
By MELANIO LAZO MAURICIO, JR.
INSPIRASYON SA BUHAY. “Kung makikinig lamang kayo sa tinig ng Diyos … at susunod sa Kanyang mga utos … mapapasainyo ang lahat ng mga pagpapalang ito…” (Deuteronomio 28:1-2, Bibliya).
***
PAGPAPALAGANAP NG SALITA NG DIYOS, GAWAIN NG MGA ANAK NG DIYOS KADUGO NI KRISTO. Salamat sa Diyos sa Ngalan ni Jesus.
Nagpapatuloy po tayo sa pagtalakay sa mga gawain ng mga Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo upang maging lalong matatag ang pagpapalaganap ng Salita ng Diyos sa iba’t ibang dako tungo sa kaligtasan ng mas maraming kaluluwa.
Tunghayan po natin ang sinasabi ng Bibliya, sa aklat ng Hagai.
Basahin po muna natin ang buong aklat.
Dito po ay makikita natin ang pagpapahayag ng Diyos ng kanyang galit sa mga mananampalataya na inuuna ang pagpapaganda ng kanilang mga bahay, ngunit hinahayaang wasak naman ang Templo ng Diyos.
Dahil inuuna ng mga tao ang kanilang mga personal na kabutihan, nagalit ang Diyos, kaya’t sinalanta niya ang kanilang mga ani, ang kanilang kita at ang kanilang buong buhay.
Sa mga kahirapang inabot ng tao, natakot ang mga ito sa Diyos, kaya’t muli silang sumunod sa kanyang mga utos, lalo na ang pagsasaayos at pagpapabuti ng kanyang templo.
***
KUNG UUNAHIN NATIN ANG ATING MGA SARILI, ‘DI TAYO PAGPAPALAIN NG DIYOS. Dahil diyan, muli silang pinagpala at pinatnubayan sa kanilang mga buhay.
Sa kasalukuyan, nagpapakita din ng galit ang Diyos sa atin dahil inuuna natin ang ating mga sariling interest.
Bagamat tayo ay nagsasabing mga Kristiyanong mananampalataya na, nananatili tayong salat, mahirap at magulo ang buhay.
Bakit nangyayari ito?
Dahil nga pinababayaan natin ang gawain ng Diyos.
Dahil nga inuuna natin ang ating mga bahay, buhay at sarili.
Sabi nga ng Panginoong Jesus sa Lucas 14:26, hindi maaaring maging alagad Niya ang mga inuuna ang sarili at pamilya.
May hamon ang Diyos sa Malakias 3:10: Subukan nating dalhin nang buo ang ating mga ikapu at mga handog sa Kanyang mga templo upang magampanan ang mga gawain ng Diyos, at bubuksan Niya ang bintana ng langit upang ibuhos Niya sa atin ang biyayang walang katulad.
***
AND KNK, NAGSUSULONG NG PUSPUSANG PAGTUPAD SA MGA GAWAIN NG DIYOS. Ito ang dahilan kung bakit isinusulong ng AND KNK, o ang Simbahang Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo sa ngayon, ang dalawang paghahandog bawat pagtitipon, sa lahat ng sangay.
Ang unang handog ay tutugon sa pangangailangan ng Sentral ng Simbahan at ng mga sangay nito.
Tinutugon din ng unang handog ang pangangailangan ng mga pastor at pastora sa paghahayo sa mga sangay at sa ibang mga lugar upang ipahayag ang Salita ng Diyos.
Magpasakop tayo sa Diyos sa gawaing ito, upang maging ganap ang ating paglilingkod.
Sa pagganap natin ng ating mga gawain sa Diyos, makikita na lamang nating bumababa na ang mga pagpapala, paggabay at proteksyon ng Diyos sa ating mga sarili at sa ating mga mahal sa buhay.
Subukan natin ito, at patunayan natin ang katotohanan ng mga pangako ng Diyos.
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ