“Ito ang kalagayang nakita ng Diyos sa buong daigdig; namumuhay sa katiwalian at korapsiyon ang lahat ng tao.” – Genesis 6:12, Ang Tanging Daan Bibliya
TALUMPATI NI DUTERTE TUNGKOL SA AKUSASYON NG PAGKAKAWALDAS NG P67 BILYONG PISONG PONDO PARA SA COVID-19, LALONG NAGPALALIM SA MISTERYO NG KORAPSIYON: Lalo pang lumalim at nakakagimbal ang isyu ng sinasabing pagkakawaldas ng bilyon-bilyong pisong pondo ng Department of Health (DOH) para sa COVID-19 noong umaga ng Martes, Agosto 31, 2021.
Ipinagtanggol kasi ng Pangulong Duterte mismo ang isa sa mga pangunahing personalidad na isinasangkot sa Senado sa diumano ay maanomalyang pagbili ng gobyerno ng higit sa P8 bilyong pisong halaga ng face masks o face shields mula sa Pharmally, isang kompanyang ang kapital ay higit P600,000 lamang.
Ayon sa Pangulong Duterte sa isang taped nationwide television address, hindi maaaring isangkot sa nasabing P8 billion corruption issue o anumang iba pang katiwalian sa pondo para sa COVID-19 si Michael Yang, ang dati niyang economic adviser na nagbitiw sa tungkulin matapos siyang idawit sa pagtutulak ng ilegal na droga ng isang dating police colonel, Eduardo Acierto.
Ang mga pagtatanggol ni Duterte kay Michael Yang ay ginawa ng Pangulo matapos na masangkot si Yang sa isinasagawang Senate Blue Ribbon Committee investigation, bilang isa sa mga pangunahing may-ari ng Pharmally. Diumano, kontrolado ni Yang ang Pharmally.
Sa pagdinig ng Senado, naglabas ang mga senador ng isang video na nagpapakita kay Duterte, Yang, at ng mga pinuno at mga opisyales ng Pharmally sa isang pulong sa Malacanang noong 2017.
***
DUTERTE, IPINAGTANGGOL ANG DATING ECONOMIC ADVISER MICHAEL YANG SA ISYU NG KORAPSIYON SA COVID-19 FUNDING: Isinasagawa ng blue ribbon committee ng Senado, sa pangunguna nina Chairman Senador Richard Gordon at Senador Panfilo “Ping” Lacson, ang imbestigasyon upang busisiin ang katotohanan sa ulat ng Commission on Audit noong isang linggo tungkol sa sinasabing pagkakawaldas, o hindi wastong pagkakagamit para sa kapakanan ng mga Pilipino, ng halagang P67 bilyong piso na nakalaan para sana sa paglaban sa COVID-19.
Kinukuwestiyon ngayon ng mga senador at ng maraming Pilipino kung bakit pinahintulutan ng gobyerno ng Pangulong Duterte ang paglilipat ng nasabing pondo ng DOH, patungo sa Department of Budget and Management (DBM) Procurement Services, isang ahensiya sa ilalim ng Office of the President sa Malacanang.
Marami kasi ang nagsasabi na kung ang pondong gastusin ng gobyerno ay naibigay na, sa pamamagitan ng General Appropriations Act, sa isang ahensiya ng pamahalaan, tanging ang nasabing ahensiya lamang ang may karapatang gumamit ng nasabing pondo.
Kung nais ng nasabing ahensiya na ibigay ang pondo niya sa ibang tanggapan ng gobyerno, gaya ng nangyari sa DOH at DBM, kailangan munang magkaroon ng pag-amiyenda sa batas upang mapahintulutan ito.
Kung tutuusin, maituturing na re-alignment ang paglilipat ng pondo, gaya ng nangyari sa DOH at DBM, na hindi pinapayagan ng Saligang Batas, ayon na rin kay Bayan Muna Party List Representative Carlos Zarate sa isang pahayag noon pang 2020.
***
BANGAYANG DUTERTE, GORDON, LACSON: KORAPSIYON SA COVID-19: Ganundin, nababanggit sa imbestigasyon sa Senado na maituturing na ma-anomalya ang pagkakahirang ng Pharmally ng DBM upang sa kaniya maibigay ang malaking halaga ng pondong inilipat ng DOH sa DBM.
Pangunahin sa mga inirereklamo sa Senado ay ang napakababang kapital ng Pharmally, at ang pagkakagawad sa kaniya ng kontratang nagkakahalaga ng P8 bilyong piso para sa face masks at face shield. Lumilitaw, malaking pabor ang ibinigay sa Pharmally sa nasabing pondo.
Kasama din sa mga inirereklamo sa Senado ang mga pahayag na ang Pharmally ay nasa kontrol ng mga Tsino. Ang tanong sa Senado: bakit pinili ang isang kompanyang kontrolado ng mga dayuhan gayong marami namang mga kompanya ng mga Pilipino ang maaaring makatugon sa paggawa ng face masks at face shields?
Ipinupunto din ng mga senador ang kawalan ng sinasabing “track record” ng Pharmally sa pagnenegosyo, lalo na sa mga kontratang bilyon-bilyong piso ang halaga, dahil naitayo lamang ito noong 2019.
Ganito naman ang mga pagpapahayag ng Pangulong Duterte sa mga isyung ito: pinagkakatiwalaan niya si Michael Yang dahil maraming beses nitong naisasama upang makapulong ang Pangulong Duterte ang Chinese ambassador. Lumilitaw din na si Michael Yang ang nagpakilala kay Duterte sa ilang mga negosyante sa China, na itinuturing na ngayong mga kaibigan ni Duterte.
Pangatlo, dalawampung taon ng nagnenegosyo si Michael Yang sa Davao City, kaya’t kilala na ni Duterte ito, at maging ng maraming Dabawenyo. Ayon pa kay Duterte: “Michael Yang has been in business here in the Philippines for 20 years. Nag-umpisa ‘yan sa Davao…akala ko ba we are inviting investors?”
***
BABALA LABAN SA MGA KORAP AT TIWALI SA PONDO PARA SA TRAHEDYA: HINDI NATUTULOG ANG DIYOS, PARUSA TIYAK NA DADATING: Pang-apat, niliwanag ni Duterte na noong mag-umpisa ang pandemya noong 2020, talagang mahal ang halaga ng mga face masks, face shields, at mga PPEs o personal protective equipment, dahil hindi pa available ang maraming supply noong mga panahong iyon. At batay sa mga ulat sa media ngayong umaga, ipinagtanggol din ni Duterte ang mga Chinese at ang mga Chinese companies na nakakakuha ng mga kontrata sa kaniyang gobyerno.
Sa harap ng mga kaguluhang ito sa paghawak ng pondo ng gobyernong Duterte para sa COVID-19 pandemic, inihayag ng mga nagmamasid sa balita na wala ng katiyakang maihahayag pa sa bayan ang katotohanan kung may anomalya nga ba o wala, sa mga alegasyon ng pagkakawaldas ng bilyon-bilyong pondo ng gobyerno para sa COVID-19.
Ayon sa mga tagapagmasid na ito, maaaring wala na ding mapaparusahan sa mga kapalpakang maliwanag na naganap sa paggamit ng nasabing mga pondo, lalo na at magtatapos na ang mga termino ng mga senador sa susunod na taon.
Pero, dagdag nila, makalusot man ang mga tiwali at korap, at hindi man sila maparusahan sa panahon ngayon, hindi naman natutulog ang Diyos sa mga tunay na nangyayari sa mga tao. Maliwanag ang sinasabi ng Bibliya, ayon sa mga mananampalataya, na ang lahat ng mga ginawa ng tao, hayag man o lihim, mabuti man o masama, ay ipagsusulit nila, pagdating ng takdang panahon.
At papatawan pa din ng kaparusahan ng Diyos ang mga tiwali, korap, at makasalanan. Ang mas masakit pa, hindi lamang ang mga taong ito ang makakalasap ng walang hanggang parusa, kundi pati na ang kanilang mga anak, sa ikatlo at ika-apat na salinlahi.
***
REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, Power News Broadcasting Network, 95.5. J FM network./WDJ