‘Mary, Mother of West Philippine Sea’

Posted by watchmen
July 25, 2024

 

By Melanio Lazo Mauricio, Jr.

INSPIRASYON SA BUHAY. “… Nang marinig ni Elizabeth ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. Napasigaw siya sa galak, ‘Pinagpala ka sa lahat, at pinagpala rin ang sanggol na dinadala mo sa iyong sinapupunan!’” (Lucas 1:41-42, Ang Tanging Daan Bibliya).

 

***

“MARY, MOTHER OF THE WEST PHILIPPINE SEA.” Ito ngayon ang itinatawag kay Maria, ang Ina ni Jesus, ni Catholic Archbishop Soc Villegas ng Pangasinan, sa harap ng magulong kalagayan sa Karagatan sa Kanluran ng Pilipinas ngayon.

Ginawa ito ni Villegas sa pamamagitan ng isang kalatas na ngayon ay nakakalat na sa social media, umpisa noong Martes, ika-16 ng Hulyo 2024. Ayon sa kanya, si Maria ang naging dahilan kaya nakaiwas ang Pilipinas sa pagiging Protestante, noong taong 1646.

Sa kanyang pananaw, ang paglusob sa Manila Bay ng mga pwersa ng Dutch Navy ay nabigo dahil sa nag-rosaryo ang mga Katolikong Pilipino noon.

 

***

DAPAT DAGDAGAN NI VILLEGAS ANG PALIWANAG TUNGKOL KAY MARIA. Ito ding pagro-rosaryo sa EDSA Revolution, dagdag ni Villegas, ang naging ugat ng mapayapang pagpapatalsik kay Ferdinand Marcos, Sr. noong 1986.

Maganda sana ang pagtawag ni Villegas kay Maria bilang Ina ng Karagatan sa Kanluran ng Pilipinas. Pero, ang problema niya, hindi niya ipinaliwanag kung bakit dapat tawagin si Maria na Ina ng West Philippine Sea.

Ang problema pa, sa dulo ng kanyang kalatas, hindi din niya binanggit ang pagro-rosaryo ng mga Pilipino upang malutas ang problema nila sa China.

Paumanhin po, pero tila may kulang dito. Kaya naman, nananawagan tayo kay Villegas — “pakidagdagan po ang paliwanag tungkol kay Maria …”

 

***

MAY MAAASAHAN BA ANG SAMBAYANAN SA IKATLONG SONA NI BBM? May maaasahan ba ang sambayanang Pilipino sa ikatlong SONA, o State of the Nation Address, ng Pangulong Bongbong Marcos?

Ang kanya bang mga pangako noong unang dalawang SONA niya, noong 2022, noong bagong halal pa lamang siya, at noong 2023, ay natupad na?

Sa pananaw ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo, hindi mahalagang matuos pa kung natupad na, o hindi pa, ang mga naunang ipinangako niya.

 

***

ESPIRITWALIDAD AT KABANALAN NG BAYAN ANG TUNAY NA DAPAT TUTUKAN NI BBM. Ang mahalaga sa ngayon ay ang pagkakaroon niya ng focus sa tunay na isyu sa Pilipinas, at sa buong daigdig.

Ang isyung ito ay ang espiritwalidad o kabanalan ng buong bayan, mula sa mga makapangyarihan at mayaman, hanggang sa mga naghihirap ang buhay.

Kung magpapatupad si Bongbong ng mga pagtuturo ng tapat na pagkilala at pagsunod sa Diyos, doon pa lamang matutupad ang mga pangako niya sa bayan.

Sabi nga ng mga Awit 33:12 ng Bibliya, mapalad ang bayang ang Diyos ay ang Panginoon.

 

***

MGA PROYEKTONG ‘DI PINAG-ISIPAN? Nakakahiya na nga ang marami sa mga nagsisilbi sa gobyerno, kasi malinaw na hindi na sila nag-iisip kung tama ba ang ginagawa nila o hindi.

Katulad na lamang ng mga ginawa ng MMDA, o Metro Manila Development Authority, na dalawang daanan ng mga PWDs o may mga kapansanang tao, mula sa mga bagong himpilan ng mga bus na EDSA Carousel.

Pinatunayan ng isang PWD, o may kapansanang tao, na napakadelikado sa mga may kapansanan ang paggamit ng mga daanan.

Ayon sa PWD na sumubok umakyat at bumaba sa isa sa dalawang hagdanan sa mga daanan sa dalawang bagong EDSA Carousel station, mahirap umakyat dahil matarik, at mahirap bumaba dahil dumadausdos ang mga gumagamit nito.

 

***

“LUTASIN ANG PROBLEMA, HUWAG TATALAKAN ANG NAGREREKLAMO.” Ang problema, sa halip na ayusin agad ang mga inirereklamong daanan, tinalakan pa ng MMDA chair ang mga nagrereklamo, sa pagsasabing mali ang mga nagrereklamo na hindi nag-iisip ang mga pinuno ng MMDA sa nasabing proyekto.

Sa kantyaw ng isang nagngangalanang Tiyagong Akyat sa loob ng UP Diliman, tila komisyon na lamang ang hinabol ng mga nagsulong ng proyekto.

Para sa mga tiwaling mga tao na ito, ayon sa kantyaw, matapos silang makinabang sa mga proyekto, wala na silang pakialam kahit depektibo pa ang mga ito.

***

REAKSYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone number +63 947 553 4855.

***

MANOOD, MAKINIG (PART 1): “KAKAMPI MO ANG BATAS,” 1:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas at facebook.com/philiplmauricio.

MANOOD, MAKINIG (PART 2): “AND KNK THE ONE’S CHANNEL,” Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 10:00 ng gabi sa facebook.com/ANDKNK at facebook.com/attybatas./WDJ

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *