
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Lagi kayong magpapasalamat sa Diyos na ating Ama, sa lahat ng bagay sa ating mga buhay, sa Pangalan Niyang Jesus…” (Efeso 5:20, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
ANONG MGA BIYAYA KUNG SA BAHAY LANG TAYO, DAHIL SA COVID-19? Sa bahay lang tayo. Ito ang lumilitaw na pinakamabisang paraan ng paglaban sa nananalasang Covid-19 sa bansa. Batay ito sa karanasan ng mga bansa na nauna ng nakaranas ng Covid-19. Yung mga tao na sa bahay lang nagtiyaga habang nananalasa ang sakit sa paligid nila ay hindi naapektuhan, samantalang yung mga lumabas at nakisalamuha sa iba ang siyang tinamaan.
Ano ang gagawin sa loob ng bahay? Marami. Maglinis at magkumpuni ng kung anu-ano sa bahay. Tumulong sa mga trabaho o mga gawain doon. Magbasa ng mga libro, mga magasin, o mga diyaryo. Magbasa ng Bibliya. Manalangin. Magpahinga. Matulog. Mag-ehersisyo. Magtanim sa mga paso ng mga gulay na puwede ng anihin matapos ang ilang araw. Makipag-usap sa mga mahal sa buhay, at alamin ang kanilang kalagayan.
Mag-aral, ke estudyante o hindi. Kung estudyante, ang pag-aaralan ay ang mga leksiyon na dapat ay itinuro sa mga araw na suspendido ang pasok. Kung hindi estudyante at may trabaho na, pag-aralan kung papaano magiging mas magiging mahusay sa trabaho. In short, maraming pakinabang kung gugustuhin nating makinabang, habang nasa loob tayo ng bahay. Pagpapala yun, sa totoo lang!
***
BIYAYA, MAAARING MAKAMTAM KAHIT SA MGA PROBLEMADONG SITWASYON: Noong ako ay bata pa, may nabasa akong nobela ng isang magaling na manunulat na Ingles, si Jeffrey Howard Archer, tungkol sa mga pangyayaring akala natin ay problema ang dala, pero biyaya pala ang resulta. Tungkol ito sa dalawang negosyante ng isang bansa na ang mga negosyo ay magkalaban. Sa isang pagkakataon, sabay silang lumabas ng kanilang bansa at tumungo sa ibang bansa dahil nais nilang palawakin ang kanilang mga negosyo.
Sa hindi ko na maaalaalang dahilan, na-lock down ang dalawang negosyante sa iisang hotel na pareho nilang tinutuluyan. Hindi sila makalabas ng kanilang hotel, at ni hindi nila makausap yung mga negosyante sa bansang iyon na dapat ay magiging kasosyo nila. Noong mga unang araw, sabay silang kumakain, pero magkahiwalay ng mesa, at ni hindi sila nagkikibuan, ganundin ang kanilang mga alalay. Pero, noong malaunan, dahil dumadami na ang mga tao sa hotel, natiyempuhang nagkaharap silang lahat sa iisang mesa.
Noong unang magkaharap sila, pareho silang nagsasalita kausap ang kani-kanilang mga alalay, pero hindi pa rin sila nagpapansinan. Pero, habang tumatagal na nasa hotel sila, natuto silang tumawa sa mga biro ng isa’t isa, na ikinatuwa ng kanilang mga alalay. Dahil wala naman silang magagawa, nag-umpisa silang mag-usap, at naging magkaibigan na sila. At doon sila nagpalitan ng kuro-kuro sa mga negosyo nila.
***
BUKSAN NATIN ANG ATING MGA MATA SA POSIBLENG BIYAYA SA ANUMANG PANGYAYARI: Sa pag-uusap ng dalawang negosyante na dati ay magka-away, nagbigayan sila ng mga tips kung papaano lalago ang kanilang mga negosyo. At nagkasundo pa sila na ang kanilang mga kompanya ay magtutulungan sa isa’t-isa tungo sa mas malalaking proyekto, pagbalik nila sa kanilang bansa. Isang araw, nawala na ang lockdown sa pinuntahan nilang lugar, kaya naman nagpasya silang uuwi na.
Sa paglabas nila ng kanilang hotel, nagulat ang mga taga-hotel dahil uuwi na sila. Sabi ng mga taga-hotel, bakit daw uuwi na sila samantalang puwede na silang gumala? Sabi ng dalawa, sabay kindat sa isa’t isa, hindi na nila kailangan ang negosyo sa bansang pinuntahan nila, dahil ang mga negosyo nilang dalawa ang pagtutuunan na lamang nila ng pansin. Ano ang aral dito, kaugnay ng pananatili sa bahay ng mga Pilipino habang may community quarantine dahil sa Covid-19?
Simple po. Sa lahat ng oras, sikapin nating buksan ang ating mga isip na may biyayang ibinibigay sa atin ang mga pangyayari, kahit na sa unang tingin natin ay problema ang ating kakaharapin. Matuto tayong magpasalamat sa lahat ng mga nagaganap sa ating mga buhay, at magtiwalang ang lahat ng ito ay bigay ng Diyos sa atin, at may dalang pagpapala. Anong malay natin, baka mas lalong mapatatag natin ang mga pamilya natin sa ating sapilitang pagsasama dahil sa Covid-19.
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: Panalangin upang di mawala ang Kristiyanismo sa Pilipinas: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang ibigay sa akin ang kaligtasan mula sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at isulat mo ang aking pangalan sa iyong Aklat ng Buhay. Isinusuko ko sa iyo ang lahat sa aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyo ng mas matinding talakayan kung ang iba pang paraan ng kaligtasan ng tao ayon sa pananaw ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 825 1308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ