DU30, kinukontra na naman ng kaniyang Spox

Posted by watchmen
November 13, 2021
Posted in OPINION

“Ang bawat tao’y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at sila’y nararapat sa parusa.” –Roma 13:1-2, Ang Tanging Daan Bibliya.

 

PANGULONG DUTERTE, KINUKONTRA NA NAMAN NG KANIYANG SPOKESMAN SA ISYU NG FACE SHIELDS: Sino ba ang dapat paniwalaan ng sambayanang Pilipino sa isyu ng face shields? Ang Pangulong Duterte ba na nagsabi na, ilang buwan na din ang nakakaraan, na hindi na kailangang gumamit ang ating mga kababayan ng face shields maliban na lamang kung sila ay nasa mga mataong lugar o sa mga lugar na sarado at walang malayang daloy ng hangin? O si Presidential Spokesman Harry Roque na nagsasabing hindi pa pupuwedeng tanggalin ang paggamit ng face shields?

Sinasabi tuloy ng maraming mamamayang nakipag-usap sa Kakampi Mo Ang Batas noong umaga ng Martes, ika-9 ng Nobyembre 2021, na nagmumukhang katawa-tawa lamang ang Pangulong Duterte, at nawawalan pa ito ng kredibilidad, dahil mga malalapit na tauhan pa niya mismo ang nagpapawalang-bisa ng kaniyang mga sinasabi.

Ang ganitong mga pangyayari sa Malacanang – kinokontra ng mga miyembro ng Gabinete o di kaya ng mga tagapayo ng Pangulo ang mga sinasabi ng Pangulo, lalo na sa mga maseselang bagay – ay matagal ng nakikita ng sambayanan noon pa mang nag-uumpisa ang panunungkulan ng Pangulo noong 2016.

Sa mga pagkakataong kinokontra ang pangulo sa kaniyang mga pagpapahayag ng kaniyang mga cabinet members at close advisers, inaasahan ng marami na pagagalitan ng pangulo ang mga kumokontra sa kaniyang mga sinabi. Ang problema lamang, hindi nakikita sa Pangulo ang pagwawasto sa mga ayudante niyang kumukontra sa kaniya. Sa halip, tila ba ang Pangulo nga ang tumitigil sa pagpapatuloy ng kaniyang mga naunang pahayag.

 

***

PAGKONTRA SA SINASABI NG PANGULO KAHIT SA MASESELANG BAGAY, MATAGAL NG NAKIKITA SA MALACAÑANG: Katulad noong isang hapon, lantarang kinontra na naman ni Roque ang Pangulo sa isyu ng face shield. Ganito ang balitang sinulat ng reporter na si Danilo Garcia ng isang tabloid, at inilabas sa online version ng nasabing diyaryo madaling araw ng Martes. “Wala pa ring pagbabago sa kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF) tungkol sa paggamit ng face shields at kailangang maghintay ang mga atat na tanggalin na ang nasabing kautusan…”

“… Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dapat na ipatupad pa rin ang kautusan sa paggamit ng face shields hanggat pinag-aaralan pa ang tuluyang pagtanggal dito. Sinabi rin ni Roque na hindi naman nangangahulugan na hindi tatanggalin ang kautusan pero dapat hintayin ang desisyon ng iatf at ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte…” salaysay pa ng tabloid.

 

Idinagdag pa sa nasabing ulat ang ganitong pahayag: “Humingi pa ng pasensiya si Roque sa mga hindi na makapaghintay pero dapat aniyang masunod ang utos ng executive branch ng gobyerno. Nakiusap din si Roque sa mga local government units at sa mga mayors na nasa ilalim ng kontrol ng presidente na sumunod sa iatf at sa kautusan ng pangulo…”

 

***

PAIBA-IBANG UTOS SA FACE SHIELD, KINAIINISAN NA NG MARAMING PILIPINO: “Samantala, humingi pa ng isang linggo ang Department of Health (DOH) sa mga lokal na pamahalaan bago mailabas ang rekomendasyon nila kung tuluyan nang tatanggalin ang paggamit ng face shields sa mga pampublikong lugar sa bansa. Ito’y makaraang maglabas na ng kautusan si Manila City Mayor Isko Moreno, maging ang lokal na pamahalaan ng Davao City at Iloilo City na tanggalin na ang paggamit ng face shield maliban sa loob ng mga ospital at clinics…” dagdag din ng mga ulat.

Pinagbasehan ni Roque ang kaniyang pahayag sa paggigiit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan pa talaga ng resolusyon mula sa IATF bago legal na maipatutupad ang pagtanggal sa paggamit ng face shield. Sa mata ng marami, tila iniiba ni Roque ang pahayag ng Pangulo noon pang Setyembre 2021 upang buntunan na naman ng sisi ng mga tao ang mga pinuno ng Manila, Davao City, at Iloilo City, na kilalang hindi kaalyado ng mga nagpapatakbo ng pamahalaan.

Partikular sa kaso ni Manila Mayor Isko Moreno, na kinakikitaan kasi ng mahusay na panunuyo sa mga botante bilang kandidato sa pagka-pangulo ng Aksiyon Demoktratiko. Ganundin, tila nais bigyan din ng sisi si Mayor Jerry Treñas ng Iloilo City, na kilalang kaalyado naman ng oposisyunistang Senador Franklin Drilon.

 

***

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas,  www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas,  Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network./WDJ

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *