Kasong kriminal at administratibo vs PNP official

Posted by watchmen
January 13, 2020
Posted in OPINION

INSPIRASYON SA BUHAY: “…Dahil dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Maglilihi ang isang dalaga at magsisilang ng isang sanggol na lalaki  at tatawagin sa pangalang Emmanuel…(ang) Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ana” (Isaias 7:14 at 9:6, Ang Tanging Daan Bibliya).

 

***

SAMPAHAN NG KASONG KRIMINAL AT ADMINISTRATIBO ANG PNP OFFICIAL: Ang tanong ko lang doon sa insidenteng kinuha ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang cell phone ng isang reporter na nangunguha ng video footage ng pananakal ng isang pulis sa isang deboto sa nakaraang Translacion ng itim na Nazareno ay simple: bakit ang tapang ng opisyal ng PNP sa nasabing reporter?

Ang sagot sa aking tingin ay simple din: mangmang yung opisyal ng PNP sa katotohanang ang kaniyang ginawa sa reporter ay di na lamang pakikialam sa trabaho ng media kundi graft and corruption sa ilalim ng Republic Act 3019, ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, na nagpaparusa ng pagkakakulong sa sinumang opisyales ng gobyerno na pipinsala sa sinumang mamamayan gamit ang kaniyang puwesto sa pamahalaan.

May pananagutang administratibo din ang pulis na maaaring magsuspindi o mag-alis sa kaniya sa trabaho. Ang aking panawagan ay simple din: sampahan agad ng reporter ng mga kasong kriminal at administrabo ang opisyal ng PNP, at huwag aaregluhin ang mga kasong ito upang magsilbing leksiyon sa iba pang mga pulis na aabuso sa mga kasapi ng media.

 

***

DEAR ATTY. BATAS: Sa kaso pa din ni “rheyzki nhardz” ukol sa ginawa niyang pag-awat ng dalawang babaeng nag-aaway na naging dahilan upang mabugbog pa siya ng mga kamag-anak ng isa sa mga babae, ipapanukala ko din na sampahan ni “rheyzki nhardz” ng kasong pananakit ang mga nambugbog sa kaniya, bagamat ang mga ito ay nauna ng nagkaso sa kanila.

Sa karanasan ng mga abogadong kasapi ng BATAS (o Buklod gn mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHT (o Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth), wala ng tatalo pa sa agarang pagsasampa ng kaso ng mga tao na napinsala dahil sa pagkilos ng ibang tao. Sa kasong isasampa, ipagpilitan dapat ng nagkakaso na lumutang ang katotohanan.

Ang isa sa maaaring mangyari kapag nagsampa ng sariling kaso ang tao na nasaktan pero naunang nasampahan ng kaso ay ang pagkakaroon ng areglo. Dahil may kaso din yung mga naunang nagkaso, hindi malayo na mag-alukan ang bawat isa sa kanila na kalimutan na lamang ang nakaraan at tapusin na ang mga usaping legal. Kailangang gawin nila yun upang huwag na silang magastusan pa ng todo.

 

***

ANG DIYOS AMA AY ISINILANG BILANG SANGGOL NA LALAKI SA MUNDO: Sa Isaias 7 at 9 ng Bibliya mababasa ang mga kumpirmasyon na ang Diyos mismo ang bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao na may laman at dugo at may nagpakilala na ang Kaniyang Pangalan ay Jesus. Sa Isaias 7:14 at 9:2 at 9:6, sinabi doon na ang Diyos mismo ang nagpahayag ng tanda ng Kaniyang pagdating sa daigdig, sa anyo ng sanggol na lalaki na ipinaglihi at isinilang ng birhen.

Sabi sa tatlong bersikulong ito, ang sanggol na lalaki na ipinaglihi at isinilang ng birheng walang asawa ay siyang ilaw na sumilay sa isang bayang matagal ng lumalakad sa kadiliman, na tatawaging “Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama.” Walang duda, ang Makapangyairhang Diyos, ang Walang Hanggang Ama, ay isisilang sa daigdig bilang sanggol ng isang tao, ang birhen.

Sa pagpapahayag ng Genesis 3:15 (at maging mga Mateo 1:18-25), ang “sanggol na lalaki” na Siyang Amang Diyos ay ang “binhi ng birhen” na dudurog sa “binhi ng sawa”, at, sa Kaniyang Pangalang Jesus, ay Siyang magliligtas sa tao mula sa mga parusa ng kanilang pagiging makasalanan. Walang duda kung ganoon na ang Diyos nga mismo ang bumaba bilang sanggol na anak ng tao, ng birheng dalaga, dito sa daigdig.

 

***

PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa upang tubusin ako sa parusa sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at akayin mo ako sa lahat ng sandali. Isinusuko ko sa iyo ang aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”

 

***

TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyong magkaroon ng mas matinding kaalaman kung papaanong sasainyo din ang Diyos, tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *