By MELANIO MAURICIO JR.
INSPIRASYON SA BUHAY. “Huwag ninyong kaliligtaang basahin ang Aklat ng Kautusan at pagbulay-bulayan ito araw at gabi. Tuparin ninyo ng buong ingat ang lahat ng nakasaad doon sa lahat ng sandali, at kayo ay giginhawa at magtatagumpay sa inyong mga buhay.” (Josue 1:8, Bibliya).
***
BAKIT MARAMI PA DING MGA NALOLOKO NG MGA SCAMMERS SA PILIPINAS? Ayon sa dakilang bayani ng lahing Pilipino, si Dr. Jose Rizal, walang makakapanloko kung walang magpapaloko. So, kung susundin lamang ng mga Pilipino si Rizal, walang sinuman sa kanila ang matatangayan ng pera ang mga manloloko.
Sa mga naiuulat ngayon na daan-daang milyong piso (P50 bilyon ang sinasabing nakuha noong isang grupo mula sa Mindanao) ang naitatakbo ng mga mapanlinlang na tao o mga grupo, ‘di natin maiwasang maitanong: Bakit marami pa ding mga scammers ang patuloy na nakakakuha ng malalaking halaga ng pera mula sa ating mga kababayan?
Dalawa ang nakikita kong dahilan. Una, wala naman kasing tunay na mapapaglagakan ang mga Pilipino ng kanilang mga pera para kumita sila ng malaki-laki, sa mas madaliang panahon. Pangalawa, hindi naturuan ang marami sa ating mga kababayan ng kabutihang-loob at kagandahang asal, at ng takot at pag-ibig sa Diyos, kaya’t madali silang nabibiktima o naloloko ng mga masasamang loob.
***
NADADAIG NG PAGKA-GAHAMAN ANG MARAMING PILIPINO. Madali lang namang unawain ang sistema ng panlolokong ginagawa ng mga tao at grupong ang nais ay makuha ang perang napag-ipunan ng mga kababayan natin buhat sa kanilang pawis, dugo at pagkatao. Alam ng mga manloloko na maraming mga Pilipino na may itinatagong pera ang madaling masilaw sa kinang ng mas marami pang salapi.
Ibig sabihin, alam ng mga manloloko, o ng mga scammers, na madaling bingwitin ang ating mga kababayan sa pangakong kikita ng malaki ang kanilang mga pera sa maikling panahon lamang. Imbes nga namang sa bangko ilalagak ng mga Pilipino ang kanilang mga ipon, mamatamisin nila na isugal na lamang ang kanilang mga pera sa mga “get-rich-quick-schemes” — baka sakaling kumita nga ng malaki (lalo na at napakaliit naman ng interest na ibinibigay ng mga bangko sa kanilang mga deposito).
Of course, nasa likod din naman ng isip ng marami nating mga kababayan na baka niloloko lamang sila at mawawala lamang pagdating ng araw ang kanilang inilagak na mga pera sa mga nangako sa kanila ng malaking kita. Pero, ‘di natin maitatanggi ang katotohanan: Laging nanaig o nananalo sa isip ng marami ang pagnanais na kumita ng malaki. Sa madaling salita, nanaig ang pagka-gahaman sa puso ng marami.
***
MGA SALITA NG DIYOS NA PANLABAN SA MGA MANLOLOKO. Bakit tinatalo ng pagka-gahaman ang ating mga kababayan? Maraming dahilan, pero isa sa nakikita ko ay ang katotohanang hindi na kasi tayo tinuturuan ng mabuting ugali o pagkilos, o good manners and righ conduct (GMRC). Tapos, hindi din tayo naturuan ng takot at pag-ibig sa Diyos. Ang bunga ng lahat ng ito ay kamang-mangan sa kabutihang asal at sa mga aral mula sa Diyos sa Kaniyang Bibliya.
Kung may aral lamang tayo ng kabutihan at ng mga kautusan ng Diyos, malalaman nating ang isa sa mga alituntuning magbibigay sa atin ng matagumpay at masaganang buhay ay ang itinuro ni Jesus sa Aklat ng Mateo sa Bibliya: Ibigin natin ang ating mga kapwa tulad ng pag-ibig natin sa ating mga sarili. Sa ngayon, dahil hindi natin natutunan ang aral o utos na ito, lagi tayong makasarili at nagmamahal sa pera.
Ito ang sinasamantala ng mga manloloko. Ano ang remedyo laban sa ganitong mga pananamantala? Marapat lamang na tayo ay magsumikap matuto ng mga aral ng Diyos sa Bibliya. Gaya ng sinasabi ng ating inspirasyon sa buhay ngayong araw na ito, sasagana at magtatagumpay tayo kung hindi natin kalilimutang basahin araw-araw ang Aklat ng Kautusan at pag-aralan ito araw at gabi, at tuparin ang mga nababasa natin sa lahat ng sandali.
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ