INSPIRASYON SA BUHAY: “Ang mga tagapaglingkod naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat mangusap, hindi lasenggo at hindi sakim sa salapi.” – 1 Timoteo 3:8, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
SC, HININGANG PAYAGAN ANG MGA BOTANTE NA LITRATUHAN ANG MGA BALOTANG NAGLALAMAN NG KANILANG MGA BOTO SA HALALAN: Kailangang pahintulutan ng Commission on Elections (Comelec) at ng Korte Suprema ang sinumang interesadong botante na litratuhan ang balotang naglalaman ng kaniyang mga ibinoto sa iba’t ibang posisyon, upang mapigilan ang sinasabing nagaganap na malawakang pandaraya sa mga automated computerized elections sa bansa.
Ang paglilitrato ng balotang naglalaman ng boto ng isang botante ay magbibigay kasi ng katiyakan na bibilangin ng tapat ng Comelec o ng sinumang election service provider gaya ng Smartmatic ang mga boto na nakasulat sa balota, dahil sa pamamagitan ng nalitratong mga balota, magkakaroon ng hiwalay na katibayan na nasa kamay mismo ng mga botante kung sino talaga ang kanilang inihalal at dapat maproklamang nanalo.
Sa One Vote TV Facebook program noong umaga ng Miyerkules, Setyembre 22, 2021, tinalakay ang mga isyung ito ng program hosts na sina Atty. Melchor Magdamo, dating Comelec whistleblower, Ms. Aileen Papin ng Rotary Club of Cosmopolitan Manila, Rotary International District 3810, at ng inyong lingkod, si Atty. Batas Mauricio.
Lumitaw sa talakayan sa nasabing Facebook program na may isinumiteng motion for reconsideration sa Korte Suprema ang grupong One Vote Our Hope Movement (Boto Ko Sagrado), kasama sina Atty. Magdamo, Pastor Jojo Gonzales, chairman ng One Vote Our Hope Movement, Atty. Noy Macatangay ng Buklod Pamilya, Inc., at Bishop Juan Pring ng Capitol Christian Leadership (isang 58 taong samahan ng mga mananampalatayang Kristiyano).
***
COMPUTERIZED ELECTION CHEATING MAPIPIGILAN KUNG MAY LITRATO NG KANILANG MGA BALOTA ANG MGA BOTANTE: Nauna ng naglabas ng pasya ang Korte Suprema na nagsasabing moot and academic na ang kaso ng One Vote Our Hope Movement at ng iba pang socio-civic groups dahil iyon ay nakapatungkol sa halalan lamang ng 2019.
Sa pakikipagtulungan ng daily radio-online free legal counseling show na Kakampi Mo Ang Batas at ng BATAS, o Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan, at LIGHT, o Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth, isinampa ng One Vote Our Hope Movement ang kahilingan sa Kataas-taasang Hukuman na huwag ituturing na moot ang naunang kaso na kumukuwestiyon sa pasya ng Comelec na ipagbawal ang paglilitrato ng mga tao ng kanilang balotang ihuhulog na sa ballot boxes matapos nila itong punuin ng kanilang mga piniling manunungkulan.
Ipinunto ng mga abogado ng BATAS, LIGHT, at ng One Vote Our Hope Movement, na ang isyu ng paglilitrato ng mga balota ng mga botante mismo ay hindi nagtatapos bagamat naisakatuparan na ang 2019 elections. Ang nasabing paglilitrato ng mga balota ay sinasabi ng mga abogado na nagtatampok kasi ng isang mahalagang punto tungkol sa pagpapatunay sa kung ano ang tunay na pasya ng sambayanan.
Bagamat nakasulat sa Saligang Batas ng 1987 na dapat panatiliin ang pagiging sikreto ng pagpili ng mga botante, itinatampok din naman ng Konstitusyon na ito na dapat ding pangalagaan ng Comelec, ng Supreme Court, at ng lahat ng mga Pilipino, ang pagiging sagrado ng balota, at, dahil diyan, kailangang tiyaking mabibilang ng tapat kung ano ang nakalagay sa nasabing balota.
***
PAGLILITRATO NG MGA BALOTA NA NAGLALAMAN NG BOTO NG MGA BOTANTE, DI IPINAGBABAWAL NG BATAS; Sa harap ng hindi matapos-tapos na akusasyon na ang mga halalang pinamahalaan ng mga service providers ng Comelec mula noong 2010, sa halalang pampanguluhang sinasabing pinanalunan ni Benigno Aquino III, ay lantarang dinaya ng mga computers, kailangang mapatatag ang pagtitiwala ng bayan na ang kanilang mga boto ay mabibilang at hindi dadayain lamang.
Isa sa mga tiyak na paraan upang magawa ito, ayon sa mga abogado ng BATAS, LIGHT, at One Vote Our Hope Movement, ay pagpahintulot na litratuhan nga ng mga botante na malitrato nila ang kanilang mga boto. Sa pamamagitan nito, sa anumang sandaling magkaroon ng alegasyon ng dayaan sa halalan, magiging mabiliis ang pag-alam kung nagkadayaan nga ba o hindi dahil magbibilangan lamang ng mga boto sa mga botanteng naitalang bumoto sa isang eleksiyon.
Magsasama-sama ang mga botante sa isang asembliya o pulong, at bibilangin lamang ang kanilang mga boto na nakalarawan pa din sa kanilang mga cellphones. Hindi na magkakaroon pang muli ng mahahabang protesta sa mga hukuman o sa Comelec pagkatapos ng anumang halalan, dahil may katibayang nasa kamay ng sambayanan kung ano ang kanilang tunay na kapasyahan.
Tiniyak ni Atty. Melchor Magdamo sa talakayan sa One Vote TV Facebook program noong umaga ng Miyerkules na ilegal pa nga ang naging pagbabawal ng Comelec sa paglilitrato ng mga balota, dahil wala namang ganoong pagbabawal ang itinatakda ng Omnibus Election Code ng Pilipinas.
Kung may tumututol man sa karapatan ng mga botante na litratuhan ang kanilang mga litrato, ito ang mga tao o grupo na may masamang layunin sa pandaraya sa resulta ng halalan. Ayaw nilang magkaroon ang sambayanang Pilipino ng anumang patunay sa kanilang kamay sa tunay na pasya ng mga botante sa isang halalan, dahil nga kanilang layong manipulahin lamang ang resulta. Nilinaw din sa talakayan kanina na ang dayaan sa halalan ay isang salot o sumpa sa bayan, na magpapahirap lalo sa mga nahihirapanng mamamayan.
***
REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network./WDJ