Kulay na dilaw sa pulitika sa Pilipinas, patay na!

Posted by watchmen
October 12, 2021
Posted in OPINION

INSPIRASYON SA BUHAY: “ Kapag matuwid ang namamahala, bayan ay nagsasaya, ngunit tumatangis ang bayan kung ang pinuno ay masama.” – Mga Kawikaan 29:2, Ang Tanging Daan Bibliya

 

***

KULAY NA DILAW SA PULITIKA SA PILIPINAS, PATAY NA AT NAILIBING NA: Patay na nga, at lumilitaw na nailibing na, ang kulay na “dilaw” (o ang kulay na ginamit upang maging simbolo ng mga rehimeng Cory at Noynoy Aquino at ng kanilang mga kaalyado) sa pulitika sa Pilipinas.

Kumpirmado ang katayuang ito sa kasalukuyan ng kulay na “dilaw” sa pulitika sa bansa, noong magsampa ng certificate of candidacy (COC) si Vice President Leni Robredo noong Huwebes, Oktubre 7, 2021, upang tumakbong pangulo bilang pangulo sa Halalan 2022.

Bagamat si Leni ay nagsumite ng kaniyang COC bilang independent candidate (o, ibig sabihin, hindi siya kandidato ng anumang partido, kasama na ang kaniyang partidong nagdala sa kaniya sa pagka-bise presidente noong 2016, ang Liberal Party), hindi na niya ginamit ang kulay na dilaw na siyang kulay na ginamit niya noong 2016. Pink at blue ang piniling kulay ni Robredo at ng kaniyang mga kaalyado sa ngayon para sa Halalan 2022.

Lumilitaw din na napaglisan na ng panahon ang Liberal Party, isa sa dalawang pinaka-matandang partido sa pulitika sa Pilipinas. Ang isa pang matandang partido sa pulitika sa bansa, ang Nacionalista Party, ay tila ba nalaos na din, sa mga panahon ngayon.

 

***

MGA DATING KAALYADO NG TINATAWAG NA MGA DILAWAN SA PULITIKA, AYAW NA DING GAMITIN ANG KULAY DILAW SA HALALAN 2022: Bagamat may mga kandidatong nagsasabing sila ay kasapi ng Liberal Party o di kaya ay ng Nacionalista Party, hindi na ito ang partidong ginamit nila upang mag-sumite ng certificate of nomination and acceptance, isang dokumentong hinihingi ng Commission on Elections upang kilalaning lehitimo ang kandidatura ng isang tao.

Sa katayuan ng Liberal Party at Nacionalista Party sa ngayon, tinataya ng mga dalubhasa sa kasaysayan ng bansa na hindi na lamang sila mahihirapang bumalik pa sa dati nilang maringal na katayuan bilang mga pangunahing partido-pulitikal sa Pilipinas na pinagmumulan ng mga lider sa pamahalaan, kundi tila, gaya ng kulay na dilaw sa pulitika, tuluyan na din silang maglalaho sa isip ng mga tao.

Ang paggamit ng mga kandidato at partido ng kulay upang maging simbolo ng kanilang pagtakbo sa pulitika at, pag sila ay nanalo, bilang simbolo ng kanilang pamumuno, ay nag-umpisa noong 1986.

Mula ito sa kantang “Tie a Yellow Ribbon” ni Tony Orlando and the Dawn, na ginawang theme song sa pagbabalik sa Pilipinas noong 1983 ng asawa ni Cory na si dating Sen. Benigno Ninoy Aquino Jr. at ama naman ni dating Pangulong Noynoy. Noong magkaroon ng snap elections noong 1985 ginamit ni Cory ang kulay na dilaw bilang simbolo ng paglaban kay dating Pangulong Marcos, na ginamit naman ang kulay pula.

 

***

KULAY NA PULA, ANG KULAY NG DUGO, ANG GINAMIT NG DIYOS SA MGA TAO UPANG ILIGTAS SILA SA “ANGHEL NG KAMATAYAN:” Ipinagpatuloy ni Cory ang paggamit ng kulay na dilaw, at ito naman din ang ginamit na kulay noong naging pangulo si dating General Fidel Ramos. Napalitan ito ng kulay orange noong panahon ng Pangulong Estrada, na sandaling panahon lamang ang itinigil sa Malacanang dahil sa ikalawang kudeta sa Pilipinas na pinamunuan ng mga “dilawan,” kasama ang noon ay Vice President Gloria Arroyo.

Sa mga sumunod na taon, matapos kumilos ang mga dilawan upang patalsikin si Gloria, pinalitan nito ang kulay ng kaniyang pamumuno, mula sa dilaw, at ginawa niya itong pula, hanggang noong 2004, noong tumakbo siyang pangulo, sa suporta naman ng Nacionalista Party. Noong nanalo si Noynoy Aquino noong 2010, ibinalik niya ulit ang kulay na dilaw sa Malacanang.

At noong 2016, noong magtagumpay si Pangulong Duterte, kinuha niyang muli ang kulay pula, batay na din sa pagkakapili ng partidong tinuntungan niya sa kampanya, ang PDP-Laban. Sa kulay na ito ng pula, todong inilampaso ng mga kaalyado ni Duterte ang kanilang mga kalaban sa pagka-senador noong 2019, na noon ay nagpakilalang mga kandidatong ang dala ay kulay na dilaw sa pulitika.

Sa ngayon, kaniya-kaniyang kulay na ang mga kandidato, sa paniniwalang suwerte at buwenas ng mga kulay na kanilang pipiliin at gagamiting simbolo ng paglaban. Matatandaan na noong unang panahon, ginamit naman ng Diyos ang kulay pula, ang kulay ng dugo, upang maging pananggalang ng mga mananampalataya laban sa anghel ng kamatayan na inutusan ng Diyos sa bansang Egipto.

 

***

REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas,  www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network./WDJ

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *