Data manipulation sa COVID-19 infections, kinukuwestiyon

Posted by watchmen
October 1, 2021
Posted in OPINION

INSPIRASYON SA BUHAY: “Ang bansang walang patnubay ng Diyos ay puno ng kaguluhan, ngunit mapalad ang taong sumusunod sa Kautusan.” – Mga Kawikaan 29:16, Ang Tanging Daan Bibliya

 

***

DOH, OCTA, AT METRO MAYORS, NAGKAKAGULO SA ISYU NG DATA MANIPULATION TUNGKOL SA MGA NAHAHAWA ARAW-ARAW SA COVID-19: Nagkakagulo noong Miyerkules, Setyembre 29, 2021, at nagkakaroon ng “digmaan ng mga salita” o word war sa wikang Ingles, ang ilang mga Metro Manila mayors at ang Department of Health at OCTA Research Group.

Tungkol ang hidwaan o gulong ito sa kawalan ng katiyakan ng tiyak at makatotohanang mga datos o opisyal na impormasyon na may kinalaman sa paglala, o pagbaba, ng COVID-19 infections sa Pilipinas.

Mahigpit na kinokontra kasi ng ilang Metro Manila mayors, sa pangunguna ni Marikina City Mayor Marcie Teodoro, ang mga inilalabas na ulat ng mga bagong nahahawa araw-araw ng COVID-19 ng DOH at ng OCTA Research Group, na nagsasabing bumababa na ang hawaan ng virus. Hindi makatotohanan ang mga ulat ng DOH at OCTA, ayon kay Mayor Teodoro.

Ang pangontrang pahayag ng mga Metro Manila mayors ay nakabatay sa mga ulat na tinatanggap ng kanilang mga tanggapan na nagsasabing hindi pupuwedeng sabihin na bumababa na ang hawaan ng COVID-19 sa kasalukuyang panahon dahil napakataas pa din ng occupancy rate sa mga ospital na kanilang nasasakupan.

“… Ang isang kataka-taka ay bumababa (daw) ‘yung kaso natin ng COVID sa Metro Manila pero tumataas naman ‘yung bed utilization at ICU utilization natin,” dagdag pa ni Marikina City Mayor Teodoro. Ang argumento ni Teodoro ay simple lang: kung totoo ang sinasabi ng DOH at ng OCTA na humihina na ang pananalasa ng COVID-19 sa National Capital Region, dapat bumababa na din ang bilang ng mga nagpapa-admit at nagpapa-confine sa mga Metro Manila hospitals.

 

***

MGA ULAT NG DOH SA MGA NAHAHAWA SA COVID-19 ARAW-ARAW, TINATAWAG NA HINDI MAKATOTOHANAN: Pero, batay sa record, sabi ni Teodoro, nananatiling mataas yung bed utilization at ICU utilization ng mga ospital at medical facilities, dagdag pa ng alkalde. “Dapat maging makatotohanan at consistent ang ulat ng mga ahensiyang pangkalusugan,” ani Teodoro. Idinagdag pa niya: “Sinasabi nila na may downward trend na nangyayari pero sinabi rin nila na ang bilang ng mga nate-test, contact tracing ay bumababa rin.”

Sa mga sinasabing ito ni Teodoro, umayon ang maraming concerned netizens na tila nagkakaroon na ang manipulasyon ng impormasyon, o yung data manipulation, sa tunay na kalagayan ng COVID-19 infections sa Pilipinas.

Kadalasan kasi, nakikita sa DOH ang pag-uurong-sulong ng bilang na iniuulat nila sa araw-araw, kung saan una nilang sasabihing bumaba ang bilang ng mga nahawa sa isang partikular na araw, pero babawiin din pagkatapos lamang ng ilang oras, kung saan maglalabas sila ng iba na namang ulat.

Ganundin, sa pag-uulat ng mas mabababang bilang ng DOH, maraming beses na kulang pala, o hindi kumpleto ang mga ulat na ito, dahil maraming mga testing laboratories ang hindi nila kinukuhanan ng kanilang testing reports. Lumilitaw na hindi na din iwinawasto ng DOH ang ulat nila sa isang araw kahit na natanggap na nila ang ulat ng mga testing centers na hindi nakasama sa kanilang unang ulat.

Gaya ng sinasabi ni Mayor Marcial Teodoro ng Marikina City, mayroon ding mga pagkakataon kung saan napakababa din kasi ng kanilang naisasailalim sa swab testing o naisasailalim sa contact tracing, kaya naman bitin ang kanilang mga ulat sa bilang ng mga nahahawa.

 

***

DOH SECRETARY DUQUE, DAPAT MAGBITIW NA DAHIL SA ISYU NG “DATA MANIPULATION:” May mga sektor sa lipunang Pilipino ang nagpapahayag ngayon ng duda sa layunin ng ganitong nagaganap sa Department of Health. Sa pananaw ng mga sektor na ito, kundiman sadyang itinataas ay ibinababa ng DOH ang mga iniuulat nitong bilang ng mga nahahawa, dahil gusto na lamang nilang magkaroon ng kaisipan ang mga mamamayan na magpabakuna na rin.

Ang lumalabas na nais ng DOH at ng iba pang health experts sa ngayon, dagdag pa ng mga concerned Filipino groups, ay maituloy ang mga bakuna, bagamat marami na ang nagpapahayag na hindi na lamang naman ang bakuna ang epektibong panlaban o pang-gamot sa COVID-19 virus. Ipinupunto ng mga grupong ito na nandidiyan na din ang virgin coconut oil, ang Ivermectin, at ang mga traditional methods gaya ng suob.

Dahil dito, dinidiinan ng husto ngayon ang kahilingan ng maraming grupo na palitan na ang mga namumuno sa Department of Health, lalo na ang kalihim nito, si Secretary Francisco Duque III. Sa pananaw kasi ng marami, lubos ng nawala na ang tiwala ng maraming Pilipino sa kadalisayan ng kaniyang mga pagkilos kontra COVID-19, kundi man sa kaniyang kakayahang propesyunal bilang opisyal ng gobyerno at bilang duktor sa medisina.

Ganundin, ipinagdidiinan din ng maraming sektor ang puspusang pagtutuos sa pamamalakad ng DOH sa mga pondo na ibinibigay dito bilang COVID 19 virus cure and prevention funds. Nanghihinayang ang maraming Pilipino na sa bilyon-bilyong pisong pondo ng DOH na hinawakan ni Secretary Duque, malaki ang naiulat ng Commission on Audit na nawaldas lamang.

 

***

REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino./WDJ

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *