May mamumuno pa ba sa Pilipinas na may takot at pagmamahal sa Diyos?

Posted by watchmen
October 24, 2024

By MELANIO LAZO MAURICIO, JR. 

INSPIRASYON SA BUHAY. “Ngunit pumili ka ng mga taong may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan, at ‘di masusuhulan. Gawin mo silang tagapangasiwa sa libu-libo, daan-daan, lima-limampu, at sampu-sampu …” (Exodo 18:21, Ang Tanging Daan Bibliya).

***

MAY MAMUMUNO PA BA SA PILIPINAS NA MAY TAKOT AT PAGMAMAHAL SA DIYOS? Maaari pa bang magkaroon ang Pilipinas ng mga pinuno na hindi magnanakaw, may kakayahang gumanap sa mga tungkulin, at may takot at pagmamahal sa Diyos?

‘Yan ang tanong na iniharap kahapon ng pinuno ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo, o AND KNK, ang tinatawag na Mahal na LD ng mga kasapi nito, sa mga lider ng mga Kristiyano sa regular Tuesday Forum ng Capitol Christian Leadership (CCL) sa UP.

Ang Mahal na LD, o si Atty. Batas Mauricio, ang naging “spiritual guideliner” ng nasabing forum, na ngayon ay tumatalakay sa kwalipikasyon ng mga kandidato sa halalan sa taong 2025.

Walang duda, magiging hati ang kasagutan ng sambayanan sa nasabing tanong. May magsasabing pwede pa, pero may magsasabi ding hindi na pwede.

Sa pananaw ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo, pwede pa, dahil wala namang imposible sa Diyos.

Ang kailangan nga lamang, magkaroon ng pagkilos ang kahit na mga maliliit lamang na grupo ng mga Kristiyanong nais ng pagbabagong mula sa Diyos.

Tanging sa Diyos, sa kanyang Salita at mga utos lamang magkakaroon ng tunay at mahusay na pagbabago. Walang pulitiko ang makakagawa nito.

Mauumpisahan lamang ang pagbabago mula sa Diyos sa pamamagitan ng puspusan at araw-araw na pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, at pagtupad sa mga utos mula dito.

Sa mga nagnanais mapanood ang mga sinabi ni Atty. Batas, tumungo po sa www.facebook.com/attybatas, at hanapin ang post noong Oktubre 15, 2024.

 

***

PAKIKINIG AT PAGSUNOD SA SALITA NG DIYOS ANG PANLABAN SA KAMATAYAN AT KAPINSALAANG DULOT NG ULAN, BAHA AT HANGIN: “Asia Pacific Disaster Meet kicks off.” Headline po ang balitang ito sa maraming mga diyaryo noong isang araw.

Ito ay tungkol sa pagpupulong sa Manila ng maraming mga bansa sa Asia at Dagat Pacifico, mula ika-14 hanggang ika-18 ng Oktubre 2024.

Layunin nitong ipagpatuloy ang paghahanap ng solusyon sa lumalalang kapinsalaan at kamatayan dulot ng mga ulan, baha at hangin.

Mawalang-galang na nga po, pero sa pananaw ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo, hindi ang ganitong mga pulong ang solusyon.

Sayang lang ang pera sa mga ganitong pagkilos ng mga bansa sa Asia at Pacific. Ang tunay na solusyon ay ang solusyong mula lamang sa Diyos, sa Bibliya.

Ayon sa Mateo 7:24-27 ng Bibliya, talagang darating ang mga kamatayan at kapinsalaang dulot ng ulan, baha at hangin.

Tanging ‘yung mga nakikinig at sumusunod lamang sa mga utos ng Diyos ang maliligtas, ayon dito. ‘Yun ang solusyon, wala ng iba.

 

***

MASAMA BA TALAGA ANG POLITICAL DYNASTY? Masama nga ba talaga ang political dynasty? Wala ba talagang pakinabang ang bayan kapag iisang pamilya lamang ang nakaluklok sa pwesto?

Marami ang magsasabing masama nga ang ganitong sistema. Pero marami din ang magsasabing mabuti ito.

Kasi daw, sabi ng mga nagsasabing mabuti ang political dynasty, nagkakatulungan ang mga miyembro ng iisang pamilya upang tugunan ang mga problema ng mga tao.

Sa harap ng ganitong mga tanong at mga sagot, naniniwala ang Simbahang Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo na ang dapat na pananaw sa political dynasty ay batay sa Bibliya.

Una, wala namang direktang pagbabawal sa Bibliya sa pagiging pinuno ng mga kasapi ng iisang pamilya. Ang tunay na panuntunan ng Bibliya sa mahusay na pamumuno ay tungkol sa karakter ng tao.

Sabi sa Exodo 18, sa payo ni Jethro sa manugang niyang si Moises, ang isang mamumuno ay dapat may takot sa Diyos, may kakayahan at galit sa tiwaling kita.

Kung ang mga miyembro ng iisang pamilya na nakaluklok ay may takot sa Diyos, may kakayahan at galit sa tiwaling kita, okay lang na mamuno sila ng sabay-sabay.

Kung sila ay mga walang takot sa Diyos, walang kakayahan, at nananagana sa tiwaling ganansya, ‘yun ang masama, dynasty man sila o hindi.

 

***

REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.

 

***

MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.

MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *