By MELANIO MAURICIO, JR.
INSPIRASYON SA BUHAY. “Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan upang iharap kayo sa Diyos. Siya’y pinatay sa laman at muling binuhay sa espiritu. Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo …” (1 Pedro 3:18-19, Bibliya).
***
BAKIT IPINANGARAL NI JESUS ANG SALITA SA MGA NAMATAY NA. Patuloy po nating tinatakalay sa kolum na ito ang isyu ng pangangaral ng Salita ng Diyos sa Bibliya sa mga namatay na. Nakita natin na may tatlong bahagi ang Bagong Tipan ng Bibliya kung saan maliwanag ang layunin ni Jesus tungkol sa kaligtasan ng lahat ng tao pagdating sa buhay na walang hanggan.
Hindi maitatanggi, nais ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo, na maagaw pa din ang mga tao na naipagkasundo na sa apoy ng impyerno, kaya’t Siya mismo ang nagtungo sa lugar kung saan ikinukulong ang mga espiritu ng mga taong namatay na, at pinangaralan Niya ang mga ito, matapos Siyang mabuhay muli.
Ang tanong natin: Bakit ba ipinangaral pa ni Jesus ang Salita sa mga patay na? Iisa lamang ang dahilan, sa aking tingin. Ito ay upang linisin ang mga kaluluwang nakakulong sa lugar na kung tawagin ay kulungan ng mga espiritu, at upang tiyakin pa din ang kanilang pagtungo sa Paraiso sa takdang panahon.
***
TATLONG BERSIKULO SA BIBLIYA UKOL SA PANGANGARAL SA MGA NAMATAY NA. Sabi nga sa 1 Pedro 4:6, ‘yun ang dahilan kaya ipinangangaral ang Salita kahit sa mga namatay na, gaya ng ginawa ni Jesus matapos na Siya ay mabuhay na muli, na mababasa naman sa 1 Pedro 3:18-20.
At upang lubos nating maunawaan ang ginawang pangangaral ni Jesus kahit sa mga namatay na, ilabas po natin ang ating mga Bibliya, at sama-sama nating basahin, ngayon na po, ang 1 Pedro 3:18-20.
Ganito po ang nakasulat: “Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos. Siya’y pinatay sa laman at muling binuhay sa espiritu. Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. Sila ang mga espiritung ayaw sumunod noong matiyagang naghihintay ang Diyos nang panahon ni Noe, habang ginagawa nito ang daong …”
***
MGA NAMATAY NA, INARALAN DIN NI JESUS. Ang dapat pong bigyan ng matinding pansin sa mga bersikulong ito ay ‘yung nagsasabing, “Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo …” Maliwanag ang ibig sabihin nito — ang pinangaralan ni Jesus ay ang mga espiritu ng mga taong namatay na.
Ang patunay ng Bibliya na mga taong namatay na ang pinangaralan ni Jesus ay ang pahayag sa sumusunod na mga berskulo: “Sila ang mga espiritung ayaw sumunod noong matiyagang naghihintay ang Diyos nang panahon ni Noe, habang ginagawa nito ang daong. Doon ay iilang tao, walo lamang, ang nakaligtas sa tubig …”
Ano ang ibig sabihin nito? Ipinakita ni Jesus na pupwede pa lang pangaralan pa ang mga namatay na, na ang mga kaluluwa at espiritu ay nakabilanggo sa bilangguan ng mga espiritu na maliwanag na naghihintay na lamang ng wakas ng mundo at ng paghuhukom.
***
PANGANGARAL NG SALITA SA MGA NAMATAY NA, LAYONG LINISIN ANG KANILANG MGA KALULUWA. Lumilitaw din, ang pangangaral sa mga kaluluwa o espiritu ng mga taong namatay na ay naglilinis sa kanilang mga kasalanan, at inihahanda sila para sa buhay na walang hanggan sa paraiso, sa piling ng Diyos.
Ito naman ang sinasabi ng 1 Pedro 4:6: “Ipinangaral din ang magandang balita sa mga patay upang bagama’t sila’y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.” Ano ang ibig sabihin nito?
Ipinakita ni Jesus na pupwede pa lang pangaralan pa ang mga namatay na, na ang mga kaluluwa at espiritu ay nakabilanggo sa bilangguan ng mga espiritu, na maliwanag na naghihintay na lamang ng wakas ng mundo at ng paghuhukom.
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ