Mga Chinoys ang namamayagpag sa yaman at pulitika sa RP

Posted by siteadmin
February 27, 2025

By MELANIO MAURICIO JR.

INSPIRASYON SA BUHAY. “Ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo ay aangat sa kanilang mga kabuhayan, samantalang kayo ay mahihirapan. Sila ang magpapautang sa inyo, hindi kayo magpapautang sa kanila. Sila ang inyong magiging pinuno sa inyong sariling bayan, at tagasunod lamang nila kayo …” (Deuteronomio 28:43-44, Ang Tanging Daan Bibliya).

***

MGA CHINOYS ANG NAMAMAYAGPAG SA YAMAN AT PULITIKA SA RP. Okay naman ang panawagan ng dating Pangulong Duterte na palakasin pa ng mga Pilipino ang kanilang ugnayan sa mga Chinese sa buong mundo. Kasi naman, ang mga Chinese ang isa sa mga pinakamadaming tao sa daigdig, at gustuhin man ng mga Pilipino o hindi, tiyak na makakasalamuha nila ang mga ito sa Pilipinas man o sa ibang bansa.

Kung tutuusin, sa ating bansa sa ngayon, ang mga Chinese na ang namamayagpag sa yaman at kapangyarihan. Napag-iwanan na nila ang milyon-milyong mga Pilipino na nananatiling hikahos at salat sa yaman sa kabila na sila, ang mga Pilipino, ang mga katutubo sa kanilang bayan. Kamangha-mangha pero, hindi maitatanggi, ang mga Chinese na ang mga bilyonaryo sa Pilipinas, at marami pa sa kanila ang namuno at namumuno pa sa iba’t ibang sangay ng gobyerno.

***

DAHILAN KAYA UMANGAT ANG MGA CHINESE SA PILIPINAS. Bakit nagkaganito? Marami ang dahilang sasabihin ang mga “matatalino,” pero may paliwanag ang Bibliya ng mga Kristiyano ukol dito. Sabi sa Bibliya sa Deuteronomio 28:15 at 43-44, ang mga dayuhang nakikipamayan sa isang bayan ay uunlad nang uunlad ang kabuhayan, samantalang maghihirap at maghihirap naman ang mga katutubo. Ang mga dayuhan ang magpapautang sa mga katutubo, at sila ang magiging mga pinuno at tagasunod lamang ang mga katutubo.

Ano ang dahilan sa pag-angat na ito ng mga dayuhan sa isang bayan, gaya ng pag-angat ng mga Chinese sa Pilipinas? Sabi ng mga bersikulong ito ng Bibliya, hindi na kasi nakikinig at hindi na sumusunod ang mga katutubo sa mga utos ng Diyos. Ang pag-unlad at pamumuno ng mga dayuhan sa sariling bayan ng mga katutubo ay sumpa ng Diyos dahil sa pagtalikod sa Kanya ng mga katutubo. Gets niyo?

***

DEAR ATTY. BATAS. “Hello Atty. Pwede po ba akong magtanong at humingi sa inyo ng payo? Limitado po kasi ang kaalaman ko tungkol sa batas at sa proseso sa korte. Salamat po. Kevin Paul TD.”

Kevin Paul TD, salamat sa iyong tanong na ipinadala sa aking Facebook page na “Atty. Batas Mauricio.” Sa ilalim po ng mga grupong BATAS (o Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHT (o Lawyers Instructed on Godliness, Humility and Truth), okay sa amin na magtanong ang kahit na sinuman, ke may alam o wala sa batas at sa mga proseso sa korte. Nakahanda po kaming magbigay ng libreng payong legal sa lahat ng sandali. Salamat po.

***

SINABI NI JESUS NA SIYA ANG DIYOS. Sa kwento ng pagpapahayag ni Jesus sa Juan 10:30 ng Bibliya at sa reaksyon naman ng mga Judio sa pahayag Niyang Siya at ang Ama ay iisa, pinagtangkaang patayin sa pamamagitan ng pagpukol ng bato si Jesus. Ang kanilang dahilan kaya nais nila Siyang patayin? Dahil Siya na tao lamang, ayon sa kanila, ay ipinapantay Niya ang Kanyang sarili sa Diyos.

Ayon sa mga Judio (sa kwento sa Juan 10:31, 32 at 33), pagpalapastangan sa Diyos ang pagpapahayag ni Jesus na Siya at ang Ama ay iisa. Sa pananampalataya kasi nila, si Jesus ay tao lamang. Pero ang paniniwalang ito ay balintuna, kasi nga si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo, na pinatunayan na natin dito sa mga bersikulong natalakay na natin sa mga nakaraang araw.

Magkaganunman, ang kahalagahan ng kwento sa Juan 10:30-33 ay nasa pagkilala ng mga Judio na nagpahayag sa kanila si Jesus na Siya ang Diyos. Ang mga bersikulong ito ay nagpapatunay na nagsabi si Jesus na Siya ang Diyos, dahilan upang pagtangkaan Siyang patayin ng mga Judio. Patunay ang mga bersikulong ito na si Jesus mismo ay nagsabi na Siya ang Diyos, kaya naman tunay na dapat natin Siyang tanggapin na Siya ang Diyos.

***

PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK AT ESPIRITU SANTO. “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatayaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang tubusin ako sa parusa sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at akayin mo ako sa lahat ng sandali. Isinusuko ko sa iyo ang aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”

***

REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.

***

MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.

MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *