Bakit ba napakainit na ngayon?

Posted by siteadmin
March 20, 2025

By MELANIO LAZO MAURICIO, JR. 

INSPIRASYON SA BUHAY. “Kung ‘di mananatili sa akin ang sinuman, matutulad siya sa isang sanga na pinuputol at natutuyo; sila ay pupulutin, itatapon sa apoy at susunugin.” (Si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, sa Juan 15:6, Bibliya).

***

BAKIT BA NAPAKAINIT NA ANG PANAHON SA NGAYON? Bakit kaya tila sa mga panahon ngayon ay napakainit na ng araw, at para bagang handa na nitong silaban at sunugin ang daigdig, ang kalangitan sa itaas nito, at ang lahat ng nakapaligid at nandodoon?

Tuwing hapon na ako ay naglalakad nang mabilis bilang ehersisyo sa paligid ng Teachers Village, Quezon City, lagi kong napapansin kung papaanong kahit na ang papalubog na araw sa kanlurang kalangitan ay tila ba nagngangalit sa init.

Ito ay isang kamangha-manghang tanawing nagpapakita sa araw bilang isang napakalaking bolang apoy — hindi na ito ang dating ginintuan at malumanay na araw noong aking kabataan, kundi isang nagbabaga na apoy na araw, ngayong ako ay isang senior citizen, sa pagpapala at awa ng Panginoon.

May dahilan ang lahat ng ito, lalo na at ang mga tagapagtaya ng panahon, Pilipino man o banyaga, ay nagsasabing asahan na natin ang mas mainit pang mga araw.

***

ARAW, NAGBABAGANG BOLA NG APOY. Nag-uunahan ang mga siyentipiko at pantas sa siyensya sa pagsasabing ito ay dahil sa global warming at climate change na nananalasa sa buong mundo.

Kaya? ‘Di ba ang nakakapasong init ng araw, at ang pagmimistulang bola ng naglalagablab na apoy nito, ay maliwanag na ‘di nag-uugat sa anumang nangyayari sa daigdig ngayon, kasama na nga ang global warming at climate change?

Oo nga at sobrang init na ng mundo ngayon at ang klima ay nagiging masahol sa pagdaraan ng mga araw dahil sa pagka-ubos ng deposito ng langis sa iba’t ibang dako o dahil sa pagkawala na ng mga kagubatan, at dahil marumi na ang mga ilog at tubigan sa bawat lugar.

Pero wala sa mga ito, bagamat nakakapinsala ng malaki sa daigdig, ang may kakayahang maka-apekto sa araw upang lalo itong maging mainit.

Kung umiinit man nang husto ang araw sa ngayon at tila handa na nitong sunugin ang lahat ng nakapaligid sa kanya na mga planeta kasama na ang daigdig, ito ay dahil sa nangyayari sa kanya mismo, na siyang dahilan kung bakit mas matindi ang init nito ngayon, at maaaring maging dahilan upang ang apoy nito ay lumundag at tumupok sa lahat ng umiikot na planeta.

Ano kaya ito?

***

KALANGITAN, SISIRAIN NG APOY. Walang makakapagsabi kung ano ito dahil nananatili itong misteryo maging sa siyensya man mismo.

Pero may sinasabi ang Bibliya bilang Salita ng Diyos.

Una, sa 2 Pedro 3:10-12, sinasabi doong darating ang araw kung saan susunugin ang daigdig, ang mga bituin at ang langit at ang lahat ng makikita doon.

Sabi: “Darating ang araw na iyon at siyang tutupok sa kalangitan …”

Sa Malakias 4:1 (o 3:19 para ibang bersyon ng Bibliya), mababasa natin ang halos kaparehong sinasabi — na darating ang araw ng Diyos at naglalaglab tulad ng pugon.

Para sa kabatiran ng lahat, ito ang sinasabi dito: “Tunay nga paparating na ang araw: Nag-aapoy itong tulad ng pugon …”

Ngayon, saan manggagaling ang apoy na tulad ng isang hurno na tutupok sa lahat ng nasa kalangitan sa araw ng Panginoon?

Mula sa araw? O mula sa iba pa?

Ang mga babala ba ng pagkasunog ng lahat mula sa 2 Pedro at Malakias ay matutupad sa ating solar system?

Ano sa palagay ninyo?

***

REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.

***

MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.

MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *