
By MELANIO MAURICIO JR.
INSPIRASYON SA BUHAY. “Makatarungan ang Diyos … Kanyang parurusahan ang mga ‘di kumikilala sa Kanya, at hindi sumusunod sa mga kautusan ni Jesus, sa walang hanggang pagkawasak, at aalisin ang mga ito sa harapan ng Diyos at sa Kanyang kapangyarihan …” (1 Tesalonica 1:6-9, Bibliya).
***
HINDI LAMANG MAPAGMAHAL O MAPAGPATAWAD ANG DIYOS; SIYA AY MAKATARUNGAN DIN. Tama bang sabihin na ang Diyos na may lalang ng langit at lupa ay mapagmahal at mapagpatawad lamang na hindi kumikilala sa mga pagkakasala, pagmamalabis o pagkukulang ng isang tao?
Ang sagot po ay “hindi lamang mapagmahal at hindi lamang mapagpatawad ang Diyos.”
Siya ay makatarungan din. Kung ano ang Kanyang sinabi o ipinag-utos, iyon ay Kanyang gagawin.
Dahil sa Kanyang pagiging makatarungan, hindi pahihintulutan ng Diyos na mabali o mabalintuna ang Kanyang mga kautusan.
Maliwanag na ang lahat ng tao, naniniwala man sila o hindi, ay kailangang sumunod sa Diyos at sa Kanyang mga utos.
Kung hindi susunod ang mga tao sa mga utos ng Diyos, ang mga parusang itinakda Niya noong unang panahon pa lamang ay tiyak na magaganap.
Kahit mahal na mahal Niya ang mga tao na siyang dahilan kaya Siya mismo ang bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa at tinanggap Niya ang parusang nakalaan sa kanila, pahihintulutan pa din ng Diyos na matupad ang mga parusang itinakda Niya para sa kanilang pagsuway.
***
HALIMBAWA NG “KATARUNGAN” NG DIYOS. Ang isang magandang halimbawa ng pagiging makatarungan ng Diyos bagamat labis ang Kanyang pag-ibig sa sanlibutan ay ang mga sakit at karamdamang dumadapo pa din sa mga taong mahal Niya, pero sumusuway pa din naman sa Kanyang mga utos sa pagkain at pag-inom.
Ganito ‘yun eh! Ang mga taong sobrang kumakain ng taba ng karne, ng kolesterol, o ng asin at asukal, o ‘yung hindi kumakain ng gulay o ng isda, bagamat araw-araw nagsisimba o araw-araw nagbubulay-bulay ng Bibiya o lagi ng nananalangin, ay tiyak pa ding magkakasakit at, kung ‘di magagamot agad, mamamatay.
Sa kabilang dako, ‘yung mga hindi kumakain ng karne, ng kolesterol, o ng asin at asukal, at mga gulay at isda lamang ang kinakain araw-araw, ay tiyak na magkakaroon ng magandang kalusugan, bagamat maaaring hindi sila naniniwala sa Diyos, o hindi sila sumusunod sa Kanyang mga utos.
***
BAGONG ANYO NG PAGIGING MAKATARUNGAN NG DIYOS. Ang pagiging makatarungan ng Diyos ay Kanyang itinatag sa pamamagitan ng mga kautusang Kanyang ibinaba sa daigdig.
Noong una, ang mga taong sumusunod at tumutupad sa Kanyang mga utos ay tumatanggap ng Kanyang mga pagpapala, kasama na ang katiyakan ng pagtungo sa paraiso sa buhay na walang hanggan.
Ang mga sumusuway naman ay tumatanggap ng Kanyang mga sumpa, at kasama dito ang sumpa ng uod at apoy sa impyerno.
Sa kasalukuyang panahon, iniba na ng Diyos ang anyo ng Kanyang pagiging makatarungan, partikular sa isyu ng paraiso at impyerno.
Paraiso ang tutunguhan ng tao kung siya ay tatanggap at mananampalataya kay Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak at Espiritu Santo.
Impyerno naman ang kanyang tungo kung hindi siya tatanggap at mananampalataya kay Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak at Espiritu Santo.
Ang lahat ng ito ay makikita sa Bibliya.
Kaya mahalagang magbasa at umunawa sa mga sinasabi ng Bibliya upang maintindihan natin ang Diyos ay ‘di lamang mapagmahal at mapagpatawad, kundi tunay na makatarungan din.
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ