Born of God: paano isinisilang mula sa Diyos ang tao?

Posted by watchmen
September 7, 2021
Posted in OPINION

“Maliban sa ang tao ay isilang mula sa Diyos, hindi siya makakapasok sa Kaharian ng Langit.” –Si Jesus, sa Juan 3:5, Ang Tanging Daan Bibliya

MGA MANANAMPALATAYANG KRISTIYANO: TANGING ANG DIYOS LAMANG ANG MAKAKALUTAS SA MGA PROBLEMA NG TAO AT NG DAIGDIG: Nagkakaisa noong umaga ng Biyernes, Setyembre 3, 2021, ang mga pinuno ng iba’t ibang grupong mananampalatayang Kristiyano na walang problema sa daigdig na ito na hindi malulutas ng Diyos, kasama na ang paglaban sa COVID-19 pandemic, sa kriminalidad, at sa korapsiyon sa iba’t ibang dako. 

Walang imposible sa Diyos, dahil kayang gawin ng Diyos ang lahat tungo sa katuparan ng kaniyang pangako ng masagana at matagumpay na buhay, dagdag pa ng mga nakasama sa Friday regular fellowship ng CBMC Philippines. Ang ibig sabihin ng CBMC ay Connecting Businessmen and Professionals in the Marketplace to Christ.

Samahan ito ng mga negosyante, mga propesyunal, at mga namumuno o mga opisyales ng mga negosyo. Ang inyong lingkod, si Atty. Batas Mauricio, ang naging pangunahing tagapagsalita sa nasabing pam-Biyernes na pulong ng CBMC Philippines. Nag-aanyaya ang CBMC Philippines sa lahat na dumalo sa mga pam-Biyernes na pulong nito, sa Zoom ID No. 822 6183 1638. Libre po ang pagdalo, ayon kay CBMC Philippines Chairman Gil C. Garcia.

Tinalakay sa aking presentasyon ang paksang “Vision and Success: A peek into Matthew 19:26, Philippians 3:14, and Proverbs 23:7.” Kasama sa mga dumalo sa pulong na ito sina dating Sandiganbayan Justice Raoul Victorino na siya ding pinuno, bilang Chairman, ng United Christian Party (UCP); dating Ang Nars Party list Representative Dr. Leah Samaco Paquiz;

Dating deputy governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Pastor Diwa Guinigundo; ang mga piling pinuno ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo, gaya nina Pastor Matt Zobel, AND KNK general evangelist; Pastora Kay Zobel, AND KNK general secretary; Pastora Ana Jaena Cruz, AND KNK general auditor; Pastora Mylen Ticalo ng AND KNK Cavite Greenvalley; TK Mayet Llarena ng AND KNK Baguio City.

 

***

MAY KAKULANGAN NGA BA SA PANANAMPALATAYA NG MARAMI KAYA NANANATILI ANG MGA SIGALOT SA BUHAY? Dumalo din sa CBMC fellowship noong Biyernes ang mga co-hosts sa “21 Minutos Mas o Menos,” sa pangunguna ni Davao Methodist Bishop Rudy Juan, Pastor Jojo Gonzales, Atty. Noy Macatangay, at Ginoong Rod Cornejo. Kabilang din ang ‘di mabilang na mga bishops ng mga denominasyong kristiyano, at mga pastor ng iba’t ibang Christian churches sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Nakibahagi din ang itinuturing na pinaka-matandang mananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas, si Atty. David D. Aguila, dating provincial board member ng La Union at dating Deputy Administrator ng National Electrification Administration o NEA. Ang pagdalo ng napakaraming mga personalidad sa mga grupong Kristiyano ay nagbigay ng isang makulay at makabuluhang talakayan.

Ang paksa sa talakayan ay ang pagkakaroon ng ugnayan ng Vision and Success, o, sa Pilipino, pangarap at tagumpay, sa buhay ng mga mananampalatayang Kristiyano, anuman ang grupong kanilang kinabibilangan. Isang hinihintay na bahagi ng mga dumadalo sa CBMC Friday fellowships ang palitan ng pananaw, na bagamat nagmumula sa iba’t ibang mga pinuno ng simbahan ay mahimalang nagkakatagpo sa iisang mensahe – ang pagiging tapat at tunay na nananampalataya sa Diyos.

Sa aking mensahe, binigyang diin natin ang katotohanang tila may kulang sa pananampalataya ng maraming Kristiyano. Ang puntong ito ay ipinapakita ng ilang mga sitwasyon. Una, bagamat patuloy na nananalangin ang halos 7 bilyong mamamayan ng buong mundo na maalis na ang Covid 19 pandemic mula noong ito ay mag-umpisa noong Marso 2020, patuloy itong nananalasa, at nagiging mas nakakahawa at nakakamatay pa.

Maliwanag, sa ating pananaw, na hindi pinakikinggan ng Diyos ang ating mga panalangin. Ikalawa, bagamat marami sa mga tao sa mundo ang nagpapahayag na mga mananampalataya silang nakaka-alam at sumusunod sa mga utos ng Diyos, nananatili namang nang-a-api ang marami sa hanay ng mayayaman, makapangyarihan, at maimpluwensiya, partikular sa mga tao na maliliit, mahihirap, at nasa ilalim ng lipunan. Ikatlo, nagpapatuloy din ang taggutom, ang kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa sandaigdigan.

 

***

BORN OF GOD: PAANO ISINISILANG MULA SA DIYOS ANG TAO? Lumilitaw, ating ipinahayag noong Biyernes, na may kulang ang pananampalataya ng marami, lalo na sa hanay ng mga mananampalatayang hindi nakakatikim ng tagumpay at kasaganaang ipinapangako ng Diyos sa Bibliya.

Totoo nga naman, kung tunay tayong nananampalataya, kailangang nararamdaman na natin ang mga pangako ng Diyos. Sa ating pananaw, ang dahilan ng nakakalungkot na sitwasyong ito ay ang kawalan ng unawa, kung paanong hihimukin ng tao ang diyos na tuparin sa kanila ang kaniyang mga pangako ng biyaya at pagpapala. Ginamit nating halimbawa ang mga aral sa simbahang AND KNK, upang ipaliwanag ito.

Pangunahin sa mga aral na ito ang pangangailangang dapat ay isilang mula sa Diyos ang mga tao – o dapat silang maging “born of God.” Magaganap ito kung ipapahayag ng mga tao sa kanilang mga labi na tinatanggap at sinasampalatayaan nila si Jesus bilang kanilang Diyos at Tagapagligtas, na siyang Diyos, Ama, Anak, at Espiritu Santo.

Ikalawa, kailangang inuunawa ng mga tao sa kanilang isip, puso, kaluluwa, at espiritu, ang mga patotoo ng Bibliya na si Jesus nga ang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo. Sa AND KNK, may patotoo sa Bibliya ng Ama, Anak, ng Espiritu Santo, mga alagad ni Jesus, at ng mga di tumanggap at sumampalataya sa Kaniya.

Ikatlo, kailangang mag B- B- T- D-T, ang mga mananampalataya – na ang ibig sabihin, Basa, Bulay-bulay, at Tupad ng Bibliya, Dalo sa mga pagtitipon, at Tulong sa mga gawain ng simbahan. Ika-apat, dapat makita din sa mga mananampalataya ang pagbabago sa isip, salita, gawa, at itsura. Panghuli, dapat silang gumanap sa mga gawaing ipinagkatiwala ni Jesus sa mga mananampalatayang naniniwala sa Kaniya – humayo, magbunga, at magligtas ng kaluluwa.

***

REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, Power News Broadcasting Network, 95.5. J FM network./WDJ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *