Hilo, lito, walang unawa ang mga lumalaban sa COVID-19

Posted by watchmen
August 27, 2021
Posted in OPINION

“Sa Diyos ka magtiwala buong puso at lubusan, at huwag mong panghawakan ang sarili nating karunungan. Sa lahat ng ating mga gawa unahin Siya, at ang iyong mga landas, Kaniyang itatama…” – Mga Kawikaan 3:5-6, Bibliya

HILO, LITO, O WALANG UNAWA, ANG MGA NASA GOBYERNO KUNG PAPAANO LALABANAN ANG COVID-19: Hilo. O di kaya ay, lito. O, kung hindi man hilo, o lito, blangko ang isip, o wala talagang unawa kung ano ang karapat-dapat gawin upang labanan ang lalo pang tumitinding pagkakahawa-hawa ng mga Pilipino sa COVID-19, at sa mga mas delikadong variants nito, gaya ng Delta at Lambda variants.

Ito ang nakakalungkot na pagsasalarawan ng mga netizens sa mga namumuno sa mga pagkilos sa pamahalaan at sa pribadong sektor kung paglaban o di kaya ay pagsasawata ng tuluyan ng COVID-19 at ng kaniyang mga variants ang pag-uusapan. Ang sentimyentong ito ng mga netizens ay kanilang ipinarating sa Kakampi Mo Ang Batas noong umaga ng Martes, Agosto 24, 2021.

Sinabi ng mga netizens na kitang-kita ang kawalan ng matagumpay na resulta ng lahat ng mga plano at mga ginagawa ng iba’t ibang sektor kontra sa pandemya. Ipinunto ng mga netizens na hindi nila maunawaan, halimbawa, ang naging pasya ng gobyerno, sa pamamagitan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases o IATF, ng Department of Health o DOH, at maging ng Metro Manila Council o MMC, na ibaba sa modified enhanced community quarantine, o MECQ, ang tayo ng  National Capital Region.

Ngayong linggong ito, lumulobo lalo ang bilang ng mga nahahawa, kung ikukumpara ito sa bilang ng mga nahahawa araw-araw noong bago itinakda ang ECQ. Noong Lunes, naitala na lagpas 18,000 ang nahawa ng virus, na itinuturing na pinaka-mataas ng bilang ng nahawang mga Pilipino ng Covid 19 mula noong Marso 2020.

 

***

PAMALI-MALING PASYA SA QUARANTINE STATUS, LALO PANG NAGPAPALALA SA PAGKAKAHAWAAN NG COVID AT NG VARIANTS NITO: Tiyak, ang pasya ng downgrading ng community quarantine status ng NCR mula sa ECQ at napunta ng MECQ lamang, umpisa noong Agosto 21, 2021, ay nasa likod ng paglobong ito, kaya naman sinasabing maling-mali ang downgrading, at tila ba hinulaan o hocus-pocus  lamang ng mga namamahala sa COVID-19.

Ganundin, sa kabila ng katotohanang kailangan na kailangan ng bansa ngayon ang mga nurses at iba pang medical health workers sa laban sa COVID-19, nakikita naman sa DOH at sa gobyerno ng Pangulong Duterte ang kawalan ng pagmamadali upang maibigay ang mga matagal ng ipinangakong financial assistance at benefits sa kanila.

Ang tanging ginagawa ngayon ng gobyerno, sa pamamagitan pa ng isang hindi konektado sa DOH, si Presidential Spokesman Harry Roque, ay makiusap lamang na huwag itutuloy ng mga nurses at iba pang medical health workers ang kanilang pagbibitiw sa kanilang mga trabaho.

Itinatanong ng marami kung bakit hindi na lamang ibigay ng diretso ng gobyerno ang mga benepisyong matagal ng ipinag-uutos ng batas na maibigay sa mga manggagawa sa kalusugan, samantalang napakarami naman ng mga perang natuklasan ng Commission on Audit o COA na hindi nagagastos, at tila may ibang pinaglalaanan.

 

***

MGA PINUNO AT MGA TAONG WALANG UNAWA SA ANGGULONG ESPIRITUWAL NG COVID-19, HINDI MAKAKAHANAP NG KALUTASAN: Sa pagpapatupad naman ng mga health protocols, litaw din ang pagpapabaya, o  kawalan ng iisang pagkilos ng Philippine National Police at maging mga pamahalaang lokal. Itong pagpapabayang ito ng mga autoridad ang sinasabing pangunahing dahilan kung bakit marami sa mga Pilipino ang nananatiling walang face masks, walang face shields, at hindi sumusunod sa social distancing pag sila ay nasa labas ng kanilang mga bahay.

Ipinunto ng marami ang halimbawa sa kakulangan ng mga public transportations units o mga pampublikong jeep, bus, o kahit na taksi, na masasakyan ng mga kababayan nating nagsusumikap magtrabaho, kahit na nangangahulugan ito ng posibleng pagkakahawa nila ng kanilang mga kapwa bumibiyahe o di kaya ay naglalakad sa kalsada.

At, isa pa, sa hindi malamang dahilan, ayaw pansinin ng IATF at DOH at ng buong gobyerno at ng mga negosyante sa pribadong sektor ang mga babala ng OCTA research group tungkol sa pagdami pa ng bilang ng mga nahahawa. Ikinalulungkot din ng marami ang maliwanag na kawalan ng discernment o unawa ng mga pinuno ng pamahalaan, mula sa pinakamataas sa gobyerno, sa mga nangangasiwa sa IATF at DOH, at maging sa mga pribadong negosyo, sa implikasyong espirituwal ng COVID-19pandemic.

Bagamat mayroong mga sertipikadong mananampalataya na nagsisilbi sa pamahalaang Duterte, pinupuna din ang kanilang kawalan ng pagkilos upang gabayan ang Pangulong Duterte, at ang lahat ng iba pang mga nasa rurok ng pamamahala, tungo sa pagkilala sa koneksiyon ng COVID-19 pandemic at ng mga kautusan o ng kalooban ng Diyos.

Ito ang isang mabigat na dahilan kaya hanggang ngayon, tila isdang kakawag-kawag ang gobyerno matapos itong alisin sa tubig, dahilan upang wala silang maisip na kalutasan mula sa Diyos.

 

***

REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network./WDJ

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *