“Ituro sa mga bata ang landas na dapat nilang tahakin habang sila ay bata pa, at ito ay di na nila lilimutin kahit na sila ay tumanda na rin.” – Kawikaan 22:6, Ang Tanging Daan Bibliya.
PILIPINANG GRADE 7 PA LAMANG, NAGBABALA NG PAGKAWASAK NG MUNDO SA MGA PINUNO NG PAMAHALAAN NA DUMALO SA 2021 COP26: Isang Grade 7 na batang Pilipina ang pinahintulutang manawagan sa mga pinuno ng mga pamahalaan sa buong mundo na nagpulong sa Glasgow, United Kingdom, noong nakaraang linggo sa tinatawag na 2021 COP 26.
Ginawa ang panawagan sa pamamagitan ng isang video upang kumilos ang mga pinuno ng mga pamahalaan sa daigdig at gamitin ng puspusan ang kanilang kapangyarihan laban sa global warming and climate change, kung di nila nais na tuluyan ng mawasak ang buong daigdig at mapinsala o mapariwara ang sanlibutan.
Ang video ni Bianca Ysabel Mauricio Panotes, 13-taong gulang na mag-aaral sa John Dewey School for Children of the Philippines sa Quezon City, ay isa sa mga napili at ipinalabas sa mga world leaders na dumalo sa COP26 2021, isang taunang pagpupulong ng mga malalaki at maliliit na bansa na ang layunin ay makahanap ng solusyon sa pagkasira ng kalikasan at kapaligiran.
Si Bianca Ysabel ay ang panganay na anak nina Camarines Norte Acting Vice Governor Joseph Christopher Concon Panotes, at Atty. Marisa Mauricio Panotes, isang abogadang may sariling bupete o tanggapan bilang abogado.
***
KARANGALANG KATAWANIN ANG PILIPINAS SA HANAY NG MGA KABATAANG MAGSASALITA SA 2021 COP26, IPINAGKALOOB SA JOHN DEWEY SCHOOL FOR CHILDREN: Ipinagkaloob kay Bianca Ysabel, o Biel sa kaniyang mga mahal sa buhay at mga kaibigan at ka-klase, ng kaniyang mga guro sa John Dewey School for Children of the Philippines sa Quezon City ang karangalang maging kinatawan ng nasabing paaralan na magbibigay ng mensahe sa mga world leaders sa 2021 COP26.
Ayon sa mga nagtaguyod ng COP 26 (o 26th Annual Conference on Climate Change), ninais nilang kumuha ng mga mensahe tungkol sa mga karanasan sa problema sa kalikasan na naranasan ng iba’t ibang mga bansa.
“As COP26 gets started, we want to make sure all the COP participants hear something they won’t forget: the real voices of people dealing with global hearing right now,” ayon sa kalatas ng COP26 organizers.
Ayon sa mga organizers ng COP26, layon nilang iparinig sa mga pinuno ng pamahalaan sa mundo ang hiling ng maraming tao, partikular ng mga kabataan, na tigilan na nila ang paggamit ng tinatawag na “fossil fuel,” o langis at gasolina na hinuhukay at sinisipsip mula sa kailaliman ng daigdig.
***
MGA PINUNO NG MUNDO, KAILANGANG KUMILOS UPANG LABANAN ANG GLOBAL WARMING AT CLIMATE CHANGE, SABI NG GRADE 7 PUPIL: Dapat ding bayaran nila ang kanilang mga ipinangakong salaping-tulong para sa iba’t ibang mga pagkilos upang mapagtibay ang laban kontra sa pagkasira ng kalikasan, dagdag pa ng COP 26.
Sa mensahe ni Biel Panotes, ipinunto niya ang naging karanasan niya at ng kaniyang mga magulang at ng kaniyang nakababatang kapatid, si Princess Mauricio Panotes, isa ding mag-aaral sa John Dewey School for Children Philippines, noong tumama ang isang malakas na bagyo sa kanilang lugar sa Bicol.
Ayon kay Biel, kinailangan nilang sumakay sa kanilang kotse, kasama ang kanilang mga kasambahay, at maging ang kanilang mga alagang aso. “This was so uncomfortable,” dagdag ni Biel.
Sa loob ng kotse sila natulog ng buong magdamag, upang makaiwas lamang sa pinsalang dulot ng malakas na ulan at hangin. Mapapanood po ang kabuuang mensahe ni Bianca Ysabel Mauricio Panotes sa 2021 COP26 Global Warming and Climate Change Annual Conference, sa www.facebook.com/attybatas, sa ilalim ng video na KAKAMPI MO ANG BATAS.
***
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network./WDJ