INSPIRASYON SA BUHAY: “Kung makikinig kayo sa tinig ng Diyos at susunod sa Kaniyang mga utos…itatampok niya kayo sa lahat ng mga bansa. Mapapasainyo ang lahat ng mga pagpapalang ito kung makikinig lamang kayo sa tinig ng Diyos at susunod sa Kaniyang mga utos…” (Deuteronomio 28:1-2, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
GORDON MAY DAPAT LIWANAGIN: ANO YUNG P65-M NA FACE MASKS NA IPINADALA NG PNRC SA CHINA? May dapat ipaliwanag si Sen. Richard Gordon, ang kasalukuyang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee at chairman din ng Philippine National Red Cross (PNRC), sa isyu ng kawalan ng face masks matapos pumutok ang kumpirmasyon na naririto na nga sa Pilipinas ang nakamamatay na Ncorona virus.
Lumilitaw kasi na naglabas siya ng anunsiyo sa media kung saan sinabi niya na nagpadala siya, sa katayuan niya bilang PNRC chairman, sa Wuhan, China, ng face masks na nagkakahalaga ng halos P65 milyon bilang tugon sa ipinadala sa kaniyang “humanitarian request” upang may magamit ang mga mamamayan ng Wuhan.
Aba, teka lang Ginoong Senador Gordon. Bakit naman yung mga taga-Wuhan, China pa ang inuna ng Red Cross sa Pilipinas na mabigyan ng mga face masks gayong wala na ngang mabiling face masks ang mga Filipino dito sa ating bansa? Mas malaki ba ang ibabayad ng mga taga-Wuhan? Di ba halos nagpapatayan na nga ang ating mga kababayan sa pag-aagawan ng face masks upang may panlaban lamang sila sa Ncov?
***
DEAR ATTY BATAS: “Dear Atty. Batas, tungkol po ito sa pagpapadala ni Sen. Richard Gordon ng P65 milyong halaga ng face masks sa Wuhan, China. Nagkakagulo po ang mga kababayan natin kasi wala na silang mabiling face masks dito sa Pilipinas. Yun pala, naipadala na lahat sa China. May pananagutan ba si Gordon dito? Charlie Rivera, Kalaklan, Olongapo City.”
Charlie Rivera, salamat sa tanong na ito. Sa pag-aaral ng BATAS (Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHT (Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth), mukhang walang anumang pananagutang legal ang senador sa kaniyang pagpapadala ng face masks na nagkakahalaga ng P65 milyon sa Wuhan, China. Una, lumilitaw na hindi naman niya ginamit ang kaniyang posisyon sa gobyerno noong ginawa niya ito. Sa kaniyang pribadong posisyon bilang Red Cross chief siya kumilos pabor sa Wuhan. Dahil diyan, walang pinsala sa gobyerno ang kaniyang pagkilos.
Ganundin, perang pribado (pera ng PNRC) ang lumilitaw na ipinambili sa mga face masks na kaniyang ipinadala sa Wuhan. Walang pakialam kung ganoon ang gobyerno kung paano ito ginastos ni Gordon. Magkaganunman, may isyu ng malasakit sa bayan ang ginawa niyang ito. Mukha kasing mas pinahalagahan niya ang mga Chinese kaysa sa mga Pilipino. Bakit?
***
UNANG ANTAS NG KALIGTASAN, AYON SA AND KNK: Kasaganaan sa pera, katagumpayan sa lahat ng gagawin pati na sa mga kaaway, at kalusugan at kalakasan ng katawan ang ilan lamang sa mga aspeto ng tinatawag na “unang antas ng kaligtasan” kapag ang isang tao ay nagpasyang tanggapin at sampalatayaan si Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, at Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo.
Sa aral ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), ang mga tumanggap at sumampalataya kay Jesus ay nabibigyan ng kaligtasan mula sa mga kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa daigdig na ito, at ang kaligtasang ito ay tinatawag ng AND KNK na “unang antas ng kaligtasan.” Pero bukod sa kaligtasang ito, may dalawa pang ibang antas ng kaligtasan na ipinapaliwanag ng Bibliya na tatalakayin natin, God willing, sa mga susunod na kolum.
Magkaganunman, para sa ating layunin sa araw na ito, ipinapayo po namin na basahin ng lahat ang mga bersikulong ito para matiyak natin na tataggapin natin ang “unang antas ng kaligtasan”: Deuteronomio 8:17-18, at 28:1-14, Kawikaan 3:1-2, Isaias 40:31, Mateo 6:33, Mga Gawa 1:8, Roma 8:14. Subukan po nating gawing gabay ang mga bersikulong ito sa ating mga buhay at di po tayo mapapahiya. Salamat sa Diyos sa Ngalan Niyang Jesus, Amen!!!
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang ibigay sa akin ang kaligtasan mula sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at isulat mo ang aking pangalan sa iyong Aklat ng Buhay. Isinusuko ko sa iyo ang lahat sa aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyong magkaroon ng mas matinding kaalaman kung sino ang tunay na Diyos, tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 825 1308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ