita ang aking maybahay sa paksang “enjoy and be glad of God’s blessings,” naalala ko ang pahayag ng Bibliya sa kanyang Josue 24:15.

Sa nasabing bersikulo, kinausap ng propeta ang kanyang mga kababayang Hudyo, upang ipaalala sa kanila ang kabutihan ng Diyos sa bawat isa sa kanila.

 

***

“KUNG AYAW NIYONG MAGLINGKOD SA DIYOS, BAHALA KAYO.” Nalungkot si Josue na bagamat napakabuti ng Diyos sa mga Hudyo noong mga panahong ‘yun, tumanggi silang gumanap sa mga gawain ng kanilang bayan na ang Diyos ang nagbigay.

Sa mga pahayag ni Josue sa usapang itinala sa Josue 24, sinabihan niya ang mga Hudyo ng ganito: “Kung ayaw niyong maglingkod sa tunay na Diyos, nasa sa inyo ‘yan.”

Subalit, sinabi ni Josue, para sa kanya at sa kanyang sambahayan, pipiliin nila ang laging paglilingkod sa Diyos.

Sa mga Kristiyanong may mga pamilya, ganitong paglilingkod din sa Diyos ang dapat nating ipagpilitan sa ating mga mahal sa buhay.

 

***

REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.

 

***

MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.

MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *