“Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo’y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ito.” – 1 Corinto 10:13, Ang Tanging Daan.
QUEZON CITY MAYOR JOY BELMONTE, NANGUNGUNA SA PAGTUGON SA COVID PANDEMIC SA LUNGSOD: Kung accomplishments ang pag-uusapan lalo na sa pagtugon sa COVID-19 pandemic ang isyu, tiyak tatanghaling “valedictorian,” o nangunguna sa pinakamarami at pinaka-makabuluhang pagkilos, si Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Si Mayor Belmonte sa kasalukuyan ay nasa kaniyang unang tatlong taon ng panunungkulan bilang punong lungsod ng pinaka-malaking siyudad sa Pilipinas. Pangunahin sa kaniyang anti-COVID campaign ang pagkakabakuna na ng 90 porsiyentong bilang ng mga mamamayan sa Quezon City, na sa huling pagtaya ay nasa halos 3.2 milyon na kadami.
Kasabay nito, napagtagumpayan na din ni Mayor Joy Belmonte ang pagpapadala ng mga gamot na kailangan sa pagtugon sa COVID-19 at sa mga karamdamang idinudulot nito sa mga tao.
Ikatlo, masusing isinusulong na ni Belmonte ang pagkakaroon ng kahit na isang duktor man lamang sa 142 barangay ng Quezon City, upang may matatakbuhan kaagad ang kaniyang mga nasasakupan sa kanilang health concerns.
Ito ang mga lumitaw sa panayam ni Mayor Joy Belmonte sa 1 Boto Ko TV, 24th episode, isang online show tuwing Miyerkules, noong umaga ng Enero 19, 2022. Tumugon siya sa mga tanong at pagtalakay ng mga hosts ng palatuntunan na sina Pastor Jojo Gonzales ng Capitol Christian Leadership, Atty. Melchor Magdamo, isang opisyal ng One Vote Our Hope Movement, at ng inyong lingkod, Atty. Batas Mauricio, isa sa mga convenors ng Kilusan ng Mamamayan Para sa Matuwid na Bayan.
***
URBAN GARDENING, AQUAPHONICS CULTURE, NAGING REMEDYO SA KASALATAN NG PAGKAIN, AT KAWALAN NG TRABAHO SA QC: Diniinan ng alkalde ang tagumpay ng mga proyekto niyang ito upang maibsan ang bigat na dulot ng COVID-19 sa kaniyang mga nasasakupan. Kasama sa matinding isinusulong ng mayor ang urban gardening, o ang pagtatanim ng mga gulay sa mga bakanteng lote sa Quezon City, at maging sa mga containers.
Ayon sa kaniyang ulat kanina, lumilitaw na ang kaniyang proyekto ng urban gardening ay nakatulong ng malaki sa mga mamamayang nawalan ng hanapbuhay. Sa katunayan, nagustuhan ng maraming mga sektor ang urban gardening project ni Mayor Joy.
Sa ngayon, marami ang mga pribadong kompanyang nakikipagtulungan sa kaniya upang mas maging kapaki-pakinabang ang proyekto. Dahil sa pagpasok ng mga sumusuporta, hindi na lamang pagtatanim ang ginagawa ngayon ng mga mamamayan sa Quezon City, kundi pati na ng aquaponics.
Ang aquaponics ay yung pagpapalaki ng mga short term crops gaya ng pechay, mustasa, letsugas, at maging ng mga katutubong saluyot, ampalaya, at alukbati at kamote gamit ang dumadaloy na tubig sa mga itinapong Styrofoam o plastice coffee cups.
Ang aquaponics ay ginagamit din upang makapag-alaga ng isda gaya ng tilapia o hito, di na lamang upang may mapagkukunan ng makakain ang mga tao kundi upang mapagka-kitaan na din.
Sa ilalim ni Mayor Joy Belmonte, puspusang ipinaiiral din ng Quezon City ang pag-aalis ng tinatawag na “idle land tax” – o yung buwis na binabayaran ng mga may-ari ng lupa na hindi nagagamit, kung papayagan nila ang pamahalaang-lungsod na gamitin ang kanilang mga lupa upang matamnan.
***
IBA PANG MGA QUEZON CITY PROJECTS, MATINDING ISINUSULONG SA QC: Sa larangan ng edukasyon, iniulat ni Mayor Joy ang pagkakaroon na ng pagkilala mula sa mga autoridad sa mataas na edukasyon sa bansa ang pagiging “university status” ng Pamantasan ng Lungsod Quezon, isang city-funded na unibersidad o kolehiyo na itinayo ng mga naunang alcalde ng lungsod .
Tatlo na ang campuses ng nasabing pamantasan – ang pangunahin dito ay nasa San Bartolome, Novaliches, Quezon City; ang ikalawa ay nasa San Francisco Del Monte, at ang ikatlo ay nasa Payatas.
At upang matiyak na mas maraming mga kabataan sa Quezon City ang makakatapos ng pag-aaral sa kolehiyo, nagbigay si Mayor Joy Belmonte ng scholarship grants, o libreng pag-aaral sa kolehiyo, sa 20,000 mga kabataan sa lungsod.
Sa ngayon, bahagi din ng matinding pinaglilingkuran ng Quezon City ang mga OFW families – o yung mga may mga kamag-anak na nasa ibang bansa upang maghanap-buhay.
Nagbibigay ang lungsod, sa pamamahala ni Mayor Joy, ng regular na pagbisita at counseling sa mga kasapi ng mga pamilyang OFW, upang mapanatili ang kanilang tamang pagkalinga sa kanilang mga anak.
***
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network./WDJ