By MELANIO LAZO MAURICIO
INSPIRASYON SA BUHAY. “… Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang; pinapahimlay niya ako sa luntiang pastulan, at inaakay niya sa tahimik na batisan. Pinapanumbalik ang aking kalakasan, at pinapatnubayan niya sa tamang daan, upang aking parangalan ang kanyang pangalan …” (Mga Awit 23:1-3, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
MGA BATIKOS SA GUSALI NG GOBYERNO, PREPARASYON PALA PARA ITO AY IBENTA. “Sinasabi ko na nga ba!”
***
Ito ang namutawi sa labi ng maraming mga nagmamasid sa mga pagkilos ng malalaking negosyante at mga kompanya, noong mapabalitang may isang mahalagang gusali ng gobyerno ang isinasa-pribado o ipinagbibili na naman pala sa mga pribadong negosyante.
Balak pala kasing ipagbili ng pamahalaan ang gusaling ito, na mahalaga sa paglalakbay ng mga Pilipino, sa loob at labas ng bansa.
Lumilitaw, ito ang dahilan kaya nagkaroon ng maraming mga balita na marami diumanong depekto sa mga upuan sa nasabing gusali. Naririyang may surot daw, at may mga daga daw na gumagala.
Sabi ng mga nagmamasid, inaasahan nilang magkakaroon nga ng pagbebenta ng nasabing gusali, dahil sa mga naglalabasang masasamang balita sa pamahahala ng gobyerno ng gusaling ito.
Sa totoo lang, marami din ang nagtatanong. So, what else is new? Sabi nila, hindi na bago ‘yang ganyang mga taktika kung nais ng gobyernong magbenta ng kanyang mga ari-arian.
***
LIKO-LIKONG MEDIA, USO NA TALAGA SA PILIPINAS. Sadyang liko-liko na din ang mga pagkilos ng maraming mga journalists, radio-TV broadcasters, at online bloggers, kasama na din ang kanilang mga pinaglilingkurang media entities.
Ang ganitong nakakahiyang kalikuan ay minsan pa nilang ipinakita sa kanilang mga maaanghang na puna, at mabibigat na batikos, sa may-ari ng isang resort na itinayo sa Chocolate Hills sa Bohol.
Sa pahayag ng mga likong media practitioners and media companies na ito, ipinagpipilitan nilang labag sa batas ang pagtatayo ng resort sa gitna ng Chocolate Hills.
Nakakasuka ito, dahil ipinakikita ng ganitong mga pahayag nila na ni hindi man lamang sila nagsaliksik muna, kung papaano ba nagkaroon ng resort doon.
***
BAKIT HINDI BUONG KATOTOHANAN ANG INILALABAS NG MEDIA SA ISYU NG CHOCOLATE HILLS? Kung nagsaliksik lamang sana muna sila, makikita nilang may pahintulot pala ng gobyerno ang pagtatayo ng resort.
Sa totoo lang, hindi na lupang gobyerno ang ilang bahagi ng Chocolate Hills, kasama na ‘yung pinagtayuan ng resort. Naging pribado na ang mga ito, sa utos mismo ng gobyerno.
Ang pahintulot sa pagtatayo ng resort ay inilabas ng gobyernong Arroyo noon pang 2002.
Ang tanong lang: Bakit hindi tinutukoy ang pagkakaroon ng pahintulot sa resort ng mga journalists, radio-TV broadcasters, at online bloggers?
***
REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.
MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ