Nanay na masahol pa sa hayop

Posted by siteadmin
April 24, 2025

By MELANIO LAZO MAURICIO, JR. 

INSPIRASYON SA BUHAY. “Mabuti ang bunga ng mabuting puno, subalit masama ang bunga ng masamang puno. Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at hindi maaaring mamunga ng mabuti ang masamang puno.” (Si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo sa Mateo 7:17-18, Bibliya).

***

BABAENG NAGTAPON NG KASISILANG NIYANG SANGGOL, MASAHOL PA SA HAYOP. Anong klaseng babae kaya ‘yung nag-iwan noong Sabado ng umaga ng kanyang kapapanganak pa lamang na sanggol sa loob ng isang simbahan sa Dagupan City, sa Pangasinan?

Una, sigurado akong walang asawa ang nasabing babae.

Kasi kung meron, hindi papayag ang lalaki — ang ama ng sanggol — na basta na lamang itatapon sa kung saan ang kanilang anak.

Pangalawa, tiyak din na hindi tanggap ng pamilya ng babae ang kanyang naging pagbubuntis, kaya mas minatamis pa ng babae na itapon na lamang ang naging bunga ng kanyang pagtatampisaw sa makamundong sarap.

Pangatlo, maliwanag din na mas masahol pa sa mga hayop ang babae, kasi ang mga hayop na nagsisilang ng kanilang mga anak ay buong bangis na ipinagtatanggol ang kanilang nagiging mga supling.

Ano kaya ang nangyari at naging ganitong kasama ang babaeng ito?

Malamang sa hindi, lumaki ito sa isang pamilyang walang pagmamahalan at walang paggalang sa isa’t isa ang mga kasapi.

Lumaki itong bastos, walang modo, walang galang, at walang pag-ibig at takot sa Diyos at sa kanyang mga magulang.

Lumaki itong walang pagpapahalaga sa kanyang sarili, kaya’t balewala sa kanya ang laman ng kanyang laman at dugo ng kanyang dugo.

***

MARAMING KABATAAN ANG GALING SA MGA TAHANANG WASAK AT HIWALAY ANG MGA MAGULANG. Pero, teka mga kakampi sa batas. Hindi ba ganito na nga ang kinalakihang kapaligiran ng napakaraming mga kabataang Pilipino?

Hindi ba marami na sa mga kabataang Pilipino ang produkto ng mga magulang na hiwalay sa isa’t isa sa iba’t ibang kadahilanan, ng mga tahanang wasak at ng mga magulang na wala ding pakialam hindi lamang sa isa’t isa kundi maging sa kanilang mga anak?

Eh, kung ganoon na din ang nangyayari sa maraming batang Pilipino, hindi malayong magkakaroon din ng marami pang ibang mga babaeng magtatapon din ng kanilang mga sanggol kahit na mga bagong silang pa lamang ang mga anak na ito?

Hindi din malayong maraming mga kabataang Pilipino ang magiging hiwalay sa kanilang mga asawa pagtanda nila, o ‘di kaya ay wasak din ang mga pamilyang itatayo nila?

Matagal ko nang sinasabi ito dito sa Kakampi Mo Ang Batas: Sa sandaling ang mga nanay at tatay ay hindi gaganap ng kanilang mga tungkulin bilang mga mapagmahal at maarugang mga magulang, o ‘di kaya ay makikipaghiwalay sa kanilang mga asawa, nagkakaroon na din ng sumpa ang kanilang mga anak.

Tiyak, magiging wasak din ang tahanan at pamilya ng mga anak ng ganitong mga magulang, at tiyak na hiwalayan din ang tutunguhin ng mga anak na ito sa kanilang sariling mga asawa.

***

PAGPAPATIGIL SA SUMPA NG HIWALAYAN O WASAK NA TAHANAN. Papaano matatapos ang sumpa ng hiwalayan o pagkawasak ng tahanan ng mga batang ang mga magulang ay naghiwalay, o ang mga tahanan ay nawasak sa anumang kadahilanan?

Mabigat ang tanong na ito kasi, sabi ng Aklat ng Kasulatan, ang anumang pagkakasala ng mga magulang ay sinisingil sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ika-apat na salinlahi.

Kung tutuusin, ang sinasabing ito ng kautusan ay nakakagimbal: Wala ng katapusan ang sumpa sa magiging mga kaapu-apuhan ng mga magulang na naghiwalay o nagpahintulot na mawasak ang kanilang tahanan, sapagkat tuloy-tuloy na ang pananalasa ng sumpa sa kanilang lahat.

Pero, may paraan, bagamat medyo maselan.

Matatapos lamang ang sumpa ng paghihiwalay kung ang mga magulang at ang mga anak ay matututong bumalik nang totohanan sa Diyos.

Paano ba babalik ng totohanan ang mga tao sa Diyos?

Kailangan nilang pagsisihan ang kanilang mga naging kasalanan, at pagkatapos ay magpabautismo sila sa Pangalan ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, na Siyang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo.

Pagkatapos, kailangang alamin at itatak sa kanilang mga isip at puso, at sundin ng puspusan, ang mga utos ng Diyos na nakasulat sa Bibliya.

‘Pag ito ang ginawa nila, muling bababa sa kanila ang Espiritu ng Diyos na Siyang wawasak sa sumpa.

***

REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.

***

MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.

MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *