Krisis sa kaligtasan vs COVID-19, nakaamba sa higit 100 milyong Pilipino

Posted by watchmen
October 15, 2021
Posted in OPINION

INSPIRASYON SA BUHAY: “Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, ‘Kung patuloy kayong susunod sa aking turo, kayo nga’y tunay na mga alagad ko. Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo’” – Juan 8:31-32, Ang Tanging Daan Bibliya

 

***

KRISIS SA KALUSUGAN AT KALIGTASAN NG MGA PILIPINO LABAN SA COVID-19, NAKALAMBONG NGAYON SA BUONG PILIPINAS: Isang malaking krisis sa pambansang kalusugan at kaligtasan laban sa COVID-19 ng mahigit sa isandaang milyong Pilipino mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao, ang nakalambong ngayon sa buong Pilipinas, na pinangangambahang magiging sanhi ng mas maraming kamatayan mula sa nasabing pandemya.

Ito ay bunga ng galit ng mga duktor, kasama na ang kanilang mga samahang pam-propesyunal, dahil sa pagpipigil ng Pangulong Duterte sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa mga anomalya COVID-19 funds sa Department of Health at Department of Budget and Management sa Malacanang.

Nauna rito, naglabas ng utos si Duterte na huwag ng haharap ang mga opisyales ng DOH at DBM sa Senado, upang huwag ng magsalita ang mga ito sa sinasabing pagkakawaldas nila ng P67 bilyong pisong COVID funds dahil sa overpricing.

Limang dating kalihim ng DOH, daan-daang mga duktor, at ang kanilang mga professional health associations, ang naglabas ng isang kalatas-pampubliko noong isang araw.

 

***

MGA DUKTOR, INAAKUSAHAN ANG PANGULO NG “OBSTRUCTION OF JUSTICE” SA KANIYANG UTOS NA HUWAG DADALO ANG KANIYANG GABINETE SA SENATE INQUIRY SA ANOMALYA SA PONDO NG COVID-19: Ayon sa kanila, ang ginagawa ng Pangulo sa pagpipigil sa imbestigasyon sa Senado ay itinuturing nilang “obstruction of justice,” o ‘di kaya ay pagpipigil ng paglabas ng katotohanan sa sinasabing anomalya sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.

Sa Presidential Decree 1829, ang obstruction of justice ay nagaganap kung ang isang tao ay kumikilos upang pigilin ang sinumang sa pag-uulat ng anumang krimen.

Ito ay ayon sa kaniyang Section 1 (a) na ganito ang sinasabi sa Ingles:  “(a) preventing witnesses from testifying in any criminal proceeding or from reporting the commission of any offense or the identity of any offender/s by means of bribery, misrepresentation, deceit, intimidation, force or threats.”

Binabanggit din sa Presidential Decree 1829 na nagkakasala ng obstruction of justice ang isang tao kung siya ay “knowingly or willfully obstructs, impedes, frustrates or delays the apprehension of suspects and the investigation and prosecution of criminal cases…” May parusa itong pagkakabilanggo ng mula sa apat na taon hanggang anim na taon.

 

***

PAGTIGIL SA MGA GAWAING PANGKALUSUGAN, ISINUSULONG NG MARAMING HEALTH WORKERS: Ipinahayag ng mga duktor, kasama na sina dating Health Secretaries Carmencita Reodica, Manuel Dayrit, Enrique Ona Jr., Esperanza Cabral, at Paulyn Obial, na karapatan ng mga manggagamot at iba pang frontliners na direktang humaharap sa paglaban sa COVID-19 virus at ng mga variants nito na malaman ang katotohanan.

“Aayawan ho namin ang anumang tangka na pigilan ang testimonya o cover-up ng totoong nangyayari kaya kami ay naririto ngayon para manawagan for transparency, exigency, and accountability,” dagdag nila. Dapat nga ang Pangulo pa ang manguna sa pagtuklas ng katotohanan sa anomalya sa DOH kung nais niya talagang lumabas ang katotohanan, ayon sa mga manggagamot, nagsabi ding, hindi na nila pipiliin pa ang manahimik sa isyu.

Sinabi din ng mga duktor na lubhang nagngingitngit na ang kanilang hanay sa mga utos ni Duterte sa kaniyang Gabinete. Ang kalusugan at kaligtasan ng bayan ay lubhang napakahalaga, at, ayon sa mga duktor, hindi na nila ito pababayaan sa kamay ng mga pulitiko na ang layunin ay kakaiba at hindi para sa bayan.

Nauna dito, nagpapanukala na ang mga nasa hanay ng medical at allied health professions ng pagtigil nila ng pagganap ng kanilang mga tungkulin kung hindi babaguhin ng Pangulo ang kaniyang pasya laban sa Senate investigation. Sa katotohanan, marami ng mga duktor ang mga nagbitiw sa kanilang pagiging duktor sa harap ng mga pangyayari sa sinasabing anomalya sa COVID-19 funds.

 

***

REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com.

 

***

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network./WDJ

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *