
By MELANIO LAZO MAURICIO, JR.
INSPIRASYON SA BUHAY. “At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay pupunta sa buhay na walang hanggan.” (Si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, sa Mateo 25:45-46, Bibliya).
****
DUMAMI ANG PINOY NA HINDI NA MAHIRAP? KALOKOHAN! Kontrobersyal at malaking kalokohan ang sinasabing survey results ng Social Weather Stations (SWS) ukol sa mga Pilipinong diumano ay nagsabing hindi na sila mahirap.
Una, wala namang ginamit na batayan ang SWS upang maunawaan ng publiko kung sino ang mga hindi na mahirap at ‘yung mga mahirap pa din.
Basta ang sabi lang nito, 58.2 porsyento ng mga pamilyang Pilipino ang nagsasabing hindi na sila mahirap.
Aba’y sandali lang, SWS. Sino ba ang mahirap? Sino ba ang hindi na mahirap?
Ano ang sukatang ginamit ninyo upang sabihin kung sino ang mahirap at kung sino ang hindi na mahirap?
Kung marami ang mga Pilipino ang hindi na mahirap, bakit marami pa din ang nakatira sa mga squatter areas?
Bakit marami pa din ang walang sariling mga bahay, at bakit ‘yung mga may tirahan ay nalilimahid pa din ang kanilang mga tirahan, at hirap pa din silang kumain ng tatlong beses sa isang araw?
Bakit marami pa din ang nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot o nagwe-jueteng o sangkot sa iba’t ibang krimen upang sila ay kumita?
***
BUWANG SAHOD NG PINOY NASA P842 LAMANG. Sa isang website sa Internet (https://tradingeconomics.com/philippines/wages), nakalagay doon na ang pangkalahatang sahod ng isang manggagawang Pilipino noong 2015 (na siya ding pangkalahatang sahod sa 2018) ay P10,113 sa isang taon.
Kung susumahin natin kung magkano ang buwanang sahod ng ganitong manggagawa, ang lilitaw na halaga ay P842.75 lamang.
Sa totoo lang, ‘yang ganyang buwang sahod ay maituturing na sobrang pangmahirap na.
Wala nang mabibili pa ‘yang P842.75 na sahod.
Kung nangungupahan pa ng tirahan ‘yung manggagawa, at may dalawang anak, papaano sasabihin ng SWS na hindi na mahirap ang ganitong mga Pilipino?
Wala naman tayong problema kung magpahayag ang SWS o ang kahit na sino pa mang ibang ahensya na dumami na ang mga Pilipino na nagsabing hindi na sila mahirap, basta ‘yun ay totoo lamang.
Kung sakali man na ang mga natanong ng survey ay ‘yung medyo maganda na ang sahod, okay lang ‘yun, pero insulto ‘yan sa mas nakararaming isang kahig, isang tuka pa din hanggang ngayon.
***
MGA GANID NA MAYAYAMAN, MGA PILIPINONG NAGHIHIRAP. Marami ang magsasabing kasalanan na din ng mga Pilipino kung bakit sila mahirap.
Maraming mga dahilan ang kanilang magagamit upang depensahan ang pananaw nilang ito.
At maaaring may tama din naman sila.
Pero, sa totoo lang, ang tunay na dahilan ng kahirapan ay ‘yung pagkaganid ng mga mayayaman at makapangyarihan.
Kinokontrol ng mga mayayaman ang mga malalaking negosyo sa bansa, na karamihan ay kumitil na sa mga kalakal ng mga maliliit na Pilipino.
Ang masakit dito, ayaw ng mga mayayamang ito na maging bukas sa pagbabahagi ng yaman ng bansa sa kanilang mga kababayan.
Ang masasabi ko lamang sa mga mayayamang ito ay simple: Ano ang mapapala ng taong nakamtan man niya ang mundo kung mapapariwara naman ang kanyang kaluluwa?
Kung sila ay naniniwala din lamang sa Diyos, huwag kalilimutan ng mga mayayamang ito na sa wakas ng panahon, silang mga hindi tumulong sa mga mahihirap ay itatapon sa apoy at uod ng impyerno, kasama ng kanilang mga anak hanggang sa ika-apat na salinlahi.
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ