Bakit marami ang ‘di lubos ang tiwala sa mga hukuman?

Posted by siteadmin
April 3, 2025

By MELANIO LAZO MAURICIO, JR.

INSPIRASYON SA BUHAY. “Pairalin ninyo ang katarungan sa mga hukuman…” (Amos 5:15, Bibliya).

***

BAKIT MARAMI ANG ‘DI LUBOS NA NAGTITIWALA SA SISTEMA NG KATARUNGAN SA PILIPINAS? Bakit marami ang ‘di lubos na nagtitiwala sa mga hukuman sa bansa at sa sistema ng katarungang umiiral sa Pilipinas sa ngayon?

Kasi, ang mga tao, ang mga buhay, ari-arian, at mga karapatan na nakataya sa mga kaso ay kadalasang hindi nakakaunawa kung ano ang nangyayari sa kanilang mga kaso kahit na sila ay regular na dumadalo sa mga paglilitis.

Ito ang pahayag na ginawa ni Court of Appeals Associate Justice Maria Filomena D. Singh sa kanyang lecture sa Mandatory Continuing Legal Education Program ng Korte Suprema sa University of the Philippines-Law Center sa Diliman, Quezon City noong nakaraang linggo.

Tinalakay ni Justice Singh — isa sa mga pinakabatang mahistrado sa Court of Appeals sa ngayon — ang “legal writing,” o estilo ng pagsusulat sa mga papeles na isinusumite sa mga kaso sa mga hukuman.

Ayon sa kanya, kailangang pagbutihin ng mga abogado ang mga pagpapahayag nila sa mga papeles na ipinararating nila sa mga hukom at mga mahistrado upang magkaroon ng laban ang kanilang mga kliyente.

***

DAHILAN NG DUDA SA MGA HUKUMAN. Ang mabigat na dahilan kaya hindi nauunawaan ng mga taong may mga kaso sa mga hukuman sa bansa kung ano ang nangyayari sa kanilang mga usapin ay ang paggamit ng Ingles sa mga paglilitis, partikular sa mga talakayan sa mga hukuman sa pagitan ng hukom at ng mga abogado, ayon kay Court of Appeals Associate Justice Maria Filomena D. Singh.

Kaya may bahid-duda ang mga taong may kaso sa proseso ng katarungan sa Pilipinas kasi hindi nila nauunawaan kung ano ang nangyayari, dagdag ni Justice Singh.

Ang kawalan ng kaunawaan ng mga tao sa kung ano ang nangyayari ay nagmumula naman, sabi ng mahistrado, sa kawalan nila ng kasanayan o kaalaman sa wikang Ingles.

Marapat lamang na bigyang-pansin ang suliraning ito ng Korte Suprema, pahayag pa ni Justice Singh.

Sabi niya, matutugunan ang problemang ito sa pamamagitan ng puspusang paggamit ng wikang Pilipino sa mga talakayan sa hukuman at maging sa mga papeles na isinusumite sa mga kaso.

***

MGA NANGYAYARI SA MGA KASO, KAILANGANG IPALIWANAG SA MGA LITIGANTE. Noong si Justice Singh ay hukom pa lamang sa Regional Trial Court sa Quezon City, nag-utos siya sa kanyang sheriff na gumawa ng parang exit survey sa mga may kasong katatapos lamang dumalo sa paglilitis sa husgado.

Sa exit survey, isa lang ang tanong ng sheriff: “Ano ang nangyari sa hearing niyo ngayon?”

Sa lahat halos ng mga natanong, iisa din ang sagot: “Hindi namin alam kung ano ang nangyari. Basta ang sabi sa amin, babalik na lamang kami sa susunod na itinakdang hearing.”

Nakakalungkot ito, sabi ni Justice Singh, dahil bukas naman ang paglilitis at walang pagbabawal dumalo ang mga partido sa kaso.

Kung maipapaunawa lamang sa mga nagtutunggali sa kaso kung ano ang nangyayari sa hearing nila, o sa tinatakbo ng kanilang mga usapin, mapapalakas ang tiwala nila sa mga hukom at sa mga hukuman, at mababawasan ang mga batikos at puna ukol sa naging pagpapasya ng mga hukom o mga mahistrado.

***

REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.

***

MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.

MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *