“Kung hindi kayo makikinig at di kayo susunod sa utos ng Diyos… padadalhan Niya kayo ng… nakakasunog na tag-init… ang langit sa inyong ulunan ay magbabaga na tila hurno, ang lupang inyong tinutungtungan ay magiging sintigas ng bakal.” – Deuteronomio 28:22-23, Ang Tanging Daan Bibliya
COP26, O PULONG SA UNITED KINGDOM, BIGO NA NAMAN SA PAGHAHANAP NG SOLUSYON SA GLOBAL WARMING & CLIMATE CHANGE: Desperado. Pero, tuliro. Puso’y puno ng takot at pangamba. Pero sarado naman ang unawa. Ito ang kakatwa ngaunit kalunos-lunos na larawang nagmumula sa Glassgow, United Kingdom sa pagpapatuloy ng COP26 UN Climate Change Conference.
ANG COP26 ay isang pagpupulong hanggang Nobyembre 12, 2021 na ang pangunahing layunin ay pakilusin ang mga malalaki at maliliit na bansa sa daigdig upang mapigilan ang patuloy na paglala ng global warming and climate change sa lahat ng dako.
Ibinababala na kasi ng halos lahat ng mga dalubhasang dumalo sa nasabing kumbensiyon na nahaharap na ang buong daigdig sa kamatayan ng lahat ng may buhay sa nalalapit na panahon, dulot ng mainit na kapaligirang nagdadala ng grabeng mga bagyo, mga grabeng pagbaha, at mga grabe at mapamuksang malalakas na hangin.
Kakatwa ang pinakahuling pagkikita-kitang ito ng mga world leaders ngayong taong 2021 dahil, sa kabila ng kanilang kabatiran na kailangang makahanap na ng mabisang kalutasan sa problema ng papaniit na temperatura ng mundo, patuloy naman silang bigo sa nasabing layunin.
Taon-taon ay nagpupulong ang mga world leaders na ito, kasama ang kani-kanilang mga dalubhasa, mga pantas sa siyensiya, at mga tagapayo sa larangan ng kalikasan, pero patuloy namang walang nangyayari.
***
MGA WORLD LEADERS, SCIENTISTS AT GLOBAL WARMING EXPERTS NA DUMALO SA COP26, DESPERADO, TULIRO, AT TILA WALANG ALAM KUNG ANO ANG GAGAWIN: Ginagastusan ng lahat ng mga bansa ang mga taunang pulong na ito tungkol sa global warming and climate change ng bilyones na halaga ng dolyar, pero umiinit pa din ang mundo, nananalasa pa din ang di-mapigil na mga kalamidad at trahedya ng kalikasan gaya ng mababangis na ulan, rumaragasang mga baha, at nag-aalimpuyong mga tornado at buhawi.
Marami tuloy ang nagtatanong: ano ba ang dahilan ng kabiguan ng mga makapangyarihan at mga mayayamang pinuno ng mga bansa na makahanap ng solusyon?
At marami din naman ang sumasagot: katotohanan kasing hindi maitatanggi na walang gustong magbigay-daan sa halos lahat ng mga bansang ito sa pagbabawas ng kanilang paggamit ng mga tinatawag na fossil fuels para sa kanilang mga planta, kompanya, at mga negosyong nagbibigay sa kanila ng yaman.
Dahil patuloy sa paggamit ng mga fossil fuels, gaya ng langis at gasolina, ng marami, patuloy ding nasisira ang kalikasan at kapaligiran dahil ang mga ito ay nalalason ng mga ginamit na langis at gasolina. Parang mga kemikal ang mga fossil fuels na ito na pumapasok sa katawan ng tao, na nagiging sanhi ng kaniyang pagkakasakit at kamatayan dulot ng kanser.
Malinaw na pagkagahaman ang namamayani sa lahat ng mga tao, at lahat ng mga bansa. Ayaw nilang tumigil sa paggamit ng mga nakakalasong energy sources, gaya ng fossil fuel, dahil nais nilang mapanatili nila ang kanilang mga negosyo at mga pagkakakitaan.
***
TAO, IMPOSIBLE NG MAKAHANAP NG SOLUSYON SA PAGKASIRA NG KALIKASAN:
Para silang mga bata o kahit na mga matanda na alam na delikado ang alak, ang sigarilyo, ilegal na droga, o di kaya ay mga pagkaing sakit ang dulot sa katawan, pero ipinagpapatuloy pa din nila ang lahat ng mga ito sa kanilang mga sarili.
Sa isip ng marami sa kanila, hindi nila iniisip na darating din ang araw, at naririto na nga, na ang kanilang paggamit ng mga bagay na nakakalason sa kanilang mga sarili at, sa kaso ng mga bansa, sa kapaligiran, ay magiging mitsa ng kanilang kamatayan.
Sa ngayon, maliwanag na imposible na sa tao ang makahanap ng solusyon sa global warming and climate change. Nasa dugo na kasi ng sanlibutan ang pagkagahaman, at pagka-ganid, at ang kayabangan sa isip na sila ay walang kamatayan. Pero, imposible man ito sa tao, wala namang imposible sa Diyos. Maliwanag na ang solusyon ay mula lamang sa Diyos.
Dahil diyan, kailangang tanggapin ng tao na ang global warming and climate change ay ibinabala ng Diyos, sa Kaniyang Bibliya. Isinulat ng Diyos ang pangunahing dahilan kung bakit may global warming and climate, at ang ito ang dahilang ito: hindi na kasi nakikinig at hindi na sumusunod ang tao sa mga utos ng Diyos.
Kung ganoon, ang tanging lunas sa problemang ito ay alamin kung ano ang remedy ng Diyos. Sabi sa Aklat ng mga Biyaya at Sumpa sa Bibliya, kailangan ng tao ang totohanang makinig at sumunod sa mga utos ng Diyos, sa lalong madaling panahon.
***
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network./WDJ