By MELANIO LAZO MAURICIO JR.
INSPIRASYON SA BUHAY. “Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos.” (Mga Awit 33:12, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
ANG DIYOS ANG TANGING SOLUSYON SA MGA PROBLEMA SA BANSA. Ang tanging solusyon sa mga problema ng Pilipinas ay ang pagbabalik ng mga Pilipino sa Diyos, ayon kay Senator Robinhood Padilla.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga kasapi ng Ambassadors for Peace sa isang hotel sa Quezon City, sinabi ni Padilla, dating action star ng pelikulang Pilipino, “The only solution for this country is for us to go back to God.”
Wala siyang ibinigay na detalye kung ano ang iniisip niyang paraan upang manumbalik ang mga Pilipino sa Diyos pero, sa totoo lang, malaking hakbang na ito tungo sa tunay na pagbabago ng buong bansa.
At mabuti marahil na hindi na nga siya nagpanukala ng mga gagawin upang makabalik ang mga Pilipino sa Diyos, dahil kakaiba na din naman ang kanyang pananampalataya sa ngayon.
Ang mahalaga na lamang, naumpisahan ng maitanim sa isip ng mga nakadinig kay Robin ang kahalagahan ng Diyos sa tunay na pagbabago tungo sa kaunlaran ng bayan.
Kung tutuusin, hindi tao at lalong hindi mga pulitiko ang makakapagbago sa bayan.
Pero may malaking pag-asang dala ang mga pulitikong na nagbabanggit na ng papel ng Diyos sa ikabubuti ng mamamayan.
***
TAMA BA NA PINUPULBOS NA NG ISRAEL ANG LUGAR NG MGA HAMAS? Isang buwan at dalawang araw na ngayon ang nakakalipas mula noong lusubin ng mga teroristang Hamas ang Timog Israel at walang awang kinatay, ginahasa at pinagpapatay ang libo-libong mga Israelis at mga dayuhan.
Ang problema ng Hamas, higit sa kanilang inaasahan ang naging tugon ng Israel sa pataksil na paglusob na ito ng mga Hamas sa Israel noong ika-7 ng Oktubre 2023.
Ngayon, halos wala nang natitira pa sa Gaza Strip, ang lugar kung saan nagkukuta ang Hamas, dahil sa walang habas na pambobomba at paglusob ng Israel.
May mga nagtatanong: Tama ba na pinupulbos na ng Israel ang Hamas, at nadadamay na ang maraming Palestino sa mga napapatay?
Ang sagot: Wala namang ibang sisisihin ang sinuman na gumanti nang mas marahas na paglusob ang Israel sa Hamas, kundi ang Hamas na din.
Kung maraming Palestino ang namamatay dahil sa counter-attack ng Israel, ang Hamas ang may kasalanan dahil sila ang naunang nagpakita ng karumal-dumal na mga pagpatay.
Walang duda, ang Hamas ang dapat papanagutin sa nangyayari sa Israel at Gaza sa ngayon.
***
BILANG NG MGA PINOY NA BILIB SA PALAKAD NI BBM SA PILIPINAS, BUMABA NG HUSTO. Kasabay ng mga hakbang na magpapatalsik kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., naglalabasan naman ang mga balita na bumagsak ng husto ang bilang ng mga Pilipino na naniniwalang tama ang landasin ng bansa sa ilalim ni Marcos.
Sa ulat ng OCTA Research, sinasabi nitong 62 percent na lamang ng mga Pilipino ang naniniwala na maayos ang hakbangin ng bansa sa ngayon, batay sa survey sa pagitan ng Setyembre at Oktubre 2023.
Ito ay mababa ng 10 porsyento kumpara sa 72 porsyentong mga kababayan natin na nagsabi noong Hulyo 2023 na bilib sila sa palakad ni Bongbong.
Marami ang maituturong dahilan ng pagka-alis ng amor, kumbaga, ng mga Pilipino kay Marcos, na wala pang dalawang taon sa Malacañang.
Una dito ang patuloy na korapsyon sa lahat na halos ng mga opisina ng gobyerno. Sa mata ng marami, mas tumindi pa nga ang korapsyon sa ilalim ni Marcos.
Dagdag pa dito, talamak pa din ang smuggling ng bigas at iba pang mga batayang produkto, dahilan upang bumagsak ang sektor ng agrikultura.
Kaliwa’t kanan din ang mga patayang hindi nahuhuli ang mga suspek. Bulto-bultong droga pa din ang pumapasok sa bansa.
Nagpapatuloy din ang mga scammers sa pagpapahirap sa mga ordinaryong Pilipino.
Kung hindi mareremedyuhan ni Bongbong ang lahat ng ito sa lalong madaling panahon, malamang sa hindi, ay magtatagumpay nga ang mga nagpapatalsik sa kanya.
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ