By MELANIO LAZO MAURICIO, JR.
INSPIRASYON SA BUHAY. “Pakatandaan ninyo na darating ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang sinumang makinig sa kanya ay mabubuhay,” si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. (Juan 5:25, Bibliya)
***
TANGING SALITA NG DIYOS ANG MARIRINIG NG MGA PATAY NA. May mga reaksyon sa ating mga isinulat dito ukol sa pangangaral sa mga patay. Sabi ng mga nag-react, hindi na daw pwedeng pangaralan ang mga namatay na kasi wala na silang nalalaman pa. Ang tinutukoy lamang daw ng mga besikulo ng Bibliya na isinulat natin dito ay ‘yung mga patay sa espiritwalidad o ‘yung mga taong buhay pa pero masama at tiwali sa buhay. Kalahating tama, kalahating mali, ang ganitong mga reaksyon, ipagpaumanhin na po.
Una, hindi pupwedeng magkamali ang Bibliya sa pagsasabing maaari pang pangaralan o basahan ng Bibliya ang mga namatay na, gaya ng sinasabi ng 1 Pedro 3:18-19 at 1 Pedro 4:6. Maliwanag, mula sa mga bersikulong ito na ang tinutukoy dito na pinangaralan ni Jesus, at dapat basahan ng Bibliya, ay ang mga namatay na. Lumilitaw, nadidinig ng mga patay ang Salita ng Diyos, at ito lamang ang nadidinig nila wala ng iba.
Ang layunin ng pangangaral sa mga patay na ay agawin ang mga kaluluwang patungo na sa impyerno, ayon sa Judas 23. At kung babasahing mabuti ang mga bersikulong ito, makikita natin na ang tunay na ninanais ng mga bahaging ito ng Bibliya ay ang pangangaral ng Salita sa mga namatay na sa kanilang pisikal na katawan — na siyang tinutukoy ng 1 Pedro 4:6.
***
AYON KAY JESUS, MARIRINIG NG MGA PATAY ANG TINIG NIYA. Sa totoo lang, maging ang Ebanghelyo ay naglalaman ng pagpapahayag ni Jesus na maging ang mga namatay na ay makakarinig ng Kanyang tinig. Ganito po ang sinasabi ni Jesus sa Juan 5:25: “Pakatandaan ninyo na darating ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang sinumang makinig sa kanya ay mabubuhay…”
Ang ganitong pagpapahayag ni Jesus ay hindi nanatiling pagpapahayag. Pinatotohanan Niya na nadidinig ng mga taong namatay na o binawian na ng buhay ang Kanyang tinig, at ‘yung mga sumusunod ay bumabalik mula sa kamatayan at nabubuhay ulit. Makikita ang mga halimbawa nito sa kasaysayan ni Lazaro at ng batang babae na sinabihan ni Jesus ng “bumangon ka” at ng isa pang batang lalaki.
Patay na ang tatlong ito, pero dahil nadinig nila ang tinig ni Jesus, nabuhay silang muli. Mababasa po ang mga kasaysayang ito sa Marcos 5:41, Lucas 7:14 at Juan 11:43. Ang tatlong ito ay nagpapatunay sa katotohanang maging ang mga tunay na patay na (o mga namatay na sa kanilang pisikal na katawan) ay nakakarinig pa din ng Salita ni Jesus. Marapat lamang kung ganoon na sila ay dapat pinangangaralan, o binabasahan ng Bibliya, upang makatiyak tayong sa langit pa din sila pupunta.
***
SINO ANG PUPWEDENG MANGARAL NG SALITA SA MGA PATAY NA? Sa ngayon, kailangang tanungin natin: Sino ba ang may karapatang mangaral o magbasa ng Bibliya sa mga patay na upang kahit sila ay namatay na makasalanan ay maaagaw pa din sila mula sa impyerno, at matitiyak pa ding sa langit sila tutungo sa buhay na walang hanggan? Sino ba ang binigyan ng kapangyarihang masigurado na sa langit patungo ang mga namatay na, lalo na ngayong Undas?
‘Yun lamang mga taong ginagabayan o tinatakan ng Banal na Espiritu ng Diyos (Roma 8:14, Efeso 1:13), dahil sila lamang ang binigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga ginawa ni Jesus, higit pa (Gawa 1:8, Juan 14:12). Sa mga kasapi ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo, naniniwala kami na ang mga kasaping ito, na tinatawag na mga Kadugo, ang siya lamang maaaring mangaral sa mga namatay na.
Marami ang tiyak na kokontra sa sinabi kong ito, pero para sa ikaliliwanag ng mga bagay na ito, inaaanyayahan po namin kayo na dumalo sa aming mga pag-aaral ng Bibliya tuwing Sabado, alas 9:00 ng umaga sa 18 D Mahiyain corner Mapagkawanggawa, Teachers Village, Diliman, Quezon City, o tumawag sa 0977 805 9058, 0933 825 1308. Maaari din kayong magtungo sa aking Facebook page (www.facebook.com/attybatas) at panoorin ang mga videos ukol sa Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo. Salamat sa Diyos sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ