Kalusugan at kaligtasan ng bayan, sinusugalan sa pagluluwag sa COVID-19

Posted by watchmen
October 22, 2021
Posted in OPINION

INSPIRASYON SA BUHAY: “Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan; sino pa ba ang aking katatakutan? Si Yahweh ang muog ng aking buhay, sino pa ba ang aking kasisindakan?” – Mga Awit 27:1, Ang Tanging Daan Bibliya

 

***

SUGAL SA KALUSUGAN AT KALIGTASAN VS COVID-19 NG MGA PILIPINO ANG PAGLULUWAG NG MGA LIMITASYON NGAYON: Sumusugal ng husto ang gobyerno sa mga pasya nitong luwagan na ang alert level COVID-19 status ng Metro Manila, na mangangahulugan ng mas maluwag din na mga alituntunin sa mga pahihintulutang magtungo sa mga malls, mga simbahan, mga paaralan, at ng marami pang ibang pampublikong mga lugar sa buong bansa.

Mula Alert Level 4, ibinaba ang katayuan ng National Capital Region sa Alert Level 3, isang linggo na halos ang nakakaraan, bunga ng mga ulat mula sa Department of Health at sa OCTA Research Group na nagsasabing humihina na ang pagkaka-hawa-hawa ng mga mamamayan.

Ayon sa mga dalubhasa, hindi na mataas ang bilang ng mga nahahawa araw-araw sa iba’t ibang lugar sa Piipinas, bagamat patuloy pa ding nananalasa ang COVID-19 virus.

Ito ang dahilan kaya’t binago kamakailan ang mga alituntunin ukol sa paglabas ng tahanan ng maraming mga tao, partikular sa mga nagtata-trabaho o naghahanap-buhay, sa mga nagtutungo ng mga simbahan, sa mga parke, sa mga malls, gyms, at iba pang entertainment venues.

 

***

MULING PAGDAMI NG MGA NAHAHAWA SA COVID-19 BUNGA NG MGA MALULUWAG NA ALITUNTUNIN, INAASAHAN: Agad namang ipinagpasalamat ng mga negosyante ang mga pasyang ito ng gobyerno, at sinabi nilang makakatulong ito ng malaki upang mapasigla at maibangong muli ang ekonomiya.

Ganundin, inaasahang magiging mas magiging masaya ang gagawing pagdiriwang ng maraming mga Pilipino sa Pasko at Bagong Taon 2022, kumpara sa malabnaw na mga paggunita ng pagsilang ni Jesus sa isang sabsaban sa taong 2020, sa katindihan ng pananalasa ng pandemya sa bansa.

Magkaganunman, maraming nagmamasid sa kalakaran ng buhay ng mga Pilipino at ng iba pang mga lahi sa ibang mga bansa ang nagpapahayag ng pangamba sa posibleng paglobo ulit ng bilang ng mga mahahawang mga tao sa Pilipinas, bunga ng pagluluwag sa mga alituntunin sa COVID-19.

Kanilang idinidiin ang karanasan ng maraming mga estado sa Amerika at maging sa Europa at sa iba pang mga kontinente sa daigdig matapos magluwag din ang mga ito ng COVID restrictions. Nakitaan ang mga lugar na ito ng virus surge – o yung pagsargo ng bilang ng mga nahahawa araw-araw, partikular sa hanay ng mga sumubok mamuhay ng para bang wala ng COVID-19.

 

***

VIRUS MUTATION, DAHILAN NG PAGIGING MAS MABAGSIK NG NAUNANG URI NG COVID-19 VIRUS: Ayon sa mga naglalabasang online reports, naging mas malaki ang problema ng mga bansang nagluwag ng mga pagbabawal, dahil na din naging daluyan ng pagkakahawa ng COVID-19 virus at ng mga mas nakakahawa at nakakamatay na variants nito ang mga malayang nakisalamuha sa ibang mga tao.

Lumilitaw na ang mga tinamaan ng virus mula sa kanilang malayang estilo ng kanilang mga buhay, o yung mga estilong nakasanayan nila bago tumata ang virus sa mundo noong 2020, ay nakakaranas ng mas matinding mga sintomas.

Malamang, ayon sa mga dalubhasa, dulot ito ng virus mutation, kung saan ang panibagong uri o variant ng naunang COVID-19 virus ay nagkakaroon ng mas matinding kakayahan upang labanan ang anumang bakuna o gamot.

 

***

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network./ASC, WDJ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *