INSPIRASYON SA BUHAY: “…‘Halikayo at tayo’y magpaliwanagan,’ sabi ni Yahweh. ‘Gaano man kapula ang inyong mga kasalanan, kayo’y aking papuputiin, tulad ng yelo o bulak’…” (Isaias 1:18, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
PAGLILIGTAS NG DIYOS SA PANAHON NI MOISES, GINUGUNITA NG SIMBAHANG AND KNK NGAYON: Noong papatayin na ng Diyos ang mga taga-Egipto noong panahon ni Moises, tinuturuan Niya sina Moises at ang lahat ng mga kasama nitong mananampalataya kung papaanong sila ay lalagpasan o iiwasan ng kamatayan. Ito ay ang pagpapahid ng dugo sa labas ng mga bahay. Kung may pahid ng dugo ang bahay, hindi mamamatay ang mga nakatira doon, ayon sa Exodo 12 ng Bibliya.
Sa harap ng matinding banta ng kamatayan sa Pilipinas at sa buong mundo ng Covid-19 sa kasalukuyan, ginugunita sa ngayon ang paraang ito ng pagliligtas ng Diyos, ng mga Kadugo, o ang mga kasapi ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), ang Simbahang itinatag ng Diyos sa Pilipinas upang ganapin ang Kaniyang layunin, at tuparin ang Kaniyang mga gawain sa huling kapanahunan.
Paano ginugunita ng mga Kadugo ang pagliligtas ng Diyos na mababasa sa Exodo 12? Puspusang naglalagay ngayon ang mga kasapi ng AND KNK, hindi ng aktuwal na dugo, kundi ng logo o simbolo ng kanilang Simbahan, sa labas ng kanilang mga bahay, bilang isa sa mga pinaniniwalaan nilang paraan upang hindi sila tamaan, mapasok, o di kaya ay mapinsala ng Covid-19 sa anumang kaparaanan.
***
DUGO NI JESUS, PANLABAN SA COVID-19: Ayon sa pamunuan ng AND KNK, ang paglalagay ng logo o simbolo ng kanilang Simbahan sa labas ng mga bahay ng mga kasapi nito ay may dalawang layunin. Una, paggunita sa pagliligtas ng Diyos sa mga mananampalatayang inalipin sa Egipto noong unang panahon, at pangalawa, paghiling na din sa Diyos ng parehong pagpapala ng pagliligtas, mula naman ngayon sa Covid-19 sa kasalukuyang mga araw.
Makikita kasi sa logo o simbolo ng AND KNK ang krus Ni Jesus. Sa aral ng AND KNK, ang krus sa logo nito ay kumakatawan sa krus na ginamit Ni Jesus upang iligtas ang mga makasalanan. Sa krus, may dalawang nagsasalitang kulay—pula at puti. Ayon sa AND KNK, ibinabadya ng dalawang kulay na ito sa logo ang tatlong pangunahing bagay: ang dugo ni Jesus (na kulay pula), ang kasalanan ng tao (na kulay pula din), at ang busilak na pagliligtas ni Jesus (na kulay puti), sa mga makasalanan.
Ipinaliwanag ng AND KNK na bagamat hindi na aktuwal na dugo ang kanilang ipinapahid sa mga bahay ng kanilang mga kasapi sa panahon ng Covid-19 kundi ang kulay pula at puting krus na siyang logo o simbolo ng Simbahan ang kanila ng idini-display, nauunawaan naman ng mga Kadugo ng AND KNK na ang logo o simbolo ng kanilang Simbahan ay kumakatawan sa dugo at pagpapatawad ni Jesus sa mga nananampalataya ng may pang-unawa sa Kaniya.
***
MGA SALOT NG SAKIT, DULOT NG PAGTALIKOD NG TAO SA DIYOS: Sa madaling salita, ang logo o simbolo ng Simbahang AND KNK, sa paniniwala ng mga kasapi nito, ay magiging isang mabisang paraan ng kanilang paglapit sa Diyos upang humingi ng Kaniyang pagpapala, paggabay at proteksiyon laban sa Covid-19. Sa pagdi-display ng logo ng Simbahan sa kanilang mga bahay, kinikilala ng mga Kadugo ang kapangyarihan ng Diyos, at ang Kaniyang pag-ibig sa sanlibutan, na ang dulot ay kaligtasan kahit sa pinaka-mabagsik na sakit.
Ipinaliwanag ng AND KNK na ang kanilang logo ay batay sa Bibliya, sa Isaias 1:1-28. Sa mga bersikulong ito, sinabi ng Diyos Ama (ang anyo ni Jesus noong unang panahon) na naging lubhang makasalanan na ang mga tao, at tumalikod at bina-balewala Siya. Sa paghihimutok ng Diyos laban sa Kaniyang sariling bayan, sinabi niyang itong pagtalikod na ito sa Kaniya ang dahilan kung bakit nakakaranas ng maraming sumpa ang mga tao, kasama na ang sumpa ng mga mabibigat na sakit at karamdaman.
Iisa lamang ang paraan, kung ganoon, upang makaligtas sa lahat ng mga kapinsalaan at kamatayang dulot ng mga sumpa, lalo ng sumpa ng mga nakakatakot na sakit, ayon sa Diyos. At ito ang pagbabalik-loob sa Diyos, sa pamamagitan ng muling pakikinig (pagbabasa at pag-aaral) ng Kaniyang Salita, at pagsunod sa Kaniyang mga utos sa Bibliya, dahil sa pamamagitan lamang ng muling pakikinig at pagsunod nila sa mga utos ng Diyos magkakaroon sila ng unawang magdudulot ng kaligtasan.
***
PANALANGING MAGLILIGTAS SA MGA PINOY VS. COVID-19: Tapos, ulitin natin ang panalanging ito: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatayaan kita na Ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit, tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang mapatawad mo ako mula sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at isulat mo ang aking pangalan sa iyong Aklat ng Buhay. Isinusuko ko sa iyo ang lahat sa aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon upang ang iyong kalooban ang aking masunod. Amen.”/WDJ