By MELANIO MAURICIO JR.
INSPIRASYON SA BUHAY. “Ang mga tuntunin ni Yahweh’y mapagkakatiwalaan, nagbibigay ng talino sa payak na isipan …” (Mga Kawikaan 19:7, Bibliya).
***
SINO SI PEDRO BUCANEG? Ito ang tanong na umusbong sa aking isip habang naghahanap ako noong Marso 16, 2019 para sa isusulat kong kolum para sa araw na ito. Sa X kasi, nakita ko ang litrato ng mga national artists ng Pilipinas na hawak-hawak ang mga kopya ng librong sinulat ng isa pang national artist, si G. Virgilio Almario, at inilunsad sa UP Diliman, Quezon City noong ding Marso 16.
Ang librong sinulat ni G. Almario ay pinamagatang “Bakit Kailangan Natin si Pedro Bucaneg?” Kaya naman pumasok sa isip ko ang tanong na unang nabasa ninyo sa kolum na ito: Sino si Pedro Bucaneg? At bakit nga ba sumulat ang isang higante sa literaturang Pilipino na ang pangalan ay Virgilio Almario, ng aklat na itinampok ang tanong “Bakit kailangan natin si Pedro Bucaneg?”
Hindi pa ako nakakakuha ng kopya ng aklat na iyon, kaya’t hindi ko mailalahad dito ang naging sagot ni G. Almario. Pero, nagsaliksik ako at nakita ko na si Bucaneg pala ay isang dakilang manlilikha ng mga tula sa wikang Ilocano, bagama’t siya ay bulag mula sa kanyang pagkabata. Siya ang may gawa sa isa sa dalawang kwento na itinuring na “folk epic” o matalinghagang kasaysayan ng isang bayani na ang pamagat ay “Buhay ni Lam-ang,” na inilimbag noong panahon pa ng mga Kastila sa Pilipinas.
***
“BAKIT KAILANGAN NATIN SI PEDRO BUCANEG?” Sa aking tingin, mahalaga ang papel ni Bucaneg sa buong kasaysayan ng Pilipinas, hindi na lamang sa kasaysayan ng literatura sa ating bansa. Ipinapakita ng buhay ni Bucaneg ang kagalingan ng kulturang Pilipino, partikular sa mga nalikhang mga tula, awit o kwento, bago pa man dumating ang mananakop sa bansa, gaya ng mga Espanol.
Pinatutunayan ni Bucaneg na mayaman na ang kulturang Pilipino bago pa man sinakop ang Pilipinas ng mga Kastila, ng mga Amerikano at ng mga Hapon. Pinatutunayan ni Bucaneg na may anking talino na ang marami sa ating katutubong lahi; na hindi nagkaroon ng unawa at galing ang ating mga kababayan dahil lamang sa impluwensya ng mga sumakop at umalipin sa atin.
Sa madaling salita, pinatunayan ni Bucaneg na sibilisado na ang mga katutubong natagpuan ng mga mananakop sa Pilipinas noong unang dumating sila sa ating bansa. At dahil sibilisado na ang mga Pilipino bago pa man pumasok dito ang mga dayuhang mananakop, hindi makatwiran at hindi makatotohanang sinasabi na “nadiskubre” lamang tayo sa pagkilos ng mga dayuhan.
***
LAHING PILIPINO DAKILA NA BAGO PA ITO SINAKOP NG MGA DAYUHAN. Kung titingnan natin ang kwento ng “Buhay ni Lam-ang,” mauunawaan natin na ang lahing Pilipino pala ay bumubukal na sa kanilang mga puso. Kahit na nasa mga murang edad pa lamang sila, ang pagmamahal sa mga magulang at ang katapangan at katalinuhan upang mapagtagumpayan ang mga kalaban noong unang panahon pa lamang.
Makikita din sa kwentong iyon ni Lam-ang, ang bayaning Ilocano, ang pagkakaroon ng hawig ng kwento ng bayaning ito sa ilang mga kwento sa Bibliya na sinasabing ipinasok lamang sa Pilipinas ng mga Kastila — lalo na sa kwento ni Moses, na ipina-anod ng kanyang mga magulang sa ilog kung saan ito natagpuan ng prinsesa ng Egipto at inaring anak.
Sa lahat ng ito, lumilitaw na kailangan ng kasalukuyang mga Pilipino si Bucaneg at ang kanyang mga nilikhang kwento, na sinasabing idinikta niya dahil siya nga ay bulag, upang makilala natin at maibalik sa ating mga sarili ang tiwala sa sarili nating kakayahan at kagalingan, na ang mga Pilipino pala ay tunay na isang dakilang lahi noon pa man, na ang kadakilaan ay winasak ng mga dayuhan.
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ