Kayabangan at katigasan ng ulo, dahilan ng pagtakas sa quarantine

Posted by watchmen
January 4, 2022
Posted in OPINION

“Aking anak, sakali mang akitin ka ng mga makasalanan, huwag kang papayag, tanggihan mo sila.” – Mga Kawikaan 1:10, Ang Tanging Daan Bibliya

 

KAYABANGAN AT KATIGASAN NG ULO, MGA DAHILAN NG PAGTAKAS NG BABAE SA QUARANTINE SA MAKATI HOTEL: Kayabangan, at katigasan ng ulo. Ito ngayon ang mga katangiang sinisisi ng Department of Tourist (DOT) bilang mga pangunahing dahilan ng pagkakahawa ng nakamamatay na virus na COVID-19 sa halos dalawampung katao na tinamaan ng sakit matapos silang makipag-party sa Poblacion, Makati City.

Pinamunuan ang party sa Poblacion, Makati City ng isang babaeng Pilipina na kararating lamang sa Pilipinas mula sa Amerika. Ang babae, si Gwyneth Anne Chua, ang itinuturong pinagmulan ng pagkakahawa ng kaniyang mga naging panauhin sa kaniyang party at maging ng mga tauhan ng establisiyemento kung saan idinaos ang party.

Ayon sa mga autoridad, ginanap ang party bagamat sa araw ng party mismo, sumasailalim pa siya dapat sa quarantine restrictions. Ayon sa kalatas ni DOT Secretary Bernadette Romulo Puyat, tumakas si Chua sa hotel sa Makati City kung saan siya sumasailalim ng mandatory quarantine matapos siyang dumating sa Pilipinas.

Lumilitaw sa mga ulat na nauna ng tumanggi si Chua sa pagtigil muna niya sa hotel sa Makati City upang doon siya magku-quarantine sa loob ng ilang araw ayon sa mga health protocols ng Department of Health, bilang pagtitiyak na hindi siya apektado ng COVID-19 virus.

Sa social media reports, nagpahayag si Secrety Puyat na ipinagyayabang ni Chua na mayroon siyang mabibigat na koneksiyon sa mga matataas na opisyales kaya kahit hindi siya mag-quarantine ay pupuwede.

 

***

IPINAGMALAKING “KONEKSIYON” NG BABAE KAYA SIYA NAKATAKAS, IIMBESTIGAHAN NG GOBYERNO: “The girl was in fact…nagyayabang siya kasi they were wondering na kasi kakadating lang niya bakit kasama nila, and then she told her friends na she had connections daw kaya she could cut quarantine,” sabi ni Puyat.

“So ‘yung malas, on her fifth day, bumalik sa hotel, nagpa-swab, nag-positive. Tapos ‘yung mga ibang nakasama niya, nag-positive rin. In fact ‘yung mga establishments, nag-positive rin sila roon. Ang daming nag-positive because of the girl,” paliwanag din ni Puyat.

Inilahad din ng DOT secretary na nakita talaga si Chua na nakikipag-party sa Poblacion, Makati. “We have the signed affidavits, pictures, CCTV, and it was proven that she was not naka-quarantine,” ayon kay Puyat.

“Pagka-alam ko, umamin na naman siya that she cut quarantine. Umamin naman siya,” dagdag niya. Bilang tugon, inutusan na ng DOT ang Berjaya Hotel sa Makati City na magpaliwanag kung bakit naka-alis sa quarantine sa kanilang hotel si Chua.

Ayon sa mga ulat, nagbigay na agad ng paliwanag ang hotel, bagamat hindi pa inilalabas ng DOT ang laman ng paliwanag. Inutusan din agad ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano ang Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police upang imbestigahan kung anong batas ang nilabag ng babae at ng hotel upang papanagutin ang mga ito sa kanilang mga ginawa.

Ipinasasama ng maraming netizens ang sinasabing “koneksiyon” ni Chua sa imbestigasyon, upang malantad kung sino ang “koneksiyon” na ito, at alamin din kung may pananagutan din ba siya sa batas.

 

***

NETIZENS NAGTATANONG: MAS MAHALAGA BA SA GOBYERNO ANG EKONOMIYA KAYSA SA KALUSUGAN O KALIGTASAN NG MGA PILIPINO? Sa nakakaraang ilang araw, nakita sa Metro Manila at sa maraming lugar sa Pilipinas ang paglobo na naman ng mga tinatamaan ng COVID-19 virus, bagamat hindi maliwanag kung ang Delta variant pa din ang tumama sa kanila, o ‘yung Omicron variant na ngayon ay pinagmumulan ng daang libong pagkakahawa ng mga tao Amerika at sa Europa.

Sa ulat ng OCTA Research, sobra na sa 100 porsiyento ang bilang ng mga nahahawang Pilipino araw-araw sa kasalukuyan, kumpara sa bilang ng mga nagkakasakit ng COVID dalawang linggo na ang nakakaraan.

Sa lahat ng ito, kataka-takang tumatanggi pa ang DOH na maglabas ng datos sa social media platforms sa katayuan ng pagkakahawa-hawa ng mga Pilipino sa araw-araw. Marami ang bumabatikos sa ginawang ito ng Department of Health dahil tila ba itinatago nito ang tunay na katayuan sa Covid 19 ng bansang Pilipinas.

Tila ba ang layunin ng DOH ay hayaan ang mga Pilipino na maglabasan, gumala kahit sa mga matataong lugar bunga ng Kapaskuhan 2021 at Bagong Taon 2022, kahit itinuturing na superspreader ng COVID-19 ang mga okasyong ito.

Sa dalawang taon na ang Pilipinas at ang buong mundo ay nakailalim sa pananalasa ng COVID-19 virus, maliwanag na ang mga panahong dumadami ang nahahawa ng sakit na ito ay yung mga panahong pinahihintulutan ng gobyerno ang mga Pilipino na gumala, bagamat aminado naman ang lahat na nagpapatuloy ang virus sa pagiging makamandag.

Ikinagugulat, at binabatikos at kinokondena ng marami ang ganitong mga pagkilos ng gobyerno, dahil tila ba ang gusto ng mga autoridad ay pabayaan ang mga kababayan nating lumabas ng bahay at kumilos ng parang wala ng banta ang COVID-19. Ang problema sa ganitong mga polisiya, ayon sa mga netizens, ay ‘yung kayabangan at katigasan ng ulo ng mga Pilipino, na na ang bunga ay pagkilos ng walang pagkatakot. Sa dulo, todo sisi ang marami, dahil tinatamaan nga sila ng virus.

 

***

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybataswww.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network./WDJ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *